SAINTS OF FEBRUARY: SAN CLAUDE DE LA COLOMBIERE, SJ
PEBRERO 15 SAN CLAUDE DE LA COLOMBIERE, SJ, PARI A. KUWENTO NG BUHAY Mababakas natin sa buhay ng santong si San Claude de la Colombiere ang maingat at mahiwagang pagkatha ng Diyos sa buhay ng tao. Sino ang mag-aakala na si San Claude pala ay tugon sa panalangin ng isa pang taong naghihintay sa kanyang pagdating? Isa siyang answered prayer wika nga natin ngayon, na may misyon na itataguyod at pagyayamanin. Tunghayan natin kung paano ito naganap. Ipinanganak si San Claude noong Pebrero 2, 1641 sa France. May kaya naman ang pamilya niya at nag-aral siya sa Vienne, at sa Lyon. Pagkatapos, nagpasya si San Claude na maging kasapi ng mga Heswita upang maging mabuting pari katulad ng tagapagtatag na si San Ignacio ng Loyola. Nakilala agad si Claude sa larangan ng pagtuturo matapos ang kanyang kurso sa pilosopiya. Nang matapos niya ang pag-aaral ng Theology, may karagdagang responsibilidad na ibinigay sa kanya, bilang private tutor ng mga anak ng isang mataas na opisyal ng hari ng France. Nang maging ganap na pari na si Claude, muli siyang nagturo pero naging bantog din ang kanyang ibang uri ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Sariwa ang istilo niya at kaaya-aya sa mga nakikinig. Matapos naman ang kanyang huling panata bilang isang Heswita, ipinadala siya sa isang malayong destino sa lugar na tinatawag na Paray-le-Monial. Marami ang nagtaka kung bakit tila itinapon dito ang isang magaling na pari tulad ni Padre Claude. Subalit mayroon pa lang isang mahalagang plano ang Diyos para sa kanyang pari. doon kasi sa Paray-le-Monial ay may isang mabuti at banal na madre sa Monastery of the Visitation. Ang pangalan niya ay si Margaret Maria Alacoque. At kay Sister Margaret Maria nagpapakita at nagpapadala ng mga mensahe ang Mahal na Puso ni Hesus. Nangako kay Sister Margaret Maria ang Panginoong Hesus na magpapadala sa madre ng isang mabuting pari, na matapat ng lingkod at perpektong kaibigan ng Panginoon, na tutulong sa misyon ng madre. Ang misyon na iyan ay ikalat sa buong mundo ang pagbubunyag tungkol sa kayamanan ng pag-ibig ng Mahal na Puso ni Hesus. Ipinadala si Padre Claude kay Sister Margaret Maria at unti-unti niyang nakilala ang madreng ito. Kinilatis din niya ang mga sinasabing mensahe na mula sa Diyos sa pamamagitan ng madre. Ipinasulat itong lahat ni Padre Claude sa madre at sinuportahan niya ang madre sa kaniyang tinanggap na misyon. Nang mapagpasyahan ng pari na totoo nga ang mga sinasabi ng madre, siya ang unang naging tagapagtaguyod at masigasig na katuwang nito sa paglilingkod sa Mahal na Puso ni Hesus. Muling nadestino si Padre Claude sa London naman upang maging chaplain sa ilang miyembro ng mataas na lipunan na mga Katoliko. Talagang mahirap ang sitwasyon ng mga Katoliko sa lugar na ito noong panahon na iyon dahil sa dinanas na pagtuligsa sa simbahan at pagtalikod ng maraming Katoliko sa kanilang pananampalataya dala ng malaking pressure ng hari. Napagbintangan pa si Padre Claude na siya ay kasama sa plano upang patalsikin ang hari kaya siya ay dinakip at pagkaraan ng ilang linggo ay pinabalik sa France. Nakatulong lahat ito upang maging mahina ng katawan ng santo. Namatay siya noong Pebrero 15, 1682. Malaking tulong si San Claude kay Sister Margaret Maria (na naging santa din) sa kanyang misyon at sa maraming tao na tinuruan niya at ginabayan habang nabubuhay. B. HAMON SA BUHAY Maniwala man tayo o hindi, tayo ay sagot sa panalangin ng ibang tao. Dahil may misyon tayo sa buhay, naghihintay lamang ang ibang tao upang ialay natin ang ating sarili upang makatulong sa kanila. Sino kaya ang mga taong naghihintay ng iyong paghahandog ng lakas at oras ngayon? (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo,” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 255
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed