APARISYON NI MAMA MARY SA CABRA, LUBANG ISLAND, MINDORO?
MAY APARISYON BA SA CABRA, LUBANG ISLAND SA MINDORO?
December 6, 1966 nang mapabalitang nagpapakita ang Mahal na Birheng Maria noon sa maliit na isla ng Cabra, sa Lubang island sa Mindoro.
Isang grupo ng mga elementary students mula sa Cabra Elementary School and nagsabing nakakita sila ng isang magandang babae na nababalot ng liwanag, laging nakangiti, may suot na putting mahabang damit at asul na sinturon sa kanyang baywang at nakalutang sa hangin.
Nagpakilala ang babae bilang ang Imaculada Concepcion. Nagpakita sa kanila ang babae sa isang mabatong lugar na kung tawagin ay Burol at nagbigay ng mga mensahe tungkol sa kasalanan ng mga tao na tinatawag sa kabanalan ng buhay sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo at paggawa ng mga sakripisyo.
Kumalat ang balitang ito at maraming mga taga-ibang lugar ang dumayo sa isla upang mabasbasan at mapagaling. May mga nagpunta doon na nagpatotoo na nakita nila ang himala ng araw o pangitain ng araw na umiikot at nag-iiba ng kulay noong Marso 25, 1968. May nakakita din daw ng isang maliwanag na bituin sa ibabaw ng puno malapit sa bisita, ng sumisikat na araw na napapalibutan ng tila mga maliliit na dilang apoy, at umiikot ang araw palapit sa mga tao.
Humiling daw ang Birhen ng isang simbahan sa tuktok ng burol kaya nagtayo ng isang bisita o kapilya na may malaking krus na tanawa mula sa dagat. Hindi pormal na kinilala ang aparisyong ito ng mga opisyal ng simbahang Katoliko.
1972 nang magsimula ang martial law ay tila nakalimutan ang aparisyon sa Cabra. Sinasabing isa sa mga mensahe ng Birhen ay ang mga masasaklap na pangyayaring magaganap sa panahon ng martial law sa bansa. Nagpayo siya na huwag mag-away- away ang mga tao.
Bagamat tila nakalimutan na ang diumano’y himala sa Cabra, mula noon ay unti-unting umunlad ang dalawang probinsya ng Mindoro. Nagkaroon ng mga kalsada, gumanda ang agrikultura at paghahayupan, gayundin ang pangingisda.
Napansin ang mga katutubong Mangyan na matagal nang kinakalinga ng mga misyonerong Katoliko. Tinuruan sila at ginabayan hanggang ilang Mangyan din ang naging mga propesyunal lalo na sa tulong mga mga madre.
Nakilala ang mga festival ng Mindoro at ang mga tourist spots dito. Hindi kaya ito ay bahagi ng mga blessing ng Mahal na Birhen sa mga tao ng Cabra at ng buong Mindoro? Ang kuwento ng Cabra ay naging inspirasyon sa likod ng pelikulang “Himala” noong 1982.
Dahil walang naganap na katapusan sa usapin ng aparisyon, sinasabing pinag-aaralan pa muli ang posibilidad na muling ungkatin ang sinasabing pangyayari upang mas masidhing pag-aralan.
O Maria, Imaculada Concepcion, ipanalangin mo kami.