Home » Blog » SAINTS OF MARCH: SAN JUAN DE DIOS

SAINTS OF MARCH: SAN JUAN DE DIOS

MARSO 8

San Juan de Dios

(Namanata sa Diyos)

A. KUWENTO NG BUHAY

Isa sa pinakamatandang institusyong medikal sa ating bansa ang San Juan de Dios Hospital, isang ospital na may magandang reputasyon sa pagpapagaling at pagkalinga sa mga maysakit. Sino ba si San Juan de Dios at ano ang kinalaman niya sa mga maysakit?

San Juan de Dios ang tawag sa kanya dahil hindi alam ninuman ang tunay niyang kumpletong pangalan. Ipinanganak siya noong 1495 sa bansang Portugal at nagsimula siyang mabuhay bilang isang taong tunay na mahilig sa paghamon at mga kakaibang karanasan.

Pumasok siya sa pagsusundalo at lumaban upang ipagtanggol ang lungsod ng Vienna. Naging isa siyang manggagawa sa North Africa at isang pastol sa Spain. Nang huli ay naging tindero siya ng mga religious articles sa Granada sa Spain. Dito niya narinig ang kahali-halinang pangangaral ng isang banal na pari, si San Juan ng Avila. Halos 40 taong gulang siya nang maliwanagan ang kanyang isip sa mga pananalita ng santong pari.

Nagbagong-buhay si Juan de Dios at umikot siya sa paligid upang ipahayag ang kanyang pagsisisi na may kasamang mga sigaw at pagdagok sa kanyang dibdib. Akala ng ilan siya ay isang baliw kaya dinala siya sa ospital para sa mga maysakit sa pag-iisip. Mabuti na lamang at dahil din sa pamamatnubay ni San Juan ng Avila ay nailabas siya sa ospital.

Dahil sa naranasan niya na pangit na pagtrato sa mga pasyente sa ospital na iyon, nang makalabas siya ay nagpasya siyang magtayo ng sarili niyang ospital. Dito niya inalagaan ang mga maysakit at mga kaawa-awa ng lipunan. Sa simula ay may kasama siyang dalawang kawani na naging katuwang din niya sa pagbubuo ng isang grupo na maglilingkod sa mga maysakit.

Nang lumaon ang grupong ito ay tinawag na Brothers Hospitallers, sa wikang Ingles. Naging pakay ng religious congregation na ito ang tulungan at bigyan ng lunas ang mga may sakit sa katawan man o sa kaluluwa. Maraming nagawa ang mga kasapi upang magpakita ng kawanggawa sa mga mahihirap.

Namatay si San Juan de Dios sa Granada noong 1550. Dahil sa kanyang hindi pangkaraniwang karanasan sa paglilingkod sa mga may karamdaman, ginawa siyang santong patron ng mga ospital, ng mga maysakit, at pati ng mga nars.

Kaya sa tuwing madadaan kayo sa harap ng San Juan de Dios Hospital sa Maynila, alam na ninyo kung sino ang santong ito at bakit sa kanya ipinangalan ang isang magaling na ospital sa ating bansa.

B. HAMON SA BUHAY

Isa sa mga mahirap gampanan ay ang mag-alaga ng maysakit lalo pa kung ito ay mahal natin o malapit sa ating puso.

Ipagdasal natin ang mga nag-aalaga sa mga maysakit lalo na ang mga nagsasakripisyo ng kanilang oras at kakayahan para lamang samahan ang mga naghihirap sa katawan at isip. Biyayaan nawa sila ng Panginoon.

K. KATAGA NG BUHAY

Mt 25:40

Sasagutin sila ng Hari: “Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.”

from the book Isang Sulyap sa mga Santo by Fr R.Marcos, photo from Sant Juan de Deu Hospital Barcelona