Home » Blog » LINGGO NG PALASPAS A

LINGGO NG PALASPAS A

KAPAG TAHIMIK ANG DIYOS

MT. 26:17-26:66

 

Sa krus, ang panalangin ni Hesus ay katahimikan. Oo nga at nasambit niya ang “pitong huling wika” subalit ang mga ito ay hindi na pagtuturo, pangangaral o pagpapahayag. Sagisag ang mga ito ng kanyang pagsuko, ng tahimik na pagtanggap ng kamatayan at ng mahahalagang mensahe sa ilang nakapaligid sa kanya. Ang huling salita ng Panginoong Hesus sa krus ay katahimikan.

 

Ang Ama din ay tahimik sa panahon na iyon. Ang tugon niya sa pagdurusa at kamatayan ng Anak ay nakagagambala at nakalilitong katahimikan. Sobrang katahimikan kaya tuloy nasabi ni Hesus: Bakit mo ako pinabayaan? Malaking pagsubok sa Panginoon na maramdamang kaylayo ng Ama, tila walang pakialam, tila walang malasakit man lamang.

 

Ngayong Mahal na Araw, pumapasok tayo sa katahimikan ng pagninilay. Sa katahimikan, iniuugnay natin ang mga krus ng ating buhay sa krus ni Kristo. Kaydaming nagdurusa sa giyera sa Ukraine, sa pagtuligsa sa mga Kristiyano sa Nigeria, sa kapalaran ng mga refugees sa Myanmar. 

 

Kaydami ding paghihirap na tanging Diyos at tayo lang ang nakababatid: ang ating pakikipagbuno sa sakit, ang pighati ng pagkamatay ng isang minamahal, ang nawasak na mga pangarap, ang mapait na karanasan sa pakikipag-relasyon sa kapwa, ang paghahagilap sa kahulugan ng buhay. Minsan, gusto na din natin sumigaw: Bakit mo ako pinabayaan?

 

Ano kaya ang gagawin natin kung tulad ni Hesus, maramdaman nating ang Diyos ay tila tahimik at kaylayo at bingi sa ating panalangin? Palagay ko mahalagang pagnilayan ang tatlong “P” bilang tugon sa katahimikan ng Diyos.

 

Ang una, Pagsubok: Tandaan nating bahagi ng buhay ang pagsubok pero hindi ito ang hantungan ng lahat. Dumadaan lang tayo, naglalakbay lang tayo. At ang pagsubok ay naglalapit sa atin sa Diyos. Kung magiging tapat tayo sa kanya, tulad ng napagdaanan na natin dati, matatapos din ang mga pagsubok na ito.

 

Ikalawa, Pagtitiwala: Bagamat dumadaan tayo sa apoy ng pagsubok, hindi tayo iniiwan at pinababayaan ng Ama. Sa krus, sa gitna ng paghihirap, nakuha pa din ng Panginoon na ipagkatiwala sa Ama ang kanyang kaluluwa. Siya lamang ang tunay na maaasahan. Magtiwala na may plano ang Diyos. Magtiwalang wawakasan niya ang ating pagdurusa. Kahit hindi nakikita o nadidinig, kumikilos ang kamay ng Diyos maging ngayon sa ating buhay.

 

Ang huli: Pagtatagumpay: ang huling salita sa krus ay hindi pagkatalo, pagkawasak o pagkalugmok. Matapos ang krus, ang Pagkabuhay naman. Matapos ang tunggalian, Kaluwalhatian! Kasama ni Hesus, pumasok tayo sa dilim ng yungib upang makapiling niya tayo sa bagong lugar ng liwanag, kapayapaan at kagalakan. Dalhin natin sa puso ang tatlong P na ito. (ourparishpriest 2023)