SAINTS OF MARCH: SAN LUIS (Luigi) ORIONE
MARSO 12 (Pari) A. KUWENTO NG BUHAY Puno ng kasipagan at halos walang tigil na pag-aabala para sa Kaharian ng Diyos itong si San Luis Orione. Ipinanganak siya sa Pontecurone, Italy noong 1872. Sa murang edad na labintatlong taong gulang ay pumasok siya sa Franciscan Friary. Naging mapalad si Luis nang maging estudyante ni San Juan Bosco (o Don Bosco) sa Turin, Italy. Nasaksihan niya ang kamatayan ni Don Bosco at sinasabing noong ilibing si Don Bosco ay isang himala ang tinanggap ni San Luis. Gumaling siya sa isang karamdaman na matagal na niyang iniinda. Seminarista pa lamang si San Luis ay nagpakita na siya ng pagnanasang maglingkod sa mga mahihirap. Nagbukas siya ng isang paaralan para sa pagsasanay ng mga kabataang lalaki. Nagbukas din siya ng isang tahanan para sa mga kabataang lalaki mula sa mga mahihirap na pamilya. Pagkatapos niyang maging ganap na pari noong 1895, maraming mga seminarista at mga pari ang lumapit sa kanya upang maging unang kasapi ng kanyang mga sinimulang gawain. Nabuo ang Sons of Divine Providence noong 1903, isang relihiyosong kongregasyon na ang layunin ay makiisa upang mailapit ang mga maliliit na tao, ang mga dukha, sa Simbahan at sa Santo Papa, sa pamamagitan ng mga kawanggawa. Bukod sa tatlong panata ng kalinisan, pagdaralita, at pagtalima (chastity, poverty, obedience), ang mga kasapi ng kongregasyon na ito ay may ikaapat na panata—ang pagiging matapat sa Santo Papa. Naging aktibo at abala si Don Orione (magiliw na palayaw sa kanya) sa mga bagong sulpot na problema sa Simbahan tulad ng kalayaan at pagkakaisa ng Simbahan, ang modernismo, ang sosyalismo, at ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga manggagawa sa mga industriya na noon pa lang nag-uumpisang lumaganap. Maraming relihiyosong kongregasyon pa ang isa-isang itinatag ni Don Orione. Nariyan ang Congregation of the Little Missionary Sisters of Charity, ang Blind Sisters, ang Adorers of the Blessed Sacrament at ang Contemplative Sisters of Jesus Crucified. Para sa mga layko, iba’t ibang mga samahan naman ang kanyang sinimulan upang mahikayat silang maging bahagi ng kanyang misyon sa mga mahihirap. Dahil kay Don Orione ay kumalat ang mga paaralan, boarding houses, tahanan para sa kawanggawa, at pagtulong sa mga dukha. Isang masugid na deboto ng Mahal na Birhen si Don Orione. At kahit ano ay gagawin niya upang ikalat ang debosyon sa Mahal na Ina ng Diyos. Dahil sa problema sa puso at sa baga, si Don Orione ay namatay noong Marso 12, 1940 habang sinasambit ang mahal na pangalang “Jesus.” B. HAMON SA BUHAY Sobrang sipag nitong si San Luis Orione na parang walang sinayang na oras para sa kanyang paglilingkod sa Panginoon at sa kapwa. Sa paglipas ng panahon ng ating buhay, nagagamit ba natin nang maayos ang oras na bigay ng Diyos sa atin? Humingi tayo ng tawad sa mga pagkakataong tila nawalan ng saysay ang oras na biyaya ng Diyos sa atin. K. KATAGA NG BUHAY Lc 4:18a “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha.” from the book Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos; photo from www.donorione-venezia.it Share on FacebookTweet Total Views: 227
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed