Home » Blog » ANO ISYU MO? PART 1: LORD, GALIT AKO SA SARILI KO!  

ANO ISYU MO? PART 1: LORD, GALIT AKO SA SARILI KO!  

Isang dating survivor ng pagpatay ni Hitler sa mga Hudyo si Viktor Frankl at dahil dito itinalaga niya ang kanyang buhay sa pagtulong sa mga taong dumadanas ng depresyon upang makasumpong sila ng kahulugan at layunin sa buhay. Isa sa mga paraan na ginagamit niya sa mga taong nais magpakamatay ay tanungin sila: “E bakit nga ba hindi mo pa pinapatay ang sarili mo ngayon?” 

 

Malupit na tanong talaga pero ang pakay niya ay matauhan ang kausap na sa kabila ng maraming taon at sa gitna ng maraming hirap, hindi pa siya natutuloy nagpapakamatay kasi nga may nakatagong layunin at kahulugan sa kanyang buhay na sapat upang manatili siyang buhay pa. Sabi ni Frankl, dapat daw nating hanapin ang bahagi ng ating buhay na pumipigil sa ating mag-suicide at alamin kung ano pa ang nag-uudyok sa ating kumapit sa buhay.

 

Kaya kung nandito ka at interesado ka sa mensaheng ito, ibig sabihin mahal mo pa rin ang sarili mo kahit papaano. Kung hindi, bakit ka magsasayang ng oras na humanap ng lunas sa iyong pagkamuhi o pagkasawa sa sarili mo? 

 

Ang layunin nating ipagdasal ay ang hilingin sa Panginoon na dalhin tayo sa bahagi ng buhay natin na sanay pang magmahal at nais pang magpahalaga sa buhay, at dahil doon ay kaya pa nating bumangon sa umaga, magsepilyo, magtimpla ng kape, lumuhod at magdasal, o magbasa o makinig sa mensaheng ito ngayon. Hilingin natin sa Panginoon na dalhin tayo sa bahagi ng ating pagkatao na nagmamahal pa rin sa ating sarili, kahit sinuman tayo o anuman ang naganap sa atin ngayon. At kapag nakarating tayo doon, tanungin naman natin ang sarili: “Bakit pinili kong mabuhay ngayon? Ano ang nagtutulak sa aking umusad? Lord, bakit mahal mo pa rin ako?”

 

Kapag natagpuan natin ang bahaging ito ng ating buhay, matatagpuan din nating nandoon at napakalapit pa rin ng Diyos sa atin. Kung tutuusin, ang Diyos naman talaga ang unang nagmamahal sa atin at ang naglagay sa loob natin ng anumang pagmamahal sa sarili at pagpapahalaga sa buhay na meron pa tayo ngayon. 

 

Kaya itong bahagi ng sarili nating ito, ang siyang magdadala sa atin sa Siyang tunay na nagmamahal sa atin sa buhay, at sapat na ito upang tanungin natin ang Lumikha sa atin: “Kung talagang kasuklam-suklam ako, Panginoon, bakit po, hindi mo pa ako kinuha na lang? Bakit binuksan mo pa ang mga talukap ng mata ko ngayong umaga? Bakit inalis mo ang sakit ng ulo ko kagabi? Bakit naririnig ko pa din ang huni ng mga ibon sa labas? Panginoon, bakit mahal mo pa rin ako?”

 

Ngayon, magdasal tayo na matutong ialay ang sarili sa Diyos: Pababayaan ko ang Diyos at ang bahagi ng buhay ko na mabuti at mapagmahal pa rin, na magsalita sa akin ng mga mabubuting salita sa buong maghapong ito. Habang naglalakad, pababayaan kong ibulong sa akin ni Lord: “Kahit ano pa man ang nangyayari, ikaw ang paborito kong anak.” 

 

Kapag nahihirapan ako sa anumang bagay ngayon, pababayaan kong magsalita sa akin ang aking mabuting bahagi at sabihin: “Kaya mo yan; magiging okey ang lahat, tol!” 

 

At sabay kami ng Diyos na susulong upang patawarin ang aking mga kahinaan at pagkukulang, at maniniwala pa rin akong mabuti at banayad ang Diyos sa akin dahil ako ang paborito niyang anak. Itatalaga ko ang buhay ko sa Panginoong Hesus at lulunurin ko ang mga negatibong isip sa aking utak. Tatanggapin. Ko lang ang mga mapagmahal na mga salita na sinasabi ng Panginoon sa akin ngayon.