MAKAPANGYARIHANG PANALANGIN SA SANTO ENTIERRO
PALAGIANG DEBOSYON SA MAPAGHIMALANG IMAHEN NG MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
I. UNANG BAHAGI: ANG PANALANGIN
PANIMULA
N: SA NGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.
L: AMEN.
N: PAGNILAYAN NATIN ANG MABUTING BALITA AYON KAY SAN MATEO
(TUMAYO ANG LAHAT)
SALITA NG DIYOS
N: ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON AYON KAY SAN MATEO
(27: 57 – 61)
L: PAPURI SA IYO, PANGINOON.
Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya’t iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan.
N: ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
L: PINUPURI KA NAMIN, PANGINOONG HESUKRISTO.
L: PANALANGIN
MAKAPANGYARIHANG NOBENA
(NAKALUHOD KUNG NASA BAHAY O NAKAHAWAK SA IMAHEN O ANDAS NG SANTO ENTIERRO KAPAG NASA HARAPAN NITO)
MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO,
SA LAKI NG IYONG PAG-IBIG PARA SA AMIN
MALAYA MONG TINANGGAP ANG PASAKIT NG MGA TAO,
ANG KAMATAYAN SA KRUS
AT ANG KADILIMAN SA LOOB NG PUNTOD
NA INIALAY SA IYO NG ALAGAD NA SI JOSE NG ARIMATEA.
MATAPOS ANG TULOY-TULOY NA PAGHIHIRAP
MULA SA KAMAY NG MGA SUNDALO
HANGGANG SA KRUS NG KALBARYO,
IBINABA NILA ANG IYONG MAHAL NA KATAWAN
NA LURAY-LURAY AT LAMOG, TADTAD NG MGA SUGAT,
AT TIGMAK NG DUGO.
TIGIB NG DALAMHATI ANG MGA NAKASAKSI
HABANG MINAMASDAN ANG
IYONG KATAWANG WALANG BUHAY.
BUONG PAGMAMAHAL KA NAMANG NIYAKAP
SA KANDUNGAN NG IYONG INANG SI MARIA NA TAPAT
NA SUMUNOD AT NAGBANTAY SA BAWAT KAGANAPAN.
SA PUSO NG MAHAL NA BIRHEN,
ANG WALANG BUHAY MONG KATAWAN
AY SANHI NG MATINDING KALUNGKUTAN.
INARUGA NIYA ANG KATAWANG ITO MULA SA SABSABAN.
NARINIG NIYANG IKAW AY TRIGONG DAPAT MALAGLAG SA LUPA
UPANG MAMUNGA NANG SAGANA.
BATID NIYA ANG PANGAKO MONG
ANG TEMPLONG WAWASAKIN
AY ITATAYO MULING SA IKATLONG ARAW.
BAGAMAT TIGIB NG KALUNGKUTAN,
UMUSBONG SA PUSO NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
ANG PAG-ASA NA ANG IYONG KAMATAYAN
AY HINDI WAKAS
KUNDI SIMULA PA LAMANG
NG BUBUKAL NA BUHAY, BIYAYA AT HIMALA
SA SINUMANG NANANAMPALATAYA.
SA IYONG PAGKAHIMLAY, BINUKSAN MO
ANG PINTUAN NG LANGIT SA MGA YUMAONG NAG-AASAM.
HIGIT KANG NAKIISA SA AMING KARANASAN
NG LIMITASYON NG AMING PAGKATAO
AT NG BUNGA NG KASALANAN.
SA KANYANG DAKILANG PAGMAMAHAL,
HINANGO KA NAMAN NG AMA MULA SA KADILIMAN,
AT SUMINAG SA IYO ANG ESPIRITU SANTO
NA NAGBIBIGAY-BUHAY.
NANG IKATLONG ARAW, ANG YUNGIB SA JERUSALEM
ANG PIPING SAKSI SA KALUWALHATIAN
NG IYONG MULING PAGKABUHAY.
ANG MULING PAGKABUHAY MO, PANGINOON,
ANG PINAKADAKILANG HIMALA SA KASAYSAYAN,
ANG PINAKAMABISANG PAGBABAGO SA SANLIBUTAN,
ANG KATUPARAN NG PANGAKO NG AMA
SA KANYANG MINAMAHAL NA ANAK AT
SA LAHAT NG SA PAMAMAGITAN NIYA’Y
MAGIGING MGA ANAK AT KAIBIGAN.
O POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO,
IKAW AY SAGISAG HINDI NG PAGKATALO
KUNDI NG TAGUMPAY,
HINDI NG KAMATAYAN
KUNDI NG KALUWALHATIANG NAG-AABANG
SA MULING PAGKABUHAY.
DUMARANAS PO KAMI NGAYON
NG MGA PAGSUBOK AT SULIRANIN SA BUHAY.
MINSAN WALA KAMING MASILIP NA LUNAS O
MASUMPUNGANG PAG-ASA.
SUBALIT NANINIWALA KAMI
SA KAPANGYARIHAN NG IYONG PAG-IBIG,
SA KATAPATAN NG IYONG PANGAKO,
AT SA NINGNING NG IYONG LIWANAG.
INIAALAY NAMIN SA IYONG PAANAN, MAHAL NA POON
ANG AMING MGA KAHILINGAN PARA
SA AMING MGA MINAMAHAL, SA AMING SARILI,
AT SA LAHAT NG MGA MAY PASANIN SA BUHAY.
(KATAHIMIKAN PARA SA TANGING KAHILINGAN…)
DALHIN MO PO ANG MGA KAHILINGANG ITO
SA KATAHIMIKAN NG IYONG PUSO.
DALISAYIN MO PO ANG AMING MGA NINANAIS
SA BISA NG IYONG SAKRIPISYO PARA SA AMIN.
KUNG PAANONG SA IKATLONG ARAW
IKAW AY MULING NABUHAY,
GAYUNDIN PO NAMAN IYONG PAGBIGYAN
AT TULUNGAN KAMING NAMAMANATA SA IYONG HARAPAN.
LAHAT NG ITO AY AMING DALANGIN SA AMANG MAPAGMAHAL
SA NGALAN NI JESUS DEL SANTO ENTIERRO, SA LIWANAG NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN. AMEN.
N: O MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
L: PASASALAMAT AT PAPURI SA IYO!
N: O MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
L: LUWALHATI AT PAGSAMBA NG BUONG MUNDO
N: O MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
L: PATAWAD SA AMING MGA KASALANAN AT TUNAY NA PAGBABAGO
N: O MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO SANTO ENTIERRO
L: DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN
N: O MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
L: IHATID MO KAMI SA MULING PAGKABUHAY MO
L: AMEN.
N: AMA NAMIN…
L: BIGYAN MO KAMI…
N: ABA GINOONG MARIA…
L: SANTA MARIA, INA NG DIYOS…
N: LUWALHATI SA AMA…
L: KAPARA NOONG UNANG-UNA…
II. MAIKLING PALIWANAG
TANONG AT SAGOT TUNGKOL SA DEBOSYON
SA MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO
1. BAKIT MAY DEBOSYON SA SANTO ENTIERRO?
ANG DEBOSYON SA MAHAL NA POONG JESUS DEL SANTO ENTIERRO AY BAHAGI NG PAGDIRIWANG AT PAG-ALALA SA MISTERYO NG SAKIT, KAMATAYAN, AT MULING PAGKABUHAY NG PANGINOONG HESUKRISTO SA PANAHON NG KUWARESMA, LALO NA SA MGA MAHAL NA ARAW. NAGIGING TAMPOK ANG SANTO ENTIERRO SA PRUSISYON AT MGA DEBOSYON NA KAUGNAY NG BIYERNES SANTO HINDI LAMANG SA PILIPINAS KUNDI SA IBANG BAHAGI NG DAIGDIG. KABILANG SA MGA TAGPO NG MGA MAHAL NA ARAW AY ANG PAGLILIBING SA PANGINOON NA SIYANG SINASAGISAG NG SANTO ENTIERRO. ANG ATING PANGINOON AY TUNAY NA PINAHIRAPAN AT PINAGPASAN NG KRUS, IPINAKO AT NAMATAY SA KRUS, INILIBING SA ISANG YUNGIB NA INUKA SA BATO, AT NABUHAY MULI MULA SA LIBINGANG IYON. ANG DEBOSYON ITO AY NASA PUSO NG PAGGUNITA NATIN SA KUWARESMA HANGGANG HUMANTONG SA PASKO NG MULING PAGKABUHAY.
2. SAAN NAGMULA ANG DEBOSYON SA SANTO ENTIERRO SA PILIPINAS?
MAAARING SABIHIN NA NAGMULA ANG DEBOSYONG ITO SA JERUSALEM, ANG BANAL NA LUNGSOD KUNG SAAN NAGANAP SA PANGINOONG HESUKRISTO ANG MGA TAGPO SA KANYANG BUHAY. DOON DINADAYO NG NAPAKARAMING MGA KRISTIYANO ANG PINANINIWALAANG LIBINGAN O PUNTOD NG PANGINOON. PUMAPASOK ANG MGA TAO AT NAGDARASAL SA LOOB NITO. IBIG SABIHIN, ANG KAUGALIANG ITO AY ININGATAN AT ISINALIN NG MGA UNANG KRISTIYANO SA MGA KASUNOD NA HENERASYON O SALINLAHI NG MGA MANANAMPALATAYA. ISANG MALAKING BASILIKA O SIMBAHAN ANG NAKASASAKOP NGAYON SA LUGAR NG LIBINGANG ITO.
SA MGA HINDI MAKARARATING SA JERUSALEM TUWING MAHAL NA ARAW, ANG DEBOSYON SA SANTO ENTIERRO ANG NAGIGING DAAN NG PAGDIRIWANG. DAHIL SA MGA MISYONERONG ESPANYOL, NAKARATING SA ATIN ANG TRADISYONG ITO NA GINAGAWA NA SA EUROPA AT NAIPAMANA DIN NG MGA ESPANYOL SA KABUUAN NG LATIN AMERICA. HINDI LAMANG SA PILIPINAS MAY DEBOSYON SA SANTO ENTIERRO.
3. MATATAGPUAN BA SA BIBLIYA ANG SANTO ENTIERRO?
ANG BASEHAN NG DEBOSYON AY NASA AKDA NG MGA SUMULAT NG MABUTING BALITA O EBANGHELYO, TULAD NG PAGBASA SA SIMULA NG PANALANGIN SA ITAAS (SAN MATEO 27: 57-61). ANG MGA MANUNULAT AY NAGKAKAISA NA TOTOONG NAGANAP ANG PAGLILIBING SA PANGINOONG HESUKRISTO SA JERUSALEM AT ITO AY DINALUHAN NG ILANG MGA ALAGAD, LALO NA ANG MGA KABABAIHAN, AT HIGIT SA LAHAT, NG MAHAL NA BIRHENG MARIA.
4. ANG ANG HAMON NG SANTO ENTIERRO SA MGA KRISTIYANO?
BAGAMAT MALUNGKOT ANG TAGPO NG SANTO ENTIERRO, ANG TUNAY NA KAHULUGAN NITO AY PAG-ASA AT PANANABIK SA MULING PAGKABUHAY. KAYA NGA ANG PAGGUNITA SA LIBING NG PANGINOON AY ISANG PAGHIHINTAY NG PANGAKO NA MALULUPIG ANG KAMATAYAN AT SISIBOL ANG BUHAY DAHIL SA KAPANGYARIHAN NG DIYOS. TUNAY NGA NA WALANG IMPOSIBLE SA DIYOS. ANG PAGKABUHAY NI HESUS AY MAGIGING PAGKABUHAY DIN NG LAHAT NG SUMASAMPALATAYA SA KANYA.
ANUMANG DASALIN NATIN SA HARAP NG SANTO ENTIERRO AY DAPAT NATING PANIWALAAN NA PINAKIKINGGAN NG DIYOS NA SIYANG GUMAGAWA NG PARAAN KAHIT TILA WALA NANG MAGAGAWA PA ANG TAO. KASAMA SA MGA 14 NA ESTAYON NG KRUS ANG “PAGLILIBING SA PANGINOON.” NASABI NG MONGHE AT BANTOG NA MANUNULAT NA SI THOMAS MERTON NA MABISA AT IPINAGKAKALOOB DAW ANG ANUMANG KAHILINGANG BINABANGGIT SA ESTASYON NG PAGLILIBING (KARANIWANG IKA-14 SA TRADISYONAL NA BERSYON). KUNG GAYON, TALAGANG NAGBIBIGAY PAG-ASA ANG PAGNINILAY SA PAGLILIBING SA PANGINOONG HESUKRISTO.
FRM