SAINTS OF FEBRUARY: PITONG TAGAPAGTATAG
PEBRERO 17 ANG PITONG TAGAPAGTATAG NG ORDEN NG MGA LINGKOD NG MAHAL NA BIRHENG MARIA MGA NAMANATA SA DIYOS A. KUWENTO NG BUHAY Ang sinasabing Orden sa titulo ng artikulong ito ay ang “Order of the Servants of Mary” o “Servites” kung sa maigsing pangalan. Kakaiba sa mga religious orders o congregations na itinatag ng isa o dalawa mang katao, ang order na ito ay itinatag ng pitong katao, pitong kalalakihan. Silang pito ay mga magkakaibigan, siguro parang barkada sa wika natin ngayon. At talagang maganda ang pinagsamahan ng mga magkaka-barkadang ito dahil dinala sila ng kanilang ugnayan sa tunay na kabanalan ng buhay. Ang pitong lalaking ito ay kasapi sa isang samahan na nagbibigay pugay sa Mahal na Birhen, ang “Confraternity of the Blessed Virgin Mary.” Silang lahat din ay mula sa Florence sa Italy, sa mga maaayos at kilalang pamilya. Noong 1233, habang lumalalim ang buhay espiritwal ng mga magkakaibigan, naisipan nilang mamuhay bilang mga ermitanyo, at lumayo sila mula sa lungsod upang tahimik na maisagawa ang kanilang magandang layunin. Subalit maraming nakarinig ng kanilang ginagawang buhay sakripisyo at panalangin kaya naging malimit at marami ang dumadalaw sa kanila. Tuloy ay nawalan ng katahimikan ang kanilang buhay at naisipan nilang mas lumayo pa upang makatakas sa mga tao at maging mas tahimik ang paligid nila. Marami ding nagnais na sumama sa kanilang grupo upang maging kasapi subalit tumanggi ang pito na tumanggap ng mga bagong kasapi. Dinalaw ng obispo ng Florence ang grupo at pinag-aralan niya ang kanilang buhay. Nakita niyang sobra na ang pagsasakripisyo ng mga ito at masyadong mahirap ang kanilang isinasabuhay na pangarap para sa kanilang kabanalan. Inanyayahan din niyang tumanggap ng mga bagong kasapi ang grupo. Kaya noong 1240, dahil sa payo ng obispo, ay nagsuot ng itim na abito o damit ang mga kasapi at ginamit nilang pamantayan ang Rule of St. Augustine. Habang inaayos nila ang kanilang istilo ng buhay, may mga pagbabago ding naganap. Unti-unti nilang iniwanan ang pagiging mga ermitanyo at naging tila mga mendicant friars, o mga brothers na may matinding pagbibigay-diin sa pagdaralita (poverty), umaasa sa biyaya ng Diyos at limos ng mga tao. Naglibot upang mangaral ang mga miyembro sa rehiyon ng Tuscany sa Italy. Naging pari lahat, maliban sa isa, sa pitong tagapagtatag. Tinawag nila ang kanilang grupo na Servants of Mary. Ang pinaka-debosyon nila ay ang magnilay sa mga paghihirap ng Panginoong Hesus at parangalan ang Mahal ng Birheng Dolorosa (ang mga pighati o pasakit ng Mahal na Birhen). Unti-unting binigyan ng pagkilala ng simbahan ang grupong ito na patuloy namang lumago at kumalat sa buong mundo, magpahanggang ngayon. Iisa lamang ang libingan ng mga magkakaibigang naging tagapagtatag ng religious order na ito. Sa araw na ito noong 1310 ang kamatayan ng pinaka-kilala sa kanilang lahat – si San Alex Falconieri. B. HAMON SA BUHAY Kay gandang tunghayan na ang pagiging magkakaibigan o magkaka-barkada pala ay maaaring magdala sa mga tao sa landas na tuwid, maayos at kaaya-aya sa Diyos. ganito ba ang katangian ng ating mga barkadahan ngayon? Mag-isip ng paraan kung paano mo mailalapit sa Panginoong Hesus at sa Mahal na Birhen ang iyong mga barkada. (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos; image above from catholicfire blogspot) Share on FacebookTweet Total Views: 268
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed