SAINTS OF APRIL: San Francisco de Paola
ABRIL 2 (Ermitanyo) A. KUWENTO NG BUHAY Isang Italyano mula sa rehiyon ng Calabria si San Francisco ng Paola. Isinilang siya noong 1416. Sa murang edad na labintatlong taong gulang, pumasok na siya sa kumbento ng mga Pranciskano. Maaaring magtaka tayo kung paanong makapagpapasya ang isang bata na gumawa ng ganito kalaking hakbang sa buhay niya. Ang pasyang ito ay ginawa ng kanyang mga magulang na nangako kay San Francisco ng Assisi na isa sa kanilang mga anak ay magiging tulad ng sikat na santo ng Italy. Minsan nangyayari din ito sa Pilipinas na gumagawa ng panata o pangako sa Diyos ang mga magulang na ang kanilang anak ay magiging pari o madre sa pagdating ng panahon. Medyo hindi katanggap- tanggap ito ng maraming tao sa modernong sitwasyon subalit may mga tao na talagang marubdob ang debosyon na ginagawa pa rin ito. Subalit ang higit na mahalaga ay ang tanggapin at angkinin ng bata ang panata ng kanyang mga magulang bilang sarili din niyang kagustuhan. At ganito ang naganap kay Francisco ng Paola. Sa katunayan, lalo pa ngang lumakas ang hatak ng buhay-pamamanata sa kanya. Matapos ang dalawang taon sa mga Pransiskano, nangahas siyang maging isang ermitanyo. Paglipas ng ilang panahon, naakit sa kanyang halimbawa ang ilang mga tao na humiling na makibahagi sa kanyang buhay. Dahil dito, itinatag ni San Francisco ang komunidad ng mga relihiyoso na tinawag niyang Order of Hermits of St. Francis of Assisi noong 1456. Napalitan ang pangalang ito ng Order of Minims, na ang kahulugan ay ang pinakamaliit sa tahanan ng Diyos. Nagpapakita ito ng pananaw ni San Francisco de Paola na puno ng kababaang-loob. Bilang isang ermitanyo, tumangging maging pari si San Francisco, dahil din sa kanyang pagpapakumbaba. Subalit naging tanyag siya bilang banal na tao at bilang isang mapaghimalang tao. Ipinadala siya ng Santo Papa upang gamitin niya ang kanyang espiritwal na mga kaloob para paglingkuran ang hari ng France na si Haring Luis XI. Naging spiritual director siya ng hari. Nang mamatay ang haring ito, hindi pa rin siya natapos sa kanyang misyon dahil sinubaybayan din niya ang mga kahaliling hari na sina Carlos VIII at Luis XII. Sa kanyang impluwensya, nagkaroon ng kapayapaan sa pamumuno ng mga haring umasa sa kanyang paggabay at mga payo. Ginugol ni San Francisco ng Paola ang kanyang buhay sa France, hanggang nakapagtayo din siya dito ng mga monasteryo bago siya namatay. Pumanaw siya nang Biyernes Santo ng 1507 sa Tour, France. Kinikilala siyang santong patron ng mga magdaragat. B. HAMON SA BUHAY May lakas talaga sa kababaang-loob at iyan ang mababakas natin sa buhay ni San Francisco de Paola. K. KATAGA NG BUHAY Lc 12:32-34 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang Kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at maglimos. Gumawa kayo ng mga pitakang di naluluma, kayamanang di mawawala na nasa Diyos. Wala nga roong makalalapit na magnanakaw o makasisirang kulisap. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso. From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from Catholic Online Share on FacebookTweet Total Views: 294
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed