KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 4
TEMA 4:
PANALANGIN: DITO MATATAGPUAN ANG KAPAYAPAAN
PANALANGIN
Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.
Sa ngalan ng Ama…
O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.
REFLECTION 4
Ang isang pangunahing paraan ng pagkakamit ng kapayapaan ng kalooban ay ang katapatan sa panalangin.
Madalas, kulang tayo sa kapayapaan dahil hindi sapat ang ating panalangin. Ang kapayapaan kasi ay hindi nagmumula sa gawa ng tao; ito ay bumubukal mula sa Diyos, kaya dapat doon natin ito hahanapin.
Mas lalo tayong nakikipagtalastasan sa Diyos, mas lalo din tayong makasusumpong ng kapayapaan.
Isang mongheng mula sa Egypt ang nagsulat ng ganito: Araw-araw, sa panalangin, binibigyan tayo ng Diyos ng bagong kapayapaan..
Napakagandang katotohanan ito. Sa Diyos naroon ang isang nag-uumapaw na lakas, isang pambihirang buhay, subalit gayundin nasa kanya ang isang napakalalim na kapayapaan. Sabi nga ni San Pablo sa mga sulat niya, lalo na sa mga taga Tessalonica at ibang sulat, ang Diyos ay ang “Diyos ng kapayapaan.”
Ang Diyos ay isang malalim na bangin ng kapayapaan, isang malawak na karagatan ng kapayapaan. Tuwing magkakaroon tayo ng tunay na ugnayan sa kanya, dumadaloy sa ating mga puso ang kaunting dakilang kapayapaang ito.
Naranasan na natin ito kahit papaano. Halimbawang tayo ay may pagkabahala sa isang bagay, tiyak na tayo din ay may pakiramdam ng kaguluhan at kalituhan. Pag dumalaw tayo sa Banal na Sakramento sa simbahan o adoration chapel, o taimtim na nagdasal ng Rosaryo ng ilang minute, sa dulo ng panalangin, hindi ba at pakiramdam natin ay mas panatag ang kalooban natin?
Maaaring hindi naman nagbago ang problema, subalit may nagbago sa atin, ang puso natin ay napahinga sa kanya. Maaaring mangyari na hindi naman masyadong maayos ang naging panalangin natin, simple lang at maralita kung tutuusin, subalit kung ito ay puno ng pananampalataya, at dahil dito ay nakaugnay natin ang Diyos, kahit katiting ng kapayapaan niya ay dumadapo sa ating puso.
Minsan dumarating ang kapayapaan na tila isang “ilog ng kapayapaan.” (IS 48:18). Minsan naman tila munting patak lamang; ambon lang, tikatik: naghihirap pa din ako, hindi pa ganap na tahimik ang isip ko, pero alam kong may butil ng kapayapaan ng Diyos na pumasok sa puso ko, parang isang munting “kislap” sa aking kaluluwa. Sapat na din iyon upang makapamuhay ako ng kakaiba, upang maging mas matapang at mas malakas ako sa pagharap sa mga situwasyon ng buhay.
Ang katapatan sa panalangin ay isang matinding pangangailangan ngayon. Ang kapayapaan ay hindi matatagpuan sa harap ng telebisyon o computer, cell phone o gadget, o maging sa pakikipag-usap sa ibang tao. Minsan pa nga, dahil sa mga ito, lalo tayong nababagabag.
Pero sa harap ng Banal na Sakramento, sa harap ni Hesus, laging nakatatagpo ng kahit munting kapayapaan na kailangan natin. Ang mahalaga ay humanap ng oras, upang makasama siya na may pananampalataya at pag-asa, at umasang magdadalang-awa siya sa atin – tiyak dadalawin niya tayo.
Minsan katungkulan nating maghanap ng oras upang magdasal upang mabawi ang kapayapaan, at nang sa gayon huwag na nating pahirapan ang iba sa ating mga takot at alalahanin. Kailangan natin ito upang lalong maging mapagmahal.
Napakaganda kung ang oras na ito ay panalangin sa tulong ng Banal na Kasulatan. Minsan sa buhay, tanging ang Salita ng Diyos ang may lakas, may awtoridad, upang ibalik sa atin ang kapayapaang nawala sa atin. Maaaring ang katuwiran ng isip ay magkulang at maghagilap, subalit ang Salita ng Diyos ay mabisa at malakas!
GRACE
Hilingin natin ngayon ang biyayang ito:
Maging mas matapat sa panalangin, at tuwing mararamdaman kong kailangan na ito, maghanap ng oras sa presensya ng Panginoon upang makamit ang kapayapaan. Matutunan ko nawa talaga na sa pamamagitan ng panalangin, iwanan sa paanan ng Diyos ang aking mga alalahanin.
MULA SA MGA SAKSI:
Isang banal na pari, si Ven. Francis Mary Paul Libermann, CSSp (Congr. Of the Holy Spirit): Ang pinakadakilang paraan ng pagtatatag ng kahanga-hangang paghahari ni Hesus sa atin ay ang patuloy na pagdarasal at kapayapaan ng puso. Walang sawang alalahanin ninyo at isabuhay ang katotohanng ito sa inyong diwa at sa inyong puso, na ang pinakadakilang paraan, ang walang palya na daan, upang makamit ang patuloy na panalangin, ay ang magkaroong ng kapayapaan ng Panginoon sa inyong puso.
Ven. Marthe Robin: Sino ang makapaglalarawan kung gaanong mga kaloob na katotohanan, kapayapaan, lakas, kaaliwan at pag-asa ang mailalagay at pakakawalan ng panalangin sa puso ng isang tao!
ANG SALITA
Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ni San Pedro ( 1 Pt 5:7 ):
“Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”
Tahimik nating pagnilayan ang mga salitang ito; basahin nang ilang ulit hanggang manuot sa ating puso at pabayaan nating baguhin tayo ng Salita ng Diyos.
MANTRA:
Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang:
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
(Salamat sa inspirasyon ni Fr Jacques Philippe)