SAINTS OF MARCH: SAN CIRILO NG JERUSALEM

MARSO 18 (Obispo at Pantas ng Simbahan) A. KUWENTO NG BUHAY Isang tunay na mamamayan ng Jerusalem si San Cirilo. Nagmula siya sa isang pamilyang Kristiyano at isinilang noong taong 315. Tinanggap niya ang isang matibay na pagsasanay bilang isang Kristiyano at sa kanyang paglaki, kalaunan, siya ay nagpasyang maging isang pari. Bilang isang pari, inilaan niya ang kanyang oras at talino para sa pagbibigay ng aral sa mga catechumen na naghihintay ng binyag. Ang kanyang mga aral tungkol sa binyag ay naging batayan ng pagtuturo tungkol sa sakramentong ito sa mga sumunod pang henerasyon ng mga Kristiyano. Nailathala ang 24 na katuruan niya tungkol sa binyag. Isang nakakatawag-pansin sa mga aral niya, na tinatawag na Catecheses, ang pagkakatulad nito sa mga aral na tinatanggap din natin ngayon. Ibig sabihin, ang turong Katoliko ay hindi nagbago kundi pareho lamang sa mga unang Kristiyano at sa ating mga modernong tagasunod ni Kristo. Maaari pang mabasa natin ang mga aral na iniwan ng santong ito. Naging batayan ito upang igawad kay San Cirilo ang titulo bilang isang Pantas ng Simbahan. Naging obispo ng Jerusalem si San Cirilo bilang kahalili ni obispo Maximo, noong taong 348. Bilang obispo ng dakila at banal na lungsod na ito, si San Cirilo ang may pinakamataas na katungkulan sa hanay ng mga obispo sa Asia. Subalit ilang beses na nagkaproblema si San Cirilo laban sa mga Arian (mga hindi naniniwala sa pagka-Diyos ng ating Panginoong Jesucristo). Sa tuwing makikipaglaban siya sa mga ito, ang nagiging sakripisyo ay ang pagpapatalsik sa kanya mula sa Jerusalem kaya’t tatlong beses din siyang nakaranas ng pagpapalayas mula sa kanyang sariling simbahan at pamayanan. Hindi naman tuluyang nagwagi ang mga Arian sa buong simbahan, kaya’t naibalik din siya sa kanyang tungkulin bago siya namatay. Naging bahagi si San Cirilo ng Second Ecumenical Council of Constantinople kung saan nabuo at pinagtibay ang Kredo ng Simbahan (tinatawag na Nicene Creed, isang mahabang bersyon ng “Sumasampalataya ako”). Kasama rin siya sa mga lumagda sa mga dokumento na nagkondena sa mg Arian at sa mga Macedonian (mga hindi naniniwala sa pagka-Diyos ng Espiritu Santo). Mahalaga ang mga aksyong ito ni San Cirilo dahil sa panahong ito ng Simbahan ay may mga kaguluhan sa turo o doktrina dala ng mga maling aral ng mga heretics o mga schismatics sa simbahan. Naghahagilap noon ng katotohanan ang mga Kristiyano at malaki ang bahagi ng tamang turo o doktrina na pinagyaman ng mga obispo at mga teyologo tulad ni San Cirilo. Dahil sa kanila, tayo ay nasa tamang landas sa pagsunod sa Panginoon. Tatlumpung-limang taong naglingkod bilang obispo ng Jerusalem si San Cirilo, kahit labing-anim na taon din siyang napalayo sa kanyang mga nasasakupan dahil sa pagpapalayas sa kanya. Namatay siya noong taong 386. B. HAMON SA BUHAY Paano natin maipagtatanggol ang pananampalataya mula sa mga tumutuligsa dito? Paano natin ipapaliwanag ang ating pananampalataya sa mga nagtatanong sa atin? Dapat nating pag-aralan at unawain ang ating pananampalataya upang maging madali sa atin ang ibahagi ito sa iba. Simulan natin ito ngayong Kuwaresma. K. KATAGA NG BUHAY 1 Jn 5:5Sino pala ang dumaig sa mundo maliban sa naniwalana si Jesus ang Anak ng Diyos? from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr RMarcos; photo from https://sthughmiami.org/church/the-communion-of-saints/ Share on FacebookTweet Total Views: 237