KAPILING ANG DIYOS LAMANG (Powerful Prayer sa Harap ng Blessed Sacrament)
Nakaluhod ako sa harap mo, O aking Diyos, na narito sa altar.
Salamat po sa paanyaya ninyong dalawin ang inyong Tahanan.
Kaysarap ng pakiramdam ko dito, Panginoon!
Sa pagdalaw na ito, O aking Tagapagligtas, nais kong maging tanging sa iyo lamang, isipin ka lamang, mahalin ikaw lamang at wala nang iba pa, nang buong isip ko at damdamin, hiwalay sa kaganapan sa mundo ng gawain at ng digmaan at ng pamayanang nakapalibot sa akin; walang hinihingi na anuman, malaki o maliit, malayo o malapit.
Nag-iisa na kapiling ka, O aking Panginoon, pabayaan mo pong parangalan kita nang buong puso at isip, kasama na din ng aking katawan.
Nakaluhod po ako… ano ang kahulugan nito?
Nakaluhod po ako dahil naniniwala akong narito ka sa altar sa harapan ko…
Sumasampalataya ako sa iyo aking Diyos, aking lahat…
Ako ay nilikha mo at nakaluhod ako bilang patunay nito…
Nais kong ipakita sa pagluhod na ito na sa iyo lamang, Panginoon ko, ang lahat ng pagsamba at pagsuko ng buong kong sarili…
Magkadaop ang aking mga kamay… sa pagsusumamo.
Kailangan ko ng iyong tulong…
Kailangan kong mapahinga kahit konti…
Kailangan ko ang payapa, pahinga, liwanag, lakas ng loob, at pagpapatawad…
Sa iyo, O Panginoon, maaasahan ko lahat ito dahil sinabi mo: “Humingi kayo at tatanggap kayo, humanap kayo at matatagpuan ninyo, kumatok kayo at pagbubuksan kayo.”
Magkadaop ang aking mga kamay dahil ikaw ang aking Manunubos, ang tangi kong pag-asa, ang bato ng aking kaligtasan, ang saligan ng pagkupkop, ang tahanan ng kapayapaan…
Iligtas mo po ako, O Panginoon,
Kung natutukso…
Kung nagkasala…
Kung pagod na sa pakikibaka…
Kung nasaktan at may hindi pagkakaunawaan…
Kung walang trabaho at kulang na ang pera at dumadagdag na ang mga bayarin…
Iligtas mo ako sa panlulumo at lalo na sa panlalamig at sama ng loob…
Nakatingin ako sa iyo, Panginoon…
Na may lakas ng loob, may tiwala, dahil sinabi mo: “Lumapit kayo sa akin kayong mga napapagod at nabibigatan, at pananariwain ko kayo at makatatagpo kayo ng kapahingahan ng kaluluwa…”
Lumalapit ako, Diyos ko,
Isang maysakit sa kanyang Manggagamot…
Isang dukha at nangangailangan sa Panginoon ng langit at lupa…
Pagalingin mo po ang aking karamdaman…
Punuin ng yaman ang aking kahirapan…
Damitan ang aking kahubaran…
Sa iyo ako lumalapit, hiling ang iyong habag…
Sa iyo ako nagsasaad ng aking kahihiyan…
Handog na Tagapagligtas, na inialay sa Misa sa umagang ito at sa maraming altar sa bawat sandali saanmang sulok ng mundo, hugasan mo po ang aking mga kasalanan ng iyong Kabanal-banalang Dugo. Burahin mo ang kirot ng aking sala sa aking kaluluwa, at palayasin sa aking puso ang pagnanasang magkasala muli.
Itulot mo pong makita kita sa lahat ng bagay…
Sa kalusugan man o karamdaman…
Sa galak man o kalungkutan…
Sa tinik man o sa rosas na bulaklak…
Itulot mong makita ko ang halaga ng pagdurusa…
Paano nito sinusubok ang aking kabutihan…
Paano nito hinuhubog ang aking katauhan…
Paano nito pinipigil ang apoy ng tukso…
Paano nito ako iminumulat sa aking kahinaan…
Paano nito ako inaakay sa kalangitan…
Nawa po ay makalakad ako…
Makalakad at huwag mabuwal…
Makalakad at huwag manghina kung napapagod na…
Ipagkaloob mo po, Panginoon, ang biyayang matanggap ko na may pagtitiyaga ang paulit-ulit na gawain ng maghapon… na matanggap kong may pagsuko ang pagkapagod at pagkahapo ng mahabang mga araw na nakakapagod at nakakahigop ng aking lakas…
Ipagkaloob mo po ako’y mapahinga at manatiling payapa taglay ang tiwalang mahal mo ako…. mamahinga sa katiyakang narito ka sa piling ko at sa puso ko. Amen.
(isinalin ng ourparishpriest 2023 mula sa ALONE WITH GOD, The Sentinel of the Blessed Sacrament, NY, New York)