SAINTS OF JANUARY: SANTA ANGELA MERICI
ENERO 27
A. KUWENTO NG BUHAY
Sa Tagaytay ay may eskinita na may karatula na nagtuturo ng direksyon patungo sa kumbento ng mga “Ursuline Sisters.” Sabi ng isang pari, iyon daw ay religious congregation na itinatag ni Santa Ursula. Malaking pagkakamali pala ito kasi ang nagtatag ng religious congregation ng mga Ursulines ay hindi si Santa Ursula kundi walang iba kundi si Santa Angela Merici.
Mula Desenzano, sa Brescia, Italy si Santa Angela Merici, na ipinanganak noong 1474. Iyon ang panahon na talagang kailangan ang malaking reporma o pagbabago para sa ikabubuti ng simbahan. Sa katunayan, noong isilang si Santa Angela ay maraming pagsubok sa paligid niya. Mayroong peste, may gulo at may taggutom sa bayan.
15 anyos si Santa Angela nang maisipan niyang iwanan ang kanyang mana mula sa kanyang pamilya. Sumapi siya sa Third Order Franciscans upang matutuhan kung paano mabuhay nang buong simple at dukha.
Ang miyembro ng isang Third Order ay karaniwang mga binyagan o layko (lay people) na nagsasabuhay ng espirituwalidad ng hinahangaan nilang mga santo o religious community/ order kahit na sila ay hindi umaalis sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay at patuloy na namumuhay sa mundo bilang ordinaryong mamamayan. Karaniwang itinuturing na First Order ang mga paring nagsasabuhay ng ganitong espirituwalidad, at Second Order naman ang mga madre. Ang mga layko ang bumubuo ng Third Order.
Paglipas ng panahon, naakit kay Santa Angela ang maraming mga layko na ang iba ay mayayaman at ang iba naman ay mga simpleng tao lamang. Tinipon niya silang lahat at nagtatag siya para sa kanila ng isang religious institute sa ilalim ng pangangalaga ni Santa Ursula.
Ang mga kasapi ay tunay na nagtatalaga ng buhay nila sa Diyos subalit nagtatalaga din ng paglilingkod sa kapwa, habang nananatili silang nakatira sa kanilang mga tahanan at nagta-trabaho tulad ng ibang tao. Nananatili ding walang asawa ang mga kasapi.
Sa bahaging ito ng kanyang pananaw, tila una nang naisipan ni Santa Angela iyong tinatawag ngayon na “secular institutes” kung saan ang mga miyembro nga ay may panata sa Diyos pero nakatira sa mundo at walang suot na abito o damit tulad na pang-pari o pang-madre.
Naglakbay si Santa Angela sa Holy Land at pagkatapos sa Roma at Mantua sa Italia upang magdasal para sa liwanag at inspirasyon para sa kanyang sinimulang religious institute. Patuloy niyang ginabayan ang mga Ursulines (tawag ngayon sa mga kasapi ng kanyang religious institute). Lumago ang mga Ursulines at dumami ang miyembro hanggang halos may 24 na iba’t-ibang sangay ito nang mamatay si Santa Angela noong Enero 27, 1540.
Hindi naunawaan ng lahat ang kanyang pananaw kaya maraming sumalungat sa kanya, pati na rin sa kanyang landas tungo sa pagiging ganap na santa. Sabi nila ay masyadong progresibo ang isip ni Santa Angela. Noon lamang 1807 siya pormal na kinilala bilang santa ng simbahan.
Bagamat malakas ang nais ni Santa Angela na ang mga Ursulines ay maging obedient o masunurin sa mga may posisyon ng kapangyarihan sa simbahan, mas lalo niyang ibinilin sa kanyang mga tagasunod na ang Diyos Espiritu Santo ang talagang dapat sundin. Pati si Si San Carlos Borromeo ay medyo asiwa sa ideya na ito. Subalit totoo naman na hindi mga tao ang tunay na nagpapatakbo ng simbahan at hindi maaaring palitan ng mga taong may kapangyarihan ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tunay na tagapagbigay buhay sa buong simbahan at taga-pamudmod ng mga kaloob para sa lahat ng tao.
B. HAMON SA BUHAY
Isang taong talagang inspirado ng Diyos itong si Santa Angela. At masusi niyang pinakinggan ang mga inspirasyon ng Panginoon sa kanyang puso para sa sarili niyang kabutihan at para sa kapakanan ng kanyang kapwa. Siguro ay may inspirasyon din ang Panginoon para sa iyong buhay ngayon. Pakinggan mo itong mabuti at sundin kung alam mong ito ay mula sa Espiritu Santo.
Katulad ni Santa Angela, ang ating puso nawa ay maging tunay na templo ng Espiritu Santo.
K. KATAGA NG BUHAY
MT. 25: 6
Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya. Nagising silang lahat at inihanda ang kanilang mga lampara.
(mula sa “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)