Home » Blog » ANO ISYU MO? PART 4: LONELY AKO NGAYON, PANGINOON!

ANO ISYU MO? PART 4: LONELY AKO NGAYON, PANGINOON!

Nakakagulat na minsan napapansin na lang nating bigla tayong nakakaramdam ng pangungulila o loneliness. Hindi lang mga taong nag-iisa ang dumadanas ng loneliness. Pati mga may asawa at pamilya; maging iyong nakatira sa community at laging napapaligiran ng mga tao, nagiging lonely din. May mga tanging pagkakataon na dumarating ang pangungulila sa ating buhay, at isa na dito ay ang panahon ng Adbiyento at Kapaskuhan. Oo nga’t masaya ang panahong ito pero bakit parang ito din ang panahon na bigla na lang tayong nangungulila sa mga tao, sa mga lugar, sa mga karanasang bumabalik sa isip natin? Sabi ng isang manunulat, bahagi ng Pasko ang tinatawag na Christmas sadness, na walang ibang kundi Christmas loneliness. Nangyayari ba ito sa iyo? May panahon bang lonely ka?

 

Ang pangungulila ay ang pakiramdam ng paghahanap sa isang hindi maipaliwanag. Ikot ka nang ikot sa bahay na hindi mapakali; naghahanap sa address book ng cell phone mo kung sino ang puwedeng tawagan o i-text; papalit-palit ng channel ng tv o ng sites ng internet na wala namang tiyak na pakay; bukas ng bukas sa pinto ng refrigerator pero hindi naman gutom o uhaw.

 

Magandang damahin ang pangungulila bilang isang pagkauhaw na espirituwal; pagkagutom ng kaluluwa. Kaya minsan kapag lonely tayo, hindi natin malaman kung ano ba talaga ang gusto natin, kasi may mas malalim na loneliness sa ating puso na tila hindi mapupuno ng sinuman o anuman. Dito papasok ang paalala ni San Agustin: Ang mga puso namin ay lagalag at hindi matahimik, hangga’t hindi ito natatahimik sa iyo, Panginoon.” Sa kaibuturan ng puso, ang pangungulila natin ay isang paghahagilap sa Diyos; isang pagnanasang umuwi, bumalik, at magpahinga sa Panginoon. Sa halip na lunasan ang loneliness sa internet, tv o social media, baka maganda ding pumasok sa katahimikan ng puso at hilingin sa Diyos na punuin niya tayo ng kanyang presensya, na punuin niya ang kulang sa ating puso. Walang ibang makapupuno nito kundi siya lamang.

 

Sa panalangin mo kapag lonely ka, pabayaan mong madama mo ang presensya ng Panginoon. Anyayahan mo siyang samahan ka niya sa tahanan mo, sa opisina mo, sa kuwarto mo. Masaya ang Panginoong Hesus na pagbigyan ang ganitong panalangin. Isipin mong katabi mo siya, nakahawak sa kamay mo o naka-akbay sa iyo. Sabihin mo paulit-ulit sa kanya: Panginoong Hesus, punuin mo po ang nararamdamang kong pangungulila; alam ko pong ikaw lamang ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan at kapahingahan. Amen.

 (image above, thanks to the internet)