Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A  

IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A  

 

MAY MATA ANG EBANGHELYO

MT. 5: 17-37

 


 

 

Naging kontrobersyal ang dating Santo Papa na si St. John Paul II nang magturo siya na kapag pinilit ng isang lalaki ang kanyang asawa na makipagtalik sa kanya na labag sa kalooban nito, ito ay pangangalunya. Hindi makapaniwala ang iba. Paano mangyayari iyon e kasal naman sila? Nagalit ang iba pa. Ano ang karapatan niyang husgahan ang isang tagpong pribado sa mag-asawa lamang?

 

May mata ang ebanghelyo. Ang mga salita ng Panginoong Hesus ay nagbibigay ng bagong paraan ng pagtingin sa mga bagay. Kung saan ugali nating tumutok lamang sa pang-ibabaw, ang ebanghelyo naghahalungkat sa ilalim. Kung saan ugali nating tumaban sa batas, ang ebanghelyo naman ang nagsasaliksik ng kahulugan sa likod nito. Malinaw na sinabi ng Panginoon: hindi siya naparito upang wasakin ang batas kundi upang gawin itong ganap. Ibig sabihin, tuklasin ang mas malawak, mas mayabong, mas malalim na direksyon kung saan itinuturo tayo ng batas.

 

Iniisip nating tamang magalit subalit ipinakikita ng ebanghelyo na bagamat may dahilan para magalit, ang ugat nito ay pagkapoot. Maraming galit ang hindi makapagpatawad. At ang hindi magpatawad ay para kang namamatay araw-araw. May bahagi ng buhay mong nawawasak at apektado pati ang iyong kapwa.

 

Naniniwala tayong normal at natural lang ang kahalayan ng isip at puso at ito ang natutunan natin sa science. Sa mata ng ebanghelyo, ipinakikitang may tunggalian sa puso kapag namayani ang kahalayan. Ang pagtutok sa ating mga pagnanasa ay nagbubunga ng panganib sa ating katapatan, nagtataguyod ng pagkamakasarili, nagpapasidhi ng pagkapit sa tao man o bagay, at nagtatali sa atin sa pagka-alipin sa ating mga sarili.

 

Iginigiit nating nagiging kapani-paniwala tayo kapag nangako at sumumpa sa harap ng kapwa. Ang mga mata ng ebanghelyo ang nagsasabi sa ating maraming pangako ang napapako at maraming panunumpa ang sa katunayan, ay nagtatakip sa katotohanan, nanlilinlang, at nangwawasak ng matapat na pagsasamahan.

 

Sa sermon sa bundok, dinadala sa atin ng Panginoong Hesus ang ebanghelyong nagbibigay liwanag sa mga layunin ng puso. Tinatanglawan niya ang landas natin upang makita natin kung paano maging mas too, mas malaya at mas katulad niya. May mata ang ebanghelyo at nakatitig ito sa ating puso ngayon.

 #ourparishpriest 2023