LINGKOD SIMBAHAN: PINATAY, DINUKOT, DINAKIP NOONG 2022
Kung susumahin ang mga report na nakalap, matitiyak na labing walo (18) mga misyonerong Katoliko ang pinatay nitong nakaraang taong 2022. Labingdalawang (12) pari, isang (1) brother, tatlong (3) madre, isang (1) seminarista at isang (1) lay leader ang nagbuwis ng buhay para sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo.
Siyam (9) ang pinaslang sa Africa, kung saan nakatala ang pinakamaraming karahasan laban sa mga Kristiyano, lalo na sa Nigeria, Congo, Tanzania at Mozambique. Walo (8) ang pinatay sa Americas (South America) kung saan ang karamihan ay pinatay ng mga taong nagpapatakbo ng operasyon ng droga sa Mexico, Honduras, Bolivia at Haiti. Ang isang (1) pari sa Asya ay pinatay sa Vietnam habang nagpapakumpisal; ito ay ayon sa report ng Fides Agency
Halos 100 mga pari, madre at mga layko ang dinukot sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig. Ang iba ay napalaya na samantalang ang iba ay patuloy natin ipagdasal para sa kanilang kaligtasan at kalayaan, ayon sa Aid to the Church in Need.
Labing-isa (11) ang inaresto at kinasuhan ng diktatura sa Nicaragua; gayundin ang situwasyon sa Eritrea kung saan isang (1) obispo at dalawang (2) pari ang dinakip nang walang paliwanag ng pamahalaang mapanupil sa karapatang pantao. Mahirap namang malaman kung ilan ang dinukot na mga pari sa China dahil sa higpit ng pagpapalabas ng impormasyon sa bansang ito na patuloy na naghihigpit sa kilos ng mga Kristiyano.
Sa pagsisimula ng 2023, isang (1) pari ang pinatay sa Nigeria nang sunugin ang kanyang tirahan ng mga Muslim na rebelde at barilin ang isa pang pari na mabuting nakatakas. Isang (1) obispo sa USA ang natagpuang patay sa pamamagitan ng pagbaril sa loob ng kanyang tirahan.
Patuloy nating ipanalangin ang kaligtasan at katiwasayan ng lahat ng naglilingkod sa ubasan ng Panginoon. Sila ay magigiting na saksi, mga modernong martir ng ating pananampalataya dahil sa kanilang pagkapit sa katotohanan ni Kristo na matatagpuan sa pananampalatayang Katoliko. Sila ay tunay na mga saksi sa pagmamahal at paglilingkod sa Panginoong Hesukristo sa ating panahon. (ourparishpriest 2023, photo used from ACN)