MARSO 17 (Obispo) A. KUWENTO NG BUHAY Isang bansa na nag-iwan ng marka sa kasaysayan ng Simbahan ang bansang Ireland kung saan naging buháy na buháy ang Kristiyanismo lalo na ang Simbahang Katoliko. Ang lahat ng ito ay utang ng mga Irish sa kanilang paboritong santong patron at tinaguriang Apostol ng Ireland, si San Patricio. Ipinanganak noong taong 385 si San Patricio sa bansang Britain (maaaring sa Wales o sa Scotland). Anak siya ni Calpurinius Sucatus na isang kawani ng lokal na gobyerno. Masaya sana ang kabataan ni San Patrico subalit naging bihag siya ng mga pirata at itinakas siya papuntang Ireland kung saan siya ay ipinagbili sa isang pamilya doon upang maging alipin. Naging pastol ng mga tupa sa Ireland si Patricio. Magpahanggang ngayon, kalat na kalat sa bansang ito ang napakaraming tupa, na tila sagisag na ng kanilang bansa. Napakarami din kasing mga malulusog na damuhan para sa pagpapastol ng mga alagang hayop. Ito ang naging karanasan ni Patricio bilang isang alipin. Subalit habang nasa Ireland siya nakilala niya ang tunay na pananampalataya at nabinyagan bilang isang Katoliko. Nang magkaroon siya ng pagkakataong tumakas ay nagtungo sa France si Patricio. Doon naman niya nakilala at sinundan ang aral at halimbawa ng isang banal na obispo na si San Germaine ng Auxerre. Naging pari si Patricio at naglingkod sa Auxerre nang halos 15 taon. Nang maghanap ang Santo Papa na si San Celestino I ng ipadadala sa bansang Ireland upang maging misyonero, ginawaran ni San Germaine ng pagka-obispo ang paring si Patricio at siya ang inatasang lumunsad para sa gawaing ito. Taong 432 nang muling magbalik si Patricio sa kanyang dating kapaligiran sa Ireland. Masipag niyang ginawa ang lahat para maabot ang kanyang misyon, at sa loob ng 33 taon, matagumpay niyang naakay ang buong lupain sa pananampalataya. Ano ang sikreto ni San Patricio? Naakit niya ang tiwala ng mga lider ng mga tribu kung kaya’t naging madali para sa kanya ang marating ang mga nasasakupan ng mga ito. Gayundin, inilapat niya ang kanyang istilo ng pangangaral sa kultura ng mga Irish. Kung tutuusin, ang Ireland lamang ang bansa sa Western Europe na walang kasaysayan ng pagiging martir sa proseso ng pagtatanim ng pananampalataya. Malugod na tinanggap ng mga tao ang mga aral ng Panginoong Jesucristo at nagpabinyag sila nang may malayang kalooban. Ayon sa kaugalian, ipinaliwanag daw ni San Patricio ang Misteryo ng Santissima Trinidad (Most Holy Trinity) sa pamamagitan ng 3-leaf clover, o dahon ng isang halaman na may tatlong talulot. Dahil dito ay madaling naunawaan ng mga tao ang iisang Diyos na nananahan sa tatlong Persona. Sinasabi rin na ang dahilan at walang ahas sa buong isla ng Ireland ay dahil pinalayas ni San Patricio ang mga ito at agad naman silang sumunod sa kanya. Namatay si San Patricio noong taong 461 matapos ang isang buhay na buong puso niyang inialay sa mga Irish na hanggang ngayon ay patuloy din namang nagmamahal sa kanya. May panahon na napakaraming mga misyonerong pari at madre mula sa Ireland ang nagpunta sa Pilipinas upang maglingkod. Ngayon naman marami na ring Pilipino sa Ireland na nagtatrabaho at siyang aktibo sa kanilang buhay-Katoliko sa mga simbahan doon. B. HAMON SA BUHAY Sa kabila ng maraming sakripisyo ay maluwag sa kalooban na inialay ni San Patricio ang kanyang buhay upang ibahagi ang kanyang tinanggap na pag-ibig sa Diyos at sa Simbahan. Ngayong Kuwaresma, huwag nating ipagkait ang ating kagalakan bilang Kristiyano; sa halip, ibahagi natin ito sa ating kapwa na naghahanap ng pag-asa at tugon sa kanilang mga tanong sa buhay. K. KATAGA NG BUHAY Lc 5:10-11Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” from the book Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos; photo from www.infobae.com Share on FacebookTweet Total Views: 225
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed