SAINTS OF JANUARY: SAN RAYMUNDO DE PENYAFORT

ENERO 7 A. KUWENTO NG BUHAY Tubong Penyafort, na malapit sa Barcelona, Spain, si San Raymundo ay ipinanganak noong 1175. Una siyang nag-aral sa Barcelona pero pagkaraan ng ilang panahon ay nag-aral na naman siya sa Bologna, Italy kung saan hinangaan siya bilang isang mahusay na propesor ng canon law (ang batas na sinusunod sa pagpapalakad ng simbahang Katoliko). Naging paring diocesano (mga paring hindi kasapi sa mga religious order o religious congregation kundi nasa ilalim ng obispo ng diocese) siya sa Barcelona subalit nang makilala niya ang bagong tatag na grupong tinatawag na Order of Preachers (o Dominicans), siya ay nahikayat na maging kasapi nito noong 1218. Naging ikatlong Master General siya ng Order of Preachers(ang Master General ang pangkalahatang pinuno ng Dominicans sa buong mundo). Ang dalawang nauna sa kanya sa posisyong ito ay sina Santo Domingo de Guzman at si Jordan ng Saxony.  Matapos niyang pamunuan nang may angking karunungan ang mga Dominicans sa loob nang 2 taon, siya ay nagbitiw sa tungkulin at bumalik sa Spain. Bilang isang bihasa sa batas, si San Raymundo ay naging kilalang eksperto sa parehong canon lawat civil law. Nagsulat siya ng isang koleksyon ng mga batas na hanggang ngayon ay ginagamit pa sa simbahan lalo na sa tama at mabungang pagsasagawa ng Sakramento ng Kumpisal o Pakikipagkasundo. Sa nalalabing panahon ng kanyang buhay, ginugol ni San Raymundo ang kanyang oras para sa pagiging isang gabay ng mga kaluluwa sa kumpisal at sa pagpapalago ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga Hudyo at mga Muslim. Nag-alay din siya ng panahon para sa paghubog ng mga pari.  Para sa mga misyonero, sinabi niyang dapat matutunan ang Arabic at mag-aral ng Koran upang madaling makipag-talastasan sa mga Muslim. Masasabi rin na isa siyang masipag na tagapagtaguyod ng paglaya ng mga alipin dahil tumulong siya sa pagsulat ng gabay ng buhay ng mga Mercederians (isang religious congregation na nakatalaga sa pagpapalaya ng mga Kristiyanong bihag ng mga Muslim sa North Africa. Halos mag-iisang daan taon na si San Raymundo nang siya ay bawian ng buhay sa Barcelona noong Enero 6, 1275. B. HAMON SA BUHAY Maraming narating at nagawa si San Raymundo subalit isang makabagong gamit ng kanyang aral at halimbawa ang ating pakikipag-ugnayan ngayon sa mga hindi Katoliko at mga hindi Kristiyano. Kailangang-kailangan ito sa ating panahon. Mayroon ka bang mga kaibigan o kakilala na hindi Katoliko o hindi Kristiyano?  Iginagalang mo ba sila bilang mga kapatid sa Diyos at nakikipag-ugnayan ka ba nang maayos sa kanila? Ngayong Bagong Taon, lulad ni San Raymundo, maging magaling nawa tayong instrumento ng dialogueupang magkaroon ng pagkakasundo. K. KATAGA NG BUHAY JN 10;10 Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.  (from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 612