KAWALAN NG PAGGALANG SA EUKARISTIYA SA SIKAT NA CATHOLIC SCHOOL
Kalat na sa buong mundo ang napabalitang paglapastangan sa Banal na Eukaristiya ng isang mag-aaral ng Ateneo de Manila Senior High School. Sa halip na tanggapin ang Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon, ibinulsa ng isang estudyante ang Banal na Ostiya (ang tinapay na naging Katawan ni Kristo sa loob ng Misa) at pagkatapos ay nagsagawa ng isang “food review” kung saan ang itsura, lasa at disenyo ng Banal na Ostiya, na parang tulad lamang ng karaniwang ginagawa ng mga food vloggers sa isang karaniwang piraso ng pagkain.
Dahil dito, nagkansela ang Ateneo ng lahat ng pagdiriwang ng Misa sa kanilang Senior High School deparment sa kalagitnaan ng panahon ng Kuwaresma kung saan napakahalaga ng mga ganitong aktibidad. Humingi ng paumanhin ang deparment sa mga estudyante at nagsabing magsasagawa ng mga pagbabayad-puri o sakripisyo (atonement/ penance) para sa nagawang kasalanan. Ang kawalan ng respeto sa Banal na Eukaristiya (ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo) ay kasalanan na tinatawag na “sacrilege” at ayon sa tradisyon ng simbahan, may katapat na parusang “excommunication.”
Ang estudyante na gumamit ng pangalang @feignedflowers sa Twitter ay nagpalit ng pangalan at nag-lock ng kanyang account. Sinasabing humingi din ito ng paumanhin pagkatapos ng insidente. Ayon sa pahayag ng Ateneo, nais nilang gabayan ang estudyante upang maunawaan nito ang kanyang nagawa at upang maliwanagan sa tunay na kahulugan ng Eukaristiya.
Maaaring ang pagkakataong ito ay isang hudyat sa lahat ng Pilipino na lalo pang alamin, unawain, at palalimin ang pananampalatayang Katoliko sa bawat tahanan, pamayanan at mga paaralang Katoliko.
ourparishpriest 2023