ANG 12 BUNGA (MGA BUNGA) NG ESPIRITU SANTO
Ano ang pagkakaiba ng BUNGA ng Espiritu Santo sa mga KALOOB ng Espiritu Santo?
Ang mga Kaloob (7 Gifts of the Holy Spirit, Is. 11: 2-3) ay mga mabubuting katangian na dulot ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa (virtues sa Ingles, tulad ng theological virtues na pananampalataya, pag-asa at pag-ibig). Ang mga Bunga (Gal 5:22-23) naman ay mga mabubuting kilos na nagmumula sa mga Kaloob na ito. Namumunga tayo ng kabutihan dahil sa Espiritu Santo, sa ating pagkilos at pagsasabuhay ng pananampalataya sa mundo. Nagagawa natin ito dahil sa tulong ng Espiritu Santo. Ang presensya ng mga Bunga ng Espiritu Santo sa ating buhay ay patunay na nananahan sa atin ang Espiritu ng Diyos.
Ayon sa Gal. 5, may 9 na bunga ang Espiritu Santo sa atin: “Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito.” Subalit sa tradisyong Katoliko, itinuturo na may 12 bunga dahil sa Vulgate o Latin translation ng Bibliya ay ganito ang nakasaad. Ang pagkamatiisin, kababaang-loob at kalinisan ay makikita sa Vulgate lamang.
ANO ANG KAHULUGAN NG BAWAT “BUNGA” NG ESPIRITU SANTO?
PAG-IBIG: ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na walang kondisyon o hinihintay na kapalit. Hindi ito isang damdamin lamang kundi isang aktibong pagka-kawanggawa na ipinakikita sa mabuting pagkilos tungo sa Diyos at sa kapwa-tao.
KAGALAKAN: ligaya na higit pa sa emosyon lamang. Ito ay ang pagiging payapa at hindi natitinag sa gitna ng mga hamon at dagok ng buhay; ang hindi pagpapako ng kaligayahan sa mga materyal na bagay; ang pag-asa na liligaya tayo sa piling ng Panginoong Hesus sa wakas ng ating buhay.
KAPAYAPAAN: ang pagkahinahon ng kaluluwa na mula sa pagtitiwala sa Diyos. Sa halip na mabagabag sa kinabukasan, ang mga Kristiyano ay tinutulungan ng Espiritu Santo na laging kumapit at tumangan sa kamay ng Diyos na siyang nagbibigay ng lahat ng mabuti. Tumitingkad ang kapayapaan sa pusong nagdarasal at sumasamba sa Diyos.
PAGTITIYAGA (Pasensya): ang kakayahang pasanin o batahin ang mga kahinaan o kakulangan ng iba, batid na tayo din ay mahina at nangangailangan ng awa at patawad ng Diyos.
KABAITAN: ang pagnanais na magbigay o magbahagi sa iba nang higit pa sa inaasahan sa atin o na higit pa sa ating tinatanggap na kabutihan sa ating kapwa.
KABUTIHAN: ang pag-iwas sa masama at ang pagyakap sa mabuti, na hindi alintana ang bunga nito sa ating reputasyon man o katayuan sa buhay; ang pagsisisi sa tuwing nagkakasala at ang pagpapasyang magsikap na isabuhay ang kalooban ng Diyos sa hinaharap.
PAGKA-MATIISIN : ang pagpipigil sa gitna ng pambubuyo o pamumukaw ng kapwa na gumawa ng masama. Kung ang pagtitimpi o pasensya ay nakatuon sa kahinaan o pagkakamali ng iba, ang pagkamatiisin naman ay nakatuon sa mga pag-atake ng kapwa na binabata nang may kaninahunan.
KAHINAHUNAN o KAAMUAN: pagiging mapagpatawad sa halip na magagalitin, mapagparaya sa halip na mapaghiganti. Tulad ni Hesus, ang mahinahon o maamong tao – “Ako ay maano at mapagpakumbabang puso” (Mt 11: 29). Hindi iginigiit ang nais kundi nagpaparaya sa iba alang-alang sa Kaharian ng Diyos.
PANANAMPALATAYA: bilang bunga ng Espiritu Santo, ito ang pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos sa lahat ng pagkakataon; pagsunod sa mga aral ni Kristo, ng Salita ng Diyos at ng simbahan.
KABABAANG-LOOB: pagpapakumbaba at kadalisayan ng isip, pag-amin na anumang tagumpay, pagkakamit, lakas, galing o narating sa buhay ay tunay na regalo ng Diyos sa atin; ang pag-aayos ng sarili na maayos at marangal; ang hindi paggawa ng anumang taliwas sa pagiging alagad ni Kristo.
PAGPIPIGIL SA SARILI: kontrol o wastong disiplina sa sarili. Hindi nangangahulugan na inaalis sa sarili ang anumang kailangan o nararapat (na mabuting bagay, siyempre); subalit ito ang pagsasabuhay ng tamang pagpapaubaya sa sarili ng mga mabubuting bagay (halimbawa ay self-control sa pagkain, sa paglilibang, sa paglalaro, atbp).
KALINISAN: ang pagpapasailalim ng pangangailangan ng katawan o ng laman sa espirituwal na aspekto ng ating buhay. Ito ang pagpapaubayang pagbigyan ang ating pisikal na hangarin sa tamang paraan, halimbawa, ang pagtatalik ng mga nagmamahalan kung sila ay kasal lamang, ang pagiging tapat sa asawa, ang pagiging tapat sa estado ng buhay mo bilang Kristiyano.