Home » Blog » DEBOSYON KAY SAN JOSE: MUNTING KASAYSAYAN

DEBOSYON KAY SAN JOSE: MUNTING KASAYSAYAN

SA SIMULA, TILA NAKALIMUTAN SI SAN JOSE…

Hanggang ika-apat na siglo (4th century), tila nakalimutan si San Jose.

Sa mga simbahang Ortodosso, kilala si San Jose bilang “The Holy Righteous Elder Bethrothed” subalit walang nabuong debosyon sa kanya. Inaalala siya kasama nina Haring David at Santiago Apostol, tuwing Disyembre 26 o sa unang Linggo matapos ang Pasko ng Pagsilang.

Ito ay dahil sa Bibliya, kaunti ang materyal ukol kay San Jose; walang salitang naitala mula sa kanya sa Ebanghelyo. Kilala siya bilang ang tahimik at “matuwid” na tao.  15 beses siyang binanggit ng mga ebanghelista; ang pangalang Jose ay nangangahulugang “dagdagan nawa ng Diyos” o “tipunin nawa ng Diyos.”

Hindi siya nabanggit sa Mabuting Balita ni San Marcos. Sa Mabuting Balita ni San Juan, 2 beses siyang binanggit. At nakita lamang si San Jose sa mga salaysay ng pagsilang at pagkabata ng Panginoong Hesus; pagkatapos nito’y ipinagpalagay na namatay na siya.

Walang libingan si San Jose sa Israel ngayon at wala ding naiwang “relics.”

Sadyang hindi binigyang pansin si San Jose upang pangalagaan ang Birheng-Pagsilang ni Maria sa ating Panginoong Hesus, at ang habambuhay na pagka-birhen ni Maria. Ang pagbalewala kay San Jose ay ang pagbibigay-pugay naman sa Mahal na Birhen. Ayon sa mga Ama ng Simbahan (Fathers of the Church), tunay ang kasal ng dalawa bagamat ito ay dalisay at walang bahid ng kaugnayang maka-laman o maka-mundo.

SA LITERATURANG APOKRIPAL

(“apokripa” = mga kasulatang tumatalakay sa simula ng buhay ng Panginoong Hesus

subalit hindi nakapasok sa opisyal na listahan ng mga tanggap na aklat sa Bibliya)

Sa literaturang apokripal, doon matatagpuan ang mga detalyeng hindi matatagpuan tungkol kay San Jose sa mga Ebanghelyo, halimbawa mula sa mga aklat na “Protoevangelium of James,” “The History of Joseph the Carpenter,” “The Infancy Gospel of Thomas.”

Dito si San Jose ay sinasabing 90 taong gulang na biyudo na may 6 na anak na (4 lalaki, 2 babae) nang ikasal siya sa Mahal na Birhen. Sa pinagpiliang mapapangasawa ni Maria, ang tungkod ni San Jose ang dinapuan ng isang kalapati o tinubuan ng suhay ng bulaklak na liryo, bilang tanda na siya ang pinili ng Diyos na magiging esposo ni Maria. Nangamba si San Jose na magpakasal subalit pumayag matapos ang paliwanag ng Punong Pari ng mga Hudyo. Nag-alala din si San Jose na baka nililinlang lamang ng demonyo si Maria tulad nang naganap kay Eba noong una. Sa Betlehem, matiyaga siyang naghanap ng komadrona habang nagaganap ang milagrosong panganganak ni Maria sa Sanggol na si Hesus. Ayon sa literaturang apokripal, 111 taong gulang si San Jose nang mamatay sa bisig ni Hesus at Maria.

Sa akdang tinatawag na Protoevangelium, pinilit na bigyang solusyon ang problema tungkol sa “mga kapatid” ng Panginoong Hesus. Sinabi dito na ang mga ito ay mga anak ni San Jose sa una niyang kasal; sa tradisyon naman sa Kanluran (Western o Latin Church), sinasabing ang mga ito ay mga pinsan ng Panginoong Hesus. Kumalat sa Kanluran ang mga alamat tungkol kay San Jose mula ika-8 hanggang ika-9 na siglo sa tulong ng Protoevangelium na muling inilathala sa titulo na Gospel of Pseudo-Matthew. Ang aklat ni Jacobus de Voragine na The Golden Legend ay nagbanggit kay San Jose kaugnay sa mga kapistahan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birhen kahit na walang sariling kapistahan noon si San Jose.

Bumaba ang debosyon kay San Jose noong “middle ages” (panahong “medieval” na mula taong 500 hanggang ika-15/16 na siglo) dahil sa kasaysayan ni Beato Herman Joseph ng Steinfeld, isang paring Norbertine na ay napakalalim na debosyon sa Mahal na Birhen at nagsabing nagkaroon siya ng pangitain kung saan isang mahiwagang kasal ang naganap sa pagitan niya at ng Mahal na Birhen; dahil dito, idinagdag niya ang pangalang Joseph sa sariling pangalan na tila ba pinapalitan niya si San Jose sa buhay ng Mahal na Birhen.

SA SINING O ARTS

Lumitaw ang larawan ni San Jose sa isang mosaic ng Paghahandog sa Templo na nasa Basilica ng St. Mary Major sa Roma, pero sa kabuuan, hindi pinansin si San Jose sa sining ng panahong medieval. Sa mga manuskrito ng mga aklata may dibuho, si San Jose ay iginuhit bilang isang lalaking may puting balbas, subalit walang mga imahen ni San Jose ang inilabas para sa paglaganap ng debosyon.

Sa mga likha ng mga Northern Gothic artists minsan ipinapakita si San Jose na aktibong nag-aalaga sa Banal na Sanggol na si Hesus sa pamamagitan ng mga maliliit na gampanin tulad ng pag-iigib ng tubig, pagluluto, o pagpapaypay sa  natutulog na Sanggol. Sa artwork na “Merode Altarpiece” ni Robert Campin ng Netherlands, unang ipinakita si San Jose na nag-iisa at matiyagang nagtatrabaho bilang karpintero o anluwagi sa kanyang sariling shop.

Sa mga paintings mula sa Tuscany noong ika-14 na siglo, si San Jose ay ipinakita sa iba’t-ibang paraan, halimbawa sa kasal ni San Jose at ni Maria, ang mga bigong manliligaw ng Mahal na Birhen ay mga galit na galit na nagpo-protesta laban kay San Jose.

Sa dulo ng panahong medieval, nang unti-unting nakikita ang pangangailangang espirituwal ng mga pamilya, hindi pa din masyadong kinilala si San Jose. Sa mga larawan na nagpapakita ng pamilya ng Mahal na Birhen, tanging ang mga babae ang nasa gitna ng larawan at ang mga kalalakihan, kasama si San Jose, ay na sa likod o gilid lamang at nagmamasid.

Sa panahong medieval din, iniwasan ng mga magulang na pangalanan ang kanilang mga anak na Jose; walang tanyag na tao noon ang may ganitong pangalan. Ang mga unang santo na may pangalang Jose ay sina San Jose Anchieta at San Jose Calasanctius, kapwa mga Espanyol na isinilang noong simula ng ika-16 na siglo.

UNTI-UNTING LUMALAGONG DEBOSYON

Nagsimulang umusad ang debosyon kay San Jose sa mga lokal na simbahan; sa Ehipto, unang ipinagdiwang ng mga Coptic Christians ang pista niya sa Hulyo 20, noong dulo ng unang milenyo. Sa  taong 1000, nabanggit na din si San Jose sa dalawa o tatlong listahan ng mga santo sa Ireland at Germany.

Unang ipinagdiwang ng mga Latin (Roman) Catholics ang pista ni San Jose sa Winchester, England bandang taong 1030. Isang silid-dalanginan sa Parma, Italy ang itinalaga sa kanya noong 1074 at isang simbahan naman sa Bologna, Italy noon 1129. Isang kapilya o bisita naman noong 1254 ang inialay sa kanya sa Joinville, France.

PRIBADONG DEBOSYON

Nagkaroon ng debosyon kay San Jose sina St. Bernard ng Clairvaux, si Santa Gertrude the Great, Santa Birgitta ng Sweden at ang pransiskanong si Peter Olivi. Nakapasok ang debosyon kay San Jose sa mga aklat-dasalan ng mga Carmelites, Franciscans at Servites sa dulo ng ika-14 na siglo.

Doon na din ginawang pirme na ang pista ni San Jose sa Marso 19 na hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy natin.

Maraming mga kalamidad noong ika-14 na siglo: mga tag-gutom, ang Hundred Years War sa pagitan ng Inglatera at France, ang digmaang sibil sa Castile, Portugal at Scotland. Lumaganap ang mga erehe, ang katiwalian, ang fanatisismong relihyoso, naganap ang Babylonian Captivity at Great Western Schism, gayundin ang Black Death.

Naligalig ang mga tao sa epekto ng mga kaganapang ito sa mga pamilya at sa mga pamayanan na naghahanap ng kagalingan at lunas. Iminungkahi ng teologo na si Jean Gerson ng France, na gawing patron si San Jose bilang isang mabuting ama at tagapagtanggol ng pamilya. Sumulat siya ng akda tungkol kay San Jose na nagtataguyod ng debosyon sa santo at ng pagtuklas ng mga kabutihan ng santo (ang koleksyon ng mga akda ukol kay San Jose ay tinatawag na “Josephina”). Pinalawak ni St. Bernardine ng Siena, isang pransiskano, ang mga kaisipan ni Gerson tungkol kay San Jose.

Sina Gerson at St. Bernardine ay kapwa naghanap ng mga materyal na susuporta sa pamimintuho kay San Jose at pinag-isipan nila ang gampanin ni San Jose sa kasaysayan ng kaligtasan. Naniwala silang si San Jose ay hindi matandang hukluban na malapit nang mamatay kundi isang matipuno at makisig na kabataang lalaki na kayang mag-aruga at magtrabaho para sa Banal na Pamilya.

Ayon din sa kanila, si San Jose ay birhen at dalisay tulad ni Maria, hindi isang matandang biyudo; pinuspos ng Diyos ng maraming natatanging biyaya si San Jose kasama na ang paglilinis ng kanyang salang mana (original sin) bago siya isilang bilang paghahanda sa kanyang pagiging esposo ni Maria. Ayon din sa dalawa, iniakyat sa langit si San Jose matapos ang kamatayan nito at doon sa langit muling nagtagpo ang Banal na Pamilya kaluluwa at katawan; tila isang nabuong munting “Trinidad” – sina Jesus, Maria at Jose.

Yumabong ang debosyon kay San Jose sa Espanya noong ika-16 na siglo. Malaking ambag dito ang debosyon ni Santa Teresa de Avila na naging tagapagtaguyod ng pamimintuho matapos siyang gumaling sa paralisis sa tulong ng panalangin ng santo. Tinawag ni Santa Teresa si San Jose na “Glorioso” o Maluwalhating San Jose, at “ama” at “panginoon” (may maliit na letrang “p” na ang kahulugan ay kagalang-galang na “ginoo”). Inasam ng santa na lahat nga tao ay maging deboto at masumpungan ang tulong ni San Jose.

Inilagay ni Santa Teresa sa patnubay ni San Jose ang kanyang pangarap na reporma ng Carmelite Order at itinalaga sa santo ang labing-dalawa sa kanyang labing-pitong itinatag na bagong monasteryo. Dito may mga imahen si San Jose na nag-iisa, isang bagay na hindi pa nagawa sa ibang lugar noon.

Maraming nahikayat si Santa Teresa tulad ng kaibigan at kapwa Carmelite na si Padre Jeronimo Gracian. Sumulat si Gracian ng isa pang koleksyon ng mga akda kay San Jose (o “Josephina”) kung saan inulit niya ang mga dating papuri sa santo; ipinahayag niya si San Jose bilang tao na higit na kawangis ni Kristo sa “mukha, pananalita, pangangatawan, kilos, saloobin at galaw.” Si Gracian din ang humiram ng mga salita mula sa sa Genesis 41: “Tumungo kayo kay Jose” at ginawa itong motto na nakaukit sa mga altar at imahen ni San Jose.

Ang mga monghang Carmelite ni Santa Teresa ang nagdala ng debosyon kay San Jose sa Pransya at nakatulong ito sa pagyabong sa bansang ito ng “siglo ng mga santo.” Ang pranses na si San Francisco de Sales ay nagkaroon ng malalim na debosyon; naging masugid na tagapagtaguyod ng kabanalan sa simpleng pangaraw-araw na buhay. Itinuro niya ang debosyon sa mga mongha ng Visitation convents na kanyang itinatag kasama ni Santa Juana Frances de Chantal; dinasal ng mga mongha ang rosaryo ni San Jose, litanya at mga pagninilay ukol kay San Jose. Nag-iwan din ng mga pangaral si San Francisco de Sales na ang paksa ay si San Jose.

SANTO NG PAMILYA

Sa pangangaral ni San Francisco de Sales, si San Jose ay pinuri niya sa taglay nitong pagmamahal, kababaang-loob, tapang, katapatan at lakas. Ang mga katangiang ito ay tila mga bulaklak na nakaburda sa makalangit na kasuutan ng santo. Higit na magiting kay David at mas marunong pa kay Solomon; may taglay na natatanging pagka-malapit kay Hesus.

Si San Francisco de Sales din ang pinakamasugid na tagapamansag ng muling pagkabuhay at pag-aakyat sa langit kay San Jose, na tinagurian niyang “maluwalhating ama ng buhay at pagmamahal” at gayundin, tagapamagitan at patron ng mga magulang, manggagawa at ng mga nasa bingit ng kamatayan.

Bilang patron ng pamilya si San Jose ay naging kasangkapan sa mga kampanya ng Counter-Reformation laban sa paglaganap ng Protestantismo. Sa muling pagpapahayag ng Katolisismo matapos ang Reformation (ni Martin Luther), ang lakas at dangal ni San Jose ay angkop sa mga modernong kaisipan tungkol sa awtoridad ng isang mabuting ama; siya ang isa sa pinakamaningning na tala ng langit.

Sa mga sining o art ng panahon ng Renaissane at Baroque ipinakita si San Jose na may hawak na mahiwagang tungkod na may bulaklak sa tuktok, at bilang isang matandang lalaki. Ang mga lilok na imahen ni San Jose at mga larawan niya ay lumaganap sa buong Europa at sa bagong tuklas na mga lupain. Nakarating ang mga ito sa Mexico at Andes; mabilis na niyakap ng mga Indian si San Jose bilang espirituwal na ama nila. Sa Pilipinas, dala din ng mga misyonero ang debosyon kay San Jose.

MAKABAGONG PANAHON

Umani ng mga bagong parangal si San Jose sa modernong panahon. Ipinahayag siya bilang patron ng mga bansa at lugar tulad ng Mexico, Canada, Bohemia, Austria, China, mga sakop ng Espanya, at Belgium. Ginawa din siyang patron ng mga pamilya, karpintero, manggagawa sa kahoy, mga nagdududa, naglalakbay, naghahanap ng tahanan, at ng mga malapit nang sumakabilang-buhay.

Itinala na ang Marso 19 bilang kapistahan niya simula pa noong 1479 at nagkaroon ng sariling mga panalangin sa Roman Breviary, naging bahagi ng Litanya ng mga Santo, at itinalaga ang Marso bilang natatanging buwan ni San Jose, at ang Miyerkules bilang natatanging araw ng pamimintuho sa kanya (kahit sa Pilipinas ang Miyerkules ay kilala para sa Ina ng Laging Saklolo). Natatag ang unang religious congregation na nasa ilalim ng patnubay ni San Jose, ang Congregation of St. Joseph sa Le Puy, France noong 1650, isang grupo ng mga pranses na madre.

PATRON, GABAY, HUWARAN

Pagdating ng modernong panahon, ang bugso ng mga debosyon sa puso ng maraming Katoliko ay naapektuhan. Sa tulong ng sunud-sunod na Santo Papa, sinikap ng simbahan na hilumin ang masasamang naging epekto ng sekularismo. Isa sa mga ginawa nila ay ang pagpapatibay ng aral tungkol kay San Jose. Iniutos ni Papa Pio IX na ipagdiwang ang pista ni San Jose sa lahat ng lugar tuwing ika-apat na Miyerkules matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. HInirang din na patron ng China si San Jose noong 1870.

Sa liham-ensiklikal ni Papa Leo XIII na may pamagat na Quam Pluries noong 1889, nagpayo siyang dumulog kay San Jose sa mga krisis pang-relihyon at panlipunan; kunin si San Jose na gabay tungo sa katarungan sa halip na yakapin ang sosyalismo.

Sa ilalim ni Papa Pio XI, ginawang natatanging tagapagtanggol si San Jose laban sa Rusya at sa mga pagtuligsa nito sa pananampalataya. Kay Papa Pio XII naman, nagsimula ang pista ni San Joseng manggagawa tuwing Mayo 1, bilang parangal sa mga manggagawa; nagsimulang lumaganap ang mga larawan at imahen nis San Jose na karpintero.

Inilathala naman ni Santo Papa Juan Pablo II ang liham ensiklikal na Redemptoris Custos noong 1989. At Ipinahayag ni Papa Francisco ang “Taon ni San Jose” mula Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021. Naglathala din siya ng liham na “Patris Corde,” bilang parangal sa ating mahal na santo, ang Maluwalhating si San Jose.

Salamat sa impormasyon mula sa:

https://www.catholicworldreport.com/2021/03/18/the-often-silent-and-surprising-history-of-devotion-to-saint-joseph/

ourparishpriest 2023; photo from a parish church in Marinduque