SAINTS OF MARCH: SANTA KATARINA DREXEL
MARSO 3 Santa Katarina Drexel (Dalaga) A. KUWENTO NG BUHAY Alam ba ninyo kung ano ang isang heredera? Sa mga palabas sa telebisyon na telenovela at mga pelikula, nakakatagpo natin ang mga heredera o heredero. Ito yaong mga taong tagapagmana ng malaking kayamanan mula sa kanilang mga magulang o mga ninuno. At dahil sa sobrang yaman na kanilang hindi inaasahang matanggap, nagiging magulo ang takbo ng istorya ng kanilang buhay. Pero kahit medyo magulo ang buhay ng isang tagapagmana, tila masarap din ito, hindi ba? Kasi nga, marami kang pera at ari-arian na magagamit mo para sa iyong sariling kaligayahan. Ang santang si Katarina Drexel ay isang heredera sa totoong buhay at hindi sa kathang-isip lamang. Isa siyang Amerikana mula sa Philadelphia at isinilang siya noong 1858. Namatay ang kanyang ina noong sanggol pa lamang siya. Subalit mapalad si Santa Katarina dahil ang kanyang amang si Francis Drexel ay isang mayamang negosyante sa bangko at ang kanyang pangalawang ina (nag-asawa ulit ang kanyang ama) ay lubos na mapagmahal na babae. Dahil nga lumaki sa mayamang kapaligiran, si Katarina ay nagkaroon ng magandang kapalarang makapaglakbay sa malalayong lugar. Siya rin ay nakapag-aral nang mabuti kaya’t handa na sana siyang pumasok sa mundo ng kalakal at negosyo tulad ng kanyang ama. Subalit nag-iba ang ihip ng hangin para sa babaeng ito. Ang kanyang pamilya ay bukas-palad na tumulong sa kampanya ng Simbahang Katoliko sa Amerika upang makapagmisyon sa mga American Indians (tawag ngayon ay Native Americans) at sa mga “Negroes” (tawag ngayon ay African Americans) na noon ay pawang mga mahihirap at walang sapat na edukasyon. Personal na naging bahagi ng misyong ito si Katarina. Minsan siyang naglakbay sa Rome at nagkaroon ng isang pakikipagtagpo sa Santo Papa na humiling sa kanya na maging isang tunay na misyonera para sa mga lahing nabanggit. Tumimo sa puso ni Katarina ang hamon na ito at ninais niyang pumasok sa kumbento bilang isang madre. Una siyang naging kasapi ng Sisters of Mercy pero noong 1891 ay nagtatag siya ng sarili niyang religious congregation para sa mga nais ding maglingkod sa mga American Indians at mga Negroes. Tinawag na Sisters of the Blessed Sacrament ang grupong sinimulan niya para sa napakagandang layunin. Inilaan ni Santa Katarina ang lahat niyang pamanang tinanggap mula sa kanyang ama para maging puhunan ng kanyang mabungang gawain para sa mga pinaglilingkuran niya. Hindi naging hadlang ang kayamanan upang maging tunay na bukás ang puso niya sa kapwang nangangailangan. Sa halip ginamit niya ang lahat ng kanyang kayamanan at kakayahan upang mag-alay ng kanyang sarili sa iba. Ginawa nina Santa Katarina at ng kanyang mga kasamang madre na sentro ng kanilang buhay ang Banal na Eukaristiya. Dito siya humugot ng lakas at katatagan sa paglilingkod. Sa Eukaristiya din niya nakita ang tunay na pagkakaisa ng lahat ng mga tao dahil kapag tayo ay sumasamba sa Panginoon sa Eukaristiya, hindi na mahalaga anuman ang lahi ng bawat isa. Lahat ay pantay-pantay sa mata ng ating Diyos. Namatay si Santa Katarina noong 1955, matapos na maitayo niya ang isang unibersidad o pamantasan para sa mga Negroes sa New Orleans at magugol ang halos labindalawang milyong dolyar para sa gawain ng paglilingkod sa minamahal niyang mga Indian at mga Negroes. Namatay siyang isang dukha subalit napakaraming tao ang kanyang napaunlad at puno ng pag-asa sa kinabukasan. B. HAMON SA BUHAY Handa ka bang gamitin o ibahagi ang iyong kayamanan, kakayahan, o maging ang iyong oras para magsilbi sa iyong kapwa lalo na sa mga nangangailangan? Maging inspirasyon nawa natin si Santa Katarina sa kanyang hindi pagkapit sa kayamanan kundi paggamit nito sa paraang makatutulong sa iba, hindi lamang sa ating mga kaibigan at kapamilya. Magandang layunin ito ngayong Kuwaresma. K. KATAGA NG BUHAY Lc 10:41-42 Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.” (from the book: Isang Sulyap sa Mga Santo by Fr. RMarcos; photo from Catholic Philly) Share on FacebookTweet Total Views: 325
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed