ISANG HIMALA NG EUKARISTIYA SA AMERICA?
Pinag-uusapan ngayon sa United States ang sinasabing isang himala na naganap sa loob ng Misa at may kinalaman sa mismong Katawan ni Kristo na ibinabahagi sa oras ng Komunyon. Noong Marso 5, 2023, habang nagpapa-Komunyon ang isang Eucharistic minister, nagkaroon ng pangamba na tila hindi sasapat ang mga Banal na Ostiya na nasa loob ng ciborium (ciborium or siboryo ang tawag sa sisidlan ng Banal na Ostiya, samantalang chalice o kalis naman ang sisidlan ng Banal na Dugo ng Panginoon sa Misa) sa bilang ng mga taong nais makinabang o mag-Komunyon.
Sa pagkamangha ng Eucharistic minister, ang mga piraso ng Banal na Ostiya (na siyang tinapay na naging Katawan ni Kristo sa pagdiriwang ng Misa) ay lalo pang nadagdagan sa halip na magkulang. Kaya’t pagkatapos ng Misa, tila hindi nabawasan ang laman ng siboryo kahit na ipinamahagi na ang mga ito sa mga nag-Komunyon.
Sisimulan pa lamang ang pagsasaliksik sa pangyayari bago tuluyang magbigay ng karampatang pahayag ang diocese kung ito nga ay maituturing na tunay na himala. Samantala, maraming mga tao ang nabuhayan ng pananampalataya sa Tunay na Presensya ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya nang dahil sa balitang ito.
Naganap ang kamangha-manghang pangyayari sa St. Thomas Catholic Church sa Thomaston, Connecticut. Ang simbahang ito ay dating pinamahalaan ni Blessed Michael McGivney bilang parish priest. Si Blessed Michael ay nasa hanay ng mga kandidato para sa pagiging santo sa ating simbahan at ang founder ng Knights of Columbus na nai-proklama na bilang “Blessed” noong 2020. Kailangan ng isa pang himala sa tulong ng panalangin niya upang mai-proklama siya bilang isang ganap na santo. Ito na kaya iyon?
ourparishpriest 2023