SAINTS OF MARCH: SANTA FRANCISCA NA TAGA-ROMA

MARSO 9 Santa Francisca na taga-Roma (Namanata sa Diyos) A. KUWENTO NG BUHAY Isinilang si Santa Francisca sa lungsod ng Roma noong 1384. Nagmula siya sa isang marangal na pamilya. Dahil bahagi ng kaugalian noong panahong iyon, nag-asawa si San Francisca sa edad na labintatlong taong gulang. Ang napangasawa niya ay si Lorenzo Ponziani at nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng tatlong anak na sina Evangelista, Battista, at Agnes. Sinasabing naging isang modelong maybahay si Francisca. Naging ulirang ina din siya ng kanyang mga anak. Dahil may kakayahan naman ang kanilang pamilya, bukod sa pag-aalaga sa kanyang mga minamahal sa buhay, ay nagkaroon ng pagkakataon si Francisca na magbigay ng tulong sa sinumang nangangailangan, lalo na sa mga pagkakataon ng taggutom at ng epidemya na nagpahirap sa buhay ng mga tao at kumitil ng maraming buhay. Palaging handa ang santang ito na magbahagi ng anumang mayroon siya para sa mga mahihirap at mga maysakit sa kanyang kapaligiran. Ang kanyang asawa na isang kumander sa mga hukbo ng Santo Papa ay nasugatan sa giyera at dahil dito ay habambuhay na nabaldado. Liban pa rito, dalawa sa kanyang mga anak naman ang binawian ng buhay dahil sa peste. Buong tapang na hinarap ni Santa Francisca ang kanyang kapalaran na may pagtitiwala sa Diyos at pagsuko sa banal niyang kalooban. Patuloy siyang tumulong sa mga dukha at upang makasiguro na tuloy-tuloy ang serbisyo sa mga ito, itinatag niya noong 1425 ang isang religious congregation, ang Oblates of the Tower of Specchi, na sumunod sa mga alituntunin ng pamumuhay ni San Benito. Dahil dito tinatawag ding Benedictine Oblates ang mga madreng kasapi nito. Nang mamatay ang kanyang asawa noong 1436 ay pumasok siya bilang madre sa kongregasyon na ito. Apatnapung taon din siyang namuhay bilang isang maybahay at ngayon ay malayang- malaya siya bilang isang madre upang makapaglingkod sa kapwa tao. Bilang isang madre lalong nag-umapaw ang kabutihan at kabanalan ni Santa Francisca. Damang-dama ng mga tao ang kanyang pagtitiyaga at kailanman ay tila hindi naubos ang kanyang pasensya sa ibang tao. Naakit sa kanyang kabutihan ang maraming tao na nais siyang makausap upang magkaroon ng kapayapaan ng puso at isipan. Buong giliw niya silang pinayuhan nang mabuti pero kung kailangang pagsabihan tungkol sa kanilang kasalanan, hindi din siya nagkulang na gawin ito. Maraming biyaya ang ipinagkaloob sa kanya tulad ng malalim na panalangin at mga kakaibang kaloob na pangkaluluwa. Habang nagdarasal siya sa Mahal na Birhen noong Marso 9, 1440, namatay si Santa Francisca ng Roma. B. HAMON SA BUHAY Kakaibang halimbawa ng katapatan sa buhay pag-aasawa at buhay-pamamanata sa Diyos ang masasalamin natin kay Santa Francisca. Saanmang bokasyon natin matagpuan ang ating tunay na misyon sa buhay, idalangin natin sa tulong ni Santa Francisca na tayo ay laging maging nag-uumapaw sa kabutihan, pagtulong, at pagpapasensya sa ating kapwa. K. KATAGA NG BUHAY Kas 31:10Nasaan ang matibay na asawa? Mahalaga pa siya kaysa perlas. from the book Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos; photo from Wikimedia Commons) Share on FacebookTweet Total Views: 203