ANO ISYU MO? PART 5: PANGINOON, PAGOD NA PAGOD AKO!
Kung napapagod na ako at tila natatabunan na ng mga pangyayari sa paligid, tatlong biyaya ang hihilingin ko sa Diyos. Una, pabayaan nawa niya akong mamahinga sa kanyang mga bisig; dumantay sa kanyang mga braso. Maaari kong isipin na ang Diyos ay tila ang aking lolo o lola na kalung-kalong ako noong kabataan ko sa kanyang tumba-tumba, at hinihilot ang aking sugat habang bumubulong ng mga salita ng pagmamahal sa aking tainga. Ito siguro ang tunay kong kailangan sa Diyos ngayon. Ikalawa, hihilingin ko sa Panginoon na ibigay niya sa akin lahat ng paghilom na aking kailangan sa isip at puso ko ngayon. Alam kong gagawin niya ito dahil sa aking pananampalataya, subalit kapag tila natatabunan na ako ng maraming alalahanin, dapat ko itong lalong maalala upang makatawid ako sa isa na namang bagong araw. Alam kong kaya kong mabuhay ng isa pang araw dahil bukas ay hihilumin at palalakasin ulit ako ng Panginoon. Ikatlo, hihilingin kong hipan ako ng Panginoon ng isang bagong espiritu. Minsan dumarating ang sobrang pagod kapag nakakalimutan ko ang aking layunin sa buhay, ang aking principles at values. Sobra akong napapagod dahil siguro masyado kong pinipilit na kontrolin ang aking buhay sa halip na ipagkatiwala ito sa Panginoon. Ang sobrang kapaguran ko ay paalala na hindi ako ang pinagmumulan ng aking sariling pagkamalikhain at lakas. Kung ang aking espiritu ay puno ng hininga ng Diyos, makakalampas ako sa bawat araw ng aking buhay. Kung lagi kong papapasukin ang espiritu ng Diyos sa aking puso, kahit sa gitna ng anumang gawain, hindi maglalaon at magkakaroon ng bagong sigla at bagong ningning ang aking buhay.
Sa panalangin mo ngayon, sabihin mo sa Panginoon ang lahat ng naganap sa iyong maghapon. Habang ginagawa mo ito, pabayaan mong ituro ng Diyos ang lahat ng kanyang mga biyaya sa bawat situwasyon ng buhay mo. Mamangha ka sa kagandahan at kabutihan ng iyong sarili. Mapanatag ka sa iyong kakayahang gawin lahat ng inaasahan sa iyong trabaho o pananagutan.
Sa pagbabalik-tanaw mo sa maghapon, isipin mo ang pinakamahirap na sandali nito at tingnan mong naroon ang Diyos at hindi ka iniwan, kahit hindi mo siya napansin sa oraas na iyon. Pasalamatan mo ang Diyos sa kanyang presensya sa buhay mo. Kausapin mo siya tungkol dito.
Huminga nang dahan-dahan. Tanggapin ang hininga ng Espiritu Santo sa kaluluwa mo. Sa paghinga palabas, ilabas mo lahat ang gulo at sigalot ng buhay mo. Sa paghinga papasok, tanggapin mo ang Espiritu Santo na nagpapakalma at nagpapagaan ng buhay mo. Pasalamatan ang Diyos sa sariwang hangin ng Espiritu, at isuko ang sarili sa kanyang pagkalinga. Amen.
(image above, thanks to the internet)