SAINTS OF MARCH: SANTA PERPETUA AT SANTA FELICIDAD

MARSO 7 Santa Perpetua at Santa Felicidad (Mga Martir) A. KUWENTO NG BUHAY Isa sa pinakadakilang kayamanan ng nagsisimula pa lamang na Simbahan sa unang mga taon nito ay ang detalyadong paglalahad ng pag-aalay ng buhay ng mga martir sa Carthage, North Africa noong taong 203. Ngayon ang Carthage ay matatagpuan sa bansang Tunisia. Dito makikita kung anong karahasan ang dinanas ng mga Kristiyanong napili upang magbuwis ng buhay dahil sa kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Dito rin makikita ang tapang ng mga ito at ang tindi ng kanilang pagmamahal sa isa’t isa bilang magkakapatid sa mata ng Diyos. Si Santa Perpetua ay 22 taong gulang na babaeng tubo sa Carthage. Mula siya sa isang mayamang pamilya at ang kanyang ama ay may mataas na katungkulan sa lipunan doon. Isa siyang ina na may anak na sanggol pa lamang at isang pasusuhin pa noong siya ay dakpin para parusahan at patayin. Bago siya ikinulong, siya ay nabinyagan bilang isang Kristiyano kahit na madiin ang pagtutol ng kanyang ama sa kanyang desisyong ito. Si Santa Felicidad naman ay isang aliping babae at isang catechumen (ibig sabihin ay naghahanda pa lamang para sa binyag bilang Kristiyano). Dahil siya ay buntis nang siya ay dakpin, akala niya ay hindi siya isasama sa pahirap sa mga Kristiyano subalit nanganak nang wala sa oras sa kulungan si Santa Felicidad kaya naging posible na siyang isama sa kapalaran ng mga martir. Mapapansin na parehong babae ang mga bida sa kagitingan ng pananampalataya sa araw na ito. Pareho din silang mga ina ng mga sanggol at pareho nilang ipinagkatiwala sa iba ang kanilang mga anak upang matapang na harapin ang pagiging saksi sa pag-ibig ni Kristo. Kakaibang biyaya ang dumaloy sa puso ng dalawang ito. Matatagpuan ang salaysay ng kamatayan nilang dalawa, at ng ilan pang mga Kristiyanong kasama nila sa isang paglalahad na pinaniniwalaang isinulat mismo ni Santa Perpetua (ngunit maaaring inayos na ng ibang Kristiyanong saksi, na tinatawag na The Passion of St. Perpetua, St. Felicity, and Companions. Ang kamatayan nila ay naganap sa ampitheater kung saan ginawa silang palabas sa ikasisiya ng mga tao na tila nanonood ng isang action film. Unang ginawa sa mga martir ay hinagupit sila ng mga sundalo. Pagkatapos ay inilabas ang mga mababangis na hayop upang kagatin sila (tulad ng oso, baboy-ramo, o leopardo para sa mga lalaki, at mailap na toro o baka naman para sa mga babae). Saka pa lamang sila sinaksak ng espada o pinugutan ng ulo. Sa kuwento ni Santa Perpetua, matapos siyang ipakagat sa mababangis na hayop, siya ay sinaksak at pagkatapos ay pinugutan ng ulo. Siya pa mismo ang naglapat ng espada sa kanyang leeg dahil nanginginig ang kamay ng sundalong pupugot sa kanya. Kasamang namatay ni Santa Perpetua at Santa Felicidad ang iba pang mga Kristiyano, kabilang dito ang ilan pang catechumen na doon sa bilangguan nabinyagan. Namatay sila noong taong 203 sa ilalim ng emperador Septimo Severo. B. HAMON SA BUHAY Isa na namang pagbibigay-pugay sa lakas ng loob at tapang ng mga kababaihan ang bigay sa atin ng kapistahang ito. Kalimitan, ang mga babae sa ating buhay ang siyang nagiging tunay na saksi sa pagsasabuhay ng pananampalataya. Alalahanin natin at pasalamatan sa panalangin ang mga babae sa ating pamilya na naglapit sa atin sa Panginoon—mga lola, nanay, tiya, ate, at iba pa. K. KATAGA NG BUHAY Mt 10:37 Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. mula sa aklat na Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos, photo from Editora Cleofas) Share on FacebookTweet Total Views: 355