Home » Blog » KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 3

KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 3

TEMA: KUNG LALONG PAYAPA ANG TAO, 

MAS HIGIT NA KUMIKILOS ANG DIYOS

 

PANALANGIN

 

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 

REFLECTION 3

 

Ang paghahangad ng kapayapaan ay higit pa sa isang kapanatagan lamang ng isip o psychological na pagka-kalmado. Mas malalim ito doon dahil ito ay ang pagbubukas ng sarili sa kilos at galaw ng Diyos.

 

Unawain natin at laging tandaan ang simple subalit napakahalagang turong ito: Lalo tayong kumikiling tungo sa kapayapaan, lalo ding kumikilos ang biyaya ng Diyos sa ating buhay.

 

Ayon sa isang bantog na santo mula sa Rusya: si San Serafin ng Sarov: Pagsikapang kamtin ang Espiritu ng Kapayapaan, at isang libong kaluluwa sa paligid mo ang maliligtas!

 

Kung paanong mas nababanaag sa tahimik ng tubig ng isang lawa o ilog ang sikat ng araw, gayundin ang payapang espiritu ay lalong bukas sa kilos at galaw ng Espiritu Santo.

 

Isang manunulat spiritual, si Lorenzo Scupoli ang nagsabi: Ginagawa ng demonyo ang lahat upang mapawi ang kapayapaan sa puso ng tao, dahil alam niyang ang Diyos ay nananahan sa kapayapaan at sa kapayapaan niya ginaganap ang kanyang mga dakilang gawain.

 

Balik tayo muli kay San Francisco de Sales na nagbilin sa kanyang alaga: Dahil sa kapayapaan lamang naninirahan ang pag-ibig, lagi mong ingatan na magkaroon ng banal na kapanatagan ng puso na lagi kong itinatagubilin sa iyo.

 

Iyong pagsisikap na panatilihin ang puso na nakikipaglaban sa pag-aalala, pagkabagabag, at espirtuwal na tunggalian ang kinakailangang kundisyon upang kumilos ang Diyos, at nagdudulot sa atin na lumago sa pag-ibig at sa pagiging mabunga sa ating buhay. ito ang tawag sa atin ng Diyos.

 

Masasabi din nating sa kapayapaan lamang tayo tunay na makagagawa ng pagkilatis nang tama sa mga bagay-bagay. Kung hindi tayo payapa, kung puno tayo ng pagkabahala, kalituhan, o kaguluhan, doon naman tayo nagiging alipin ng ating emosyon, at hindi tayo nagiging malinaw sa ating mga pananaw sa buhay.

 

Kaya tuloy, natutukso tayong maging malabo sa pagtingin sa mga bagay, at maging mapagduda o mapag-alinlangan sa lahat sa ating buhay. Ang kabaligtaran naman ay totoo: kapag payapa tayo malinaw ang ating pananaw.

 

Si San Ignacio ng Loyola ang mabuting nakaunawa nito. Nakilatis niya ang kaibahan ng kaaliwan o consolation at ng kapanglawan o desolation sa buhay espirituwal. Sabi niya huwag na huwag gagawa ng desisyon kapang nasa kapanglawan o desolation, kapag tumatahak tayo sa magulong paglalakbay sa ating buhay.

 

Dapat lang daw maging tapat sa mga pasyang nagawa na sa panahon ng kapayapaan o kaaliwan. Hintayin muna nating magbalik ang kapayapaan bago gumawa ulit ng mahalagang pasya o pagbabago sa ating buhay. Ayon kay San Ignacio ang dahilan ay malinaw: sa kaaliwan, ang gabay natin ay ang mabuting espiritu; sa kapanglawan o kaguluhan, ang nagiging gabay sa pagkilos ay ang masama o maling espiritu.

 

Mula dito, mahahango natin ang panuntunan ng tamang pagkilos: kapag dumating ang isang problema na nag-aalis ng ating kapayapaan, ang kailangang-kailangan ay hindi agad solusyunan ang problema para magkaroon muli ng kapayapaan; ang kailangang-kailangan ay mabawi muna ang kahit konting kapayapaan ng puso at isip, at saka pa lamang doon unti-unting makita ang liwanag tungkol sa paglutas ng problema.

 

At dahil dito maiiwasan nating gumawa ng madalian o mabilisang pasya na bunsod ng takot, at maiiwasan din nating pilit na lutasin ang mga problemang lampas naman talaga sa ating kapangyarihan na ayusin, na madalas mangyari di po ba?

 

Paano natin makakamtan itong kahit konting kapayapaan na ito? Magagawa ito kung patuloy na magtitiwala sa Diyos sa taimtim na panalangin, sa paggawa ng tanda ng pananampalataya at pag-asa sa Diyos, at sa pag-alala sa mga salita ng Bibliya ukol sa higit na pagtitiwala sa Panginoon.

 

 

GRACE

 

Hilingin natin ngayon ang biyayang ito:

Maunawaan ko nawa na hindi sa magulo at padalus-dalos na paraan ko malulutas nang maayos ang anumang gusot sa buhay, kundi sa pananatiling payapa at nagtitiwala sa Diyos sa anumang munting paraan. Tulungan nawa ako ng Panginoong Hesus.

 

 

MULA SA MGA SAKSI:

 

Isang banal na pari, si Ven. Francis Mary Paul Libermann, CSSp (Congr. Of the Holy Spirit): Nang kalugdan ng Diyos na likhain ang sandaigdigan, nagsimula siya sa kawalan, at masdan kung gaano kaganda ang nagawa niya! Gayundin naman, kung nais niyang kumilos sa atin upang gumawa ng mga bagay na lubhang higit na lampas sa natural na kagandahan na mula sa kanyang mga kamay, hindi niya tayo kailangan na kumilos upang tulungan siya… sa halip, pabayaan mo siya; masaya siyang gumagawa mula sa kawalan. Manatiling payapa at panatag sa harap niya, at sundan laman ang kilos na ibinibigay niya sa atin… panatiliin natin ang ating kaluluwa at ang ating espirituwal na lakas sa kapayapaan sa harapan niya habang naghihintay ng mga kilos at lahat ng buhay na mula sa kanya lamang.

 

ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ni San Pablo (Fil 4: 5-7):

 

“Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.”

 

Tahimik nating pagnilayan ang mga salitang ito; basahin nang ilang ulit hanggang manuot sa ating puso at pabayaan nating baguhin tayo ng Salita ng Diyos.

 

MANTRA:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang: Malapit nang dumating ang Panginoon.  Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay.

 

(salamat sa inspirasyon ni Fr Jacques Philippe)