SAINTS OF FEBRUARY: SAN POLICARPIO
PEBRERO 23 SAN POLICARPIO, OBISPO AT MARTIR A. KUWENTO NG BUHAY May mga santo na tinatawag sa simbahan ng Fathers of the Church o Mga Ama ng Simbahan. Ang mga taong ito ang tila tulay sa pagitan ng pamayanang Kristiyano noong panahon nabubuhay pa ang mga apostoles (tinatawag din na biblical church o biblical period) at sa panahon ng batam-bata pa at nagsisimulang simbahan (tinatawag ding apostolic church o apostolic period), matapos ang kamatayan ng mga apostoles. Ang mga Fathers of the Churchay mga disipulo ng mga apostoles at sila ang nagpatuloy ng aral ng mga apostoles nang mamatay ang mga ito. Dahil patay na ang mga apostoles na siyang orihinal na hinirang at tinuruan at pinagkatiwalaan ng Panginoon ng katotohanan tungkol sa ating pananampalataya, paano tayo makasisiguro na naisalin ang mga aral nila sa simbahan nagsisimula pa lamang lumago at umusad? Diyan pumapasok ang mga Fathers dahil sila ang tulay na nagsisilbing gabay sa orihinal na turo ng mga apostoles dahil nakasalamuha nila ang mga ito at natuto sila sa pakikinig at pagtuturo ng mga ito. Kung ang mga apostoles ang mga “eyewitnesses” sa Panginoong Hesus, ang mga Fathers naman ay mga “eyewitnesses” din sa mga orihinal na apostoles. Isa sa mga Fathers na ito si San Policarpio na isinilang sa pagitan ng taong 75-80. Dinala siya sa pananampalataya ng mabunying Apostol San Juan (isa sa Labindalawa at ang may akda ng Mabuting Balita ni San Juan) at naging disipulo siya ng apostol na ito noong kanyang kabataan. Dahil marahil sa kanyang pagiging malapit kay San Juan Apostol, hinirang na maging obispo ng Smyrna si San Policarpio at buong katapatan niyang ipinagpatuloy ang sinimulan ng mga apostoles na paglilingkod. Nagkatagpo si San Ignacio ng Antioquia (isa ring Father of the Church), at si San Policarpio, nang Si San Ignacio ay papunta sa Roma, kung saan siya ay naging isang martir para kay Kristo. Buong tiwalang isinalalay niya sa pangangalaga ni San Policarpio ang simbahan sa Antioquia dahil sa kahusayan nito bilang pastol ng kawan. Nagpunta din si San Policarpio sa Roma upang makipagsangguni sa Santo Papa, Papa Aniceto, tungkol sa tamang petsa ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. May isang sulat si San Policarpio sa mga Kristiyano sa Filipos na hanggang ngayon ay maaari pang mabasa. Namatay bilang martir si San Policarpio taong 155. Sinunog siya habang buhay pa, sa bulwagan sa Smyrna dahil sa ayaw niyang itatwa ang kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo. Matanda na siya noon at binigyan pa siya ng pag-asang mabubuhay kung gagawin niya ang pagtalikod sa Panginoon. napakaganda ng sagot ni San Policarpio, na naitala ng isang saksi at nakarating sa atin ngayon sa kuwento ng kanyang kabayanihan. Sabi niya: “Walumpu’t-anim na taong pinaglingkuran ko siya (ang Panginoon) at hindi niya ako ginawan ng anumang masama; paano ko itatakwil ang aking hari na nagligtas sa akin?” Kahanga-hangang mga salita na sinundan ng higit na kahanga-hangang pagsaksi sa pananampalataya. B. HAMON SA BUHAY Kaya mo bang panindigan ang iyong pananampalatayang Katoliko at Kristiyano sa iyong mga salita at sa iyong mga gawa? Humingi tayo ng tulong sa mga Ama ng Simbahan na nagsisilbing modelo natin ngayon. (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 279
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed