SAINTS OF FEBRUARY: LUKLUKAN NI SAN PEDRO ( CHAIR OF ST. PETER )
PEBRERO 22 KAPISTAHAN NG LUKLUKAN NI APOSTOL SAN PEDRO A. KUWENTO NG BUHAY Tila katawa-tawa ang pamagat ng kapistahang ito dahil hindi diretsong tumutukoy sa isang tao kundi sa isang bagay. Nagpupugay nga ba tayo sa isang “luklukan” o isang upuan o silya lamang. Sa Ingles, ang tawag sa pistang ito ay Feast of the Chair of Peter. Bakit kailangang ipagdiwang ang isang upuan o silya? At totoo bang upuan ito ni San Pedro Apostol? Isang magandang okasyon ang pistang ito upang ipaliwanag kung ano ba talaga ang sentro ng okasyong ito. Alam ninyo, hindi mahalaga kung ano ang tawag – luklukan, silya, upuan o chair man ito – dahil hindi ang literal na upuan ang ipinagpi-pista nating mga Katoliko ngayon. Walang upuan na nakatago sa Roma na dating pag-aari ni San Pedro. Ang mas mahalaga ay ang nakaupo sa luklukan at iyan ay walang iba kundi ang Apostol na si San Pedro, ang una sa mga apostoles, ang unang Santo Papa ng ating simbahan. At hindi rin ibig sabihin na nakaupo nga si San Pedro Apostol sa isang luklukan. Noong unang panahon, ang upuan ay sagisag nga kapangyarihan o awtoridad ng isang tao. Halimbawa nito ay ang trono ng hari, na simbolo lamang ng kanyang kapangyarihan. Kaya sa pistang ito nais lamang nating sabihin na si San Pedro ay tunay na binigyan ng Panginoong Hesukristo ng isang malaking responsibilidad upang pamunuan at pangalagaan ang buong simbahan. Ang ugat ng kapangyarihang ito ay nasa makahulugang palitan ng mga salita ng Panginoong Hesus at ni San Pedro sa Mateo16. Ipinahayag ni San Pedro na si Hesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay. At ipinahayag naman ng Panginoong Hesus na si San Pedro ang batong magiging sandigan ng simbahang itinatatag niya sa mundong ito. Ito ay malaking biyaya ng Diyos at hindi dahil sa anumang katangian ni San Pedro, na mapapansin natin sa Bibliya ay isang taong maraming kahinaan. Ito ay dahil sa tiwala at tulong ng Diyos sa taong ito na magiging tanda ng pagkakaisa ng mga Kristiyano. Ang role o gampanin ni San Pedro ay hindi natapos sa kanyang kamatayan kundi naisalin sa kanyang mga kahalili magpahanggang ngayon. Mula kay San Pedro ay mayroong hindi naputol na linya ng mga kahalili niya sa katauhan n gating Santo Papa. Tingnan lamang sa mga history books o sa mga encyclopedia at makikita ang listahan ng lahat ng mga tagapagmana ng “luklukan” ni San Pedro. Dito natin makikita na hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang simbahan dahil palaging may Santo Papa na siyang tagapagbantay ng pananampalataya at pagkakaisa ng mga tagasunod ni Kristo. Nakakalungkot lamang na hindi lahat ng mga Kristiyano ngayon ay kumikilala sa kapangyarihan ng Santo Papa upang pag-ugnayin at gabayan ang simbahan. Subalit makikita naman natin kung paanong ang Santo Papa ay patuloy na nag-aabot ng kanyang mga kamay hindi lamang sa mga Katoliko kundi pati sa ibang mga Kristiyano – Protestante, Anglicans, Orthodox, Pentecostal at iba pa. patuloy din siyang nakikipag-ugnayan sa ibang mga relihyon lalo na sa Judaism at Islam. Pati sa mga taong walang pananampalataya, ang Santo Papa ay nagpapahayag ng pakikipagkaibigan para sa kabutihan ng buong mundo. B. HAMON SA BUHAY Mabuting isama natin sa ating panalangin sa araw na ito an gating Santo Papa at ang kanyang mga hangarin. Maaari din nating alalahanin siya sa tuwing dadasalin natin ang “Paghahandog sa Umaga” o “Morning Offering” ng mga Apostolado ng Panalangin. Sa tuwing tayo ay magsisimba, pansinin ninyo kung saang bahagi ng Misa ipinagdarasal natin ang ating Santo Papa. Share on FacebookTweet Total Views: 378
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed