Home » Blog » KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 7

KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 7

TEMA 7: 

KUNG MAGPAPATAWAD, TIYAK MAPAPAYAPA

PANALANGIN

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 

REFLECTION 7

 

Isa sa mga kinakailangang kondisyon para mapayapa ang isang tao sa kanyang puso ay ang magpatawad sa mga nagkasala sa atin.

 

Napakahirap magpatawad lalo na kung malalim ang sugat na iniwanan ng isang tao sa atin. Matagal bago lubos na makapagpatawad. Kaya nga tayo nagdarasal para makapagpatawad ay sapagkat lampas ito sa ating kakayahan at lakas. Kailangang simulan natin sa pamamagitan ng pagpapasyang magpatawad at pagkatapos ay manalangin sa Diyos para sa biyayang ito nang buong kababaan at pagpupursige. Lumapit tayo sa Ama na siyang tanging kayang magpatawad dahil siya lamang ang tanging kayang humilom at magpanumbalik ng anumang nawasak o nasira sa mundo. Hindi tayo ang pinagmumulan ng kapatawaran; ang Diyos ang bukal nito. Tulad ng Panginoong Hesus, mahalagang kausapin ang Diyos batay sa kanyang kalooban: Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa (Lk 23:34).

 

Kung may pagpupunyagi at may pananampalataya tayong hihingi, isang araw ibibigay sa atin ang biyaya na makapagpatawad nang buong puso, at ito ang magiging daluyan ng kapayapaan. Mararamdaman nating nagwagi na ang pag-ibig sa ating puso, na nakalusot na tayo mula sa makitid na paghuhusga at pag-iisip, at malaya na tayong makatutugon sa anumang masamang pangyayari na may pagmamahal, at sabi nga ni San Pablo, malaya nang mapagtagumpayan ang kasamaan (Rom 12:21).

 

Makakaya nating ituring ang kapwa hindi bilang kaaway kundi bilang kapatid. Sa karanasang ito, magtatagumpay ang pagmamahal at malalagay tayo sa kapayapaan.

 

Subalit kung sa kabilang banda, tumatanggi tayong magpatawad, kung titigasan natin at isasara ang puso sa nagkasala sa atin, palagi tayong nakakapit sa tampo, sama ng loob, at masamang pag-iisip sa nakagawa ng mali.

 

Napakalaking espasyo sa puso natin ang sinasakop ng mga ganitong kaisipan at damdamin, at nahahadlangan ang malalim na kapayapaan sa ating puso.

 

Hindi makararamdam ng kapayapaan ang puso hanggang hindi naghahari ang pag-ibig dito. Hangga’t poot, hinanakit, o himutok laban sa kapwa ang namamayani dito, imposibleng maghari ang pagmamahal.

 

Dapat din tayong maging mulat dito: na kung nasaktan tayo ng iba dahil sa ginawa niya, tanging sa araw na magpasya akong magpatawad, doon lamang magsisimula ang landas ng paghilom at kapayapaan sa aking puso. Kung naging biktima ako ng iba, ang pagkimkim sa puso ng tampo o sama ng loob ay hindi makatutulong na gawin akong mabuting tao, at lalo na kung nanaisin kong gantihan siya. Mahihilom lamang ako sa pamamagitan ng pagpapatawad at habag. “Mapalad ang mga maawain, sapagkat kaaawaan sila” (Mt. 5:7).

 

Hindi madali ang pasyang magpatawad subalit ito lang ang pasya na makapagdudulot ng ganap at tunay na paghilom. Upang magtagumpay sa pagpapatawad, dapat maunawaan na ang pasyang magpatawad ay batay sa pananampalataya at pag-asa.

 

Ang pananampalataya ang nagbibigay ng kakayahang maniwala na ang Diyos ang makapangyarihan na humango ng mabuti mula sa masamang naganap o dinanas natin, upang mapagtagumpayan at malampasan ang galit at hinanakit laban sa kapwa. Kung tiyak tayo, sa tulong ng pananampalataya, na kayang ibigay sa atin ng Diyos ang higit pa sa nawala sa atin dahil sa kagagawan ng iba, unti-unting maglalaho ang mga dahilan kung bakit dapat manatiling galit tayo sa kapwa.

 

Ang pagpapatawad ay isa ring tanda ng pag-asa para sa taong nagkasala sa atin. Sa pagpapatawad, sinasabi nating hindi natin itatali ang nagkasala sa atin sa kanyang maling gawain kundi magtitiwala tayong maaari pa siyang magbago. Ang hindi pagpapatawad ang siyang kabaligtaran, ang paghusga na nag-aalis ng anumang posibilidad na magkaroon pa siya ng pagsisisi at pagbabagong-buhay. May karapatan ba tayong gawin ito? Ang Diyos nga ay hindi nawawalan ng pag-asa kaninuman, at dapat nating tularan siya.

 

Ang pagpapatawad ang pagturing sa isang tayo na hindi na laging kaaway kundi ang pagbubukas ng pintuan sa maaaring maganap na pakikipagkasundo. Siyempre, hindi naman ito sa atin lamang nakasalalay, subalit ang pagbubukas ng pintuan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kinabukasang paghaharian ng pagmamahal sa halip na kasamaan, ang tiyak na magbibigay sa atin ng kapayapaan. Sa tuwing isasabuhay ko ang pananampalataya at pag-asa, lumalago ang kapayapaan.

 

 

GRACE

 

Ano ang biyayang dapat nating hilingin? Kanino kaya ako galit o may sama ng loob ngayon? Panginoon, ipagkaloob mo po ang biyayang makapagpatawad ako nang buong puso, at isinusuko ko sa sila sa iyong mahal na awa.

 

 

MULA SA MGA SAKSI:

 

Naisulat ni Ven. Madeleine Delbrel: Makipagdigma ka sa iyong sarili; makipagkasundo naman sa kapwa.

 

 

 

ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ng Panginoon sa Col 3: 13-15

 

Magpasensiya kayo sa isa’t isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa.  Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.

 

 

MANTRA:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang:

 

Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon

 

(inspirasyon: Fr. Jacques Philippe)