Home » Blog » OBISPO SA NICARAGUA, IPAGDASAL NATIN

OBISPO SA NICARAGUA, IPAGDASAL NATIN

Lumalala ang situwasyon sa Nicaragua, isang bansang 50% Katoliko ang mga mamamayan, kung saan nakararanas ngayon ang simbahang Katolika ng pagtuligsa ng kanilang gobyerno.

Kamakailan lamang, ang obispo ng Matagalpa diocese na si Bishop Rolando Alvarez ay hinatulan ng 26 na taong pagka-bilanggo, bukod pa sa pagkansela ng kanyang citizenship sa sarili niyang bansa. Tinangka din siyang palayasin ng gobyerno at gawing exile sa America kasama ng ilang political prisoners na pina-deport doon, subalit nagpasya ang obispo na manatili sa bansa at makapiling ng mga taong pinahihirapan ng isang gobyernong kilala sa korapsyon, pandaraya sa eleksyon, karahasan sa mga kritiko at mga journalists, at paglabag sa karapatang pantao o human rights.

Bukod sa obispo, nahatulan din ang ilang pari at seminarista ng paglabag sa batas. Ayon sa korte, ang mga ito daw ay taksil sa bayan. Ano ang kasalanan nila? Madiin nilang tinututulan ang mga katiwaliang nakikita nila sa pamahalaan ng Nicaragua na pinamumunuan ng presidenteng si Daniel Ortega at ng bise-presidente na kanyang asawa.

Dahil sa galit ni Ortega sa simbahan, pinalayas niya ang lahat ng mga madre ng Missionaries of Charity ni Mother Teresa mula sa bansa, at nagaganap ang maraming kaso ng pag-atake sa mga simbahan tulad ng pagsunog at kalapastanganan sa katedral ng Managua. Halos 200 kaso ng paninira sa mga gusali ng simbahan ang naitala na nitong nakaraang ilang taon. Humiling si Pope Francis na ipagdasal ang mga lider at kasapi ng simbahan na nagiging target ng poot ng pamahalaan ng Nicaragua. Isa ang bansang ito kung saan may tiyak na pagtuligsa sa mga Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko, sa ating panahon. (ourparishpriest 2023, image used from Crux site – thanks!)