ANO ISYU MO? PART 6: LORD, AYOKO SIYANG MAMATAY!
Tumawag ang asawa ng aking kaibigan na nasa ospital dahil tila mas malala ang sitwasyon ng kanyang kalusugan noon. Dahil malayo, kinausap ko na lamang sa video call ang aking kaibigan. Kitang kita ko ang hirap at pagod sa kanyang mukha, na hapis na hapis na at wala nang kulay at laman tulad dati.
Kinausap ko siya at inanyayahang isuko sa Panginoon ang kanyang buhay at ipagkatiwala sa Diyos ang kanyang pamilya, lalo na ang mga anak na minamahal. Higit sa lahat, nais kong alalayan ang kaibigan ko na ialay na sa Panginoong Hesus ang kanyang buong puso, kaluluwa at katawan dahil mahigit isang taon na siyang nakikipagbuno sa karamdaman niya.
Matapos ko siyang gabayan sa panalangin, humingi ako ng isang pabor sa kanya. Ngitian mo naman ako sabi ko. At sa kabila ng hirap niyang dinadanas, bilang isang tunay na kaibigan, hindi niya ako binigo. Ngumiti siya at muli kong nakita ang mukhang naging bahagi ng aking buhay, ang masiglang mukha ng isang kaibigan. Ilang oras matapos ang pag-uusap namin, tahimik siyang pumanaw sa ika-apat na misteryo ng Rosaryo na dinadasal ng kanyang asawa, anak, kapatid at pamangkin sa kanyang tabi.
Isang linggong nanimdim ang aking pakiramdam; mabigat, malungkot, walang sigla. Nang magbigay ako ng pagninilay sa kanyang burol, paputol-putol ito dahil sa di mapigilang pag-iyak sa paglisan ng isang malapit sa puso. Nahihiya man ako na tila nang-aagaw ng eksena, subalit lubhang malungkot mawalan ng isang tunay na kaibigan na higit pa sa kapatid kung magmahal.
Paano ba magdasal kapag nawalan ka ng mahal sa buhay? Mahirap magnilay, magdasal o manahimik kapag puno ka ng kapighatian at pagluluksa. Magulo ang isip at maligalig ang puso kaya mahirap maupo ng tahimik at manalangin. Sa mga panahong ito, babaling tayo sa mga nakahanda nang panalangin tulad ng Rosaryo o mga Salmo na tiyak na makatutulong. Hindi kailangan dito ng higit na konsentrasyon kaya kung lumipad man ang isip sa ibang bagay, madaling ibalik agad sa dinadasal.
Kung mahirap sa mga mahal sa buhay ng isang malapit nang mamatay ang magdasal, alam ba nating lalong mahirap sa taong mamamatay na ang karanasang ito? Maraming mga mabubuti at maging banal na tao ang umaasang sa dulo ng buhay, maluwalhati silang makapagdarasal subalit bigo sila na hindi ganito ang nagaganap. Bunga ng gamot o ng panghihina o ng deliryo, hindi nila magawang magdasal.
Kaya sa oras ng kamatayan, magandang anyayahan ang isang malapit nang pumanaw kung nais niyang gabayan siyang manalangin. Kahit mga taong hindi relihyoso ay nais magdasal pero nahihiya lamang magsabi o humingi ng tulong. Kapag pumayag siya, sapat na ang mga simpleng panalangin tulad ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria na maaari niyang sabayan o simpleng dasal mula sa puso na maaari niyang pakinggan. May mga nakakasabay magdasal nang malakas pero mayroong sa isip na lamang magagawa ito.
Sa puso ko, malaking biyaya na magkaroon ng pagkakataong gabayan sa panalangin ang isang malapit nang pumanaw. Napakaganda kung ang pamilya ay gagawing ugali ang pagdarasal na nakapaligid sa maysakit halimbawa ng Rosaryo gabi-gabi bago matulog ang minamahal natin.
Isang napakagandang panalangin din sa isang maysakit na alam nating malapit nang mawala sa atin ang panalangin ng presensya o tahimik na pananatili. Iyong panahon na nakaupo ka lang sa tabi at nakamasid sa kanya habang nagpapahinga siya. Isa itong malalim na uri ng panalangin. Sa katahimikan, nandoon din ang Diyos at kasama ng maysakit at ng mga nagmamahal sa kanya. Sa panahong iyon, namamangha tayo sa biyaya ng buhay na kaloob ng Panginoong Hesus. Nandoon din ang biyaya ng pasasalamat sa hiwaga ng buhay, kamatayan, at pagkabuhay kung saan tayong lahat ay tinatawagan.
At kung dumating na ang sandali na nais nating iwasan subalit hindi matatakasan, hindi masamang umiyak, malungkot, at magluksa. Tanda ito ng pagmamahal at kaugnayan sa taong ibinigay sa atin ng Diyos bilang pamilya, kamag-anak, kaibigan, at kasamahan.
Mula sa Salita ng Diyos, sa 2 Timoteo 4:6-8:
“Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako’y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.”
Sa lahat ng nalulungkot sa pagpanaw ng isang kapamilya o kaibigan, taos pusong pakikiramay at pakikiisa sa inyo. Amen.
Makatutulong dasalin:
https://ourparishpriest.blogspot.com/2023/01/panalangin-para-sa-yumaong-kaibigan.html
#ourparishpriest 2023