UNANG LINGGO NG KUWARESMA
SIYA ANG ATING TAGUMPAY
Mt 4: 1-11
Simula ng taon nang magimbal tayo sa pagkamatay ni Pope Benedict XVI, kahit pa alam nating matanda na siya. Sa sumunod na araw, ipinaalam sa akin ng madre superyora ng mg Carmelites na pumanaw ang aking spiritual sister matapos ang matagal na karamdaman. At kinabukasan, ang aking matalik na kaibigan ay ibinalik sa ospital, na huli na pala niyang paglalakbay.
Minsan mapapaisip ka tuloy: bakit may pamana ng kamatayan, sakit, pagkabulok, kahinaan, kapighatian? Sa unang pagbasa sinasabing ang ugat ng lahat ng ito ay ang pagtataksil ang ating mga unang magulang. Sabi ni St. John Paul II, nakapasok sa mundo ang hiwaga ng kasamaan dala ng kasalanan. Sabi ni Pope Benedict XVI, sa lahat ng hiwaga ng buhay, ang salang mana (original sin) ang hindi maikakaila dahil lutang na lutang ang epekto nito sa buhay natin.
Sa pagbubukas ng Kuwaresma, narito ang Panginoong Hesus na nakikipagbuno sa kasamaan sa disyerto. Tinutuksong paulit-ulit. Alam nating masalimuot ang tukso; hindi madaling takasan o iwasan. Nangangako ito ng sarap pero nagtatapos sa sigalot sa sarili, sa kapwa at sa Diyos. Hindi biro ang matukso, dahil sabi nga ng iba: tunay na tunay ang hamon!
Wala pang dalawang buwan ang nakalilipas, nagdiwang tayo sa Pasko, sa kagalakan ng Pagkakatawang-tao ng Diyos kay Hesus. Ngayon mauunawaan natin kung gaano kabigat ang pasyang ito ng Diyos. Niyakap niya ang pagkataong lublob sa kahinaan, sakit, kalituhan, pagkakamali at kasalanan. Nasabak siya sa habambuhay na digmaan laban sa tukso, kahinaan, at kasalanan. Hindi nga siya nahulog sa sala, subalit humantong ang lahat sa kanyang kamatayan.
Sa huli, umalis ang demonyo at pinaglingkuran ang Panginoong ng mga anghel. Huwag nating kalilimutang kahit nakapasok ang kasalanan at kasamaan sa mundo, may hiwagang higit pa dito. Si Hesus ang liwanag sa kadiliman. Si Hesus ang pamahid sa sugat. Si Hesus ang angkla sa pagyugyog ng kahinaan. Si Hesus ang batong matibay sa harap ng kasalanan. Hindi niya ibinibigay ang lunas sa lahat ng sigalot ng buhay subalit handog niya ang pananampalataya at pag-asa, na kung tayo’y magiging tapat at totoo sa kanya, lahat ay mapagwawagian… maging sakit, maging kamatayan… at lalo na ang kasalanan.
Ngayong Kuwaresma, ipagdasal nating magwagi tayo laban sa kahinaan ng laman at espiritu. Hingin nating tumalikod tayo sa kasalanan at mamuhay sa pagtalima sa Diyos. ipanalangin nating maging matatag tayo sa harap ng mga pagsubok dala ang sandata ng pananampalataya at pag-asa.
#ourparishpriest 2023