Home » Blog » PAANO NA SI HUDAS?

PAANO NA SI HUDAS?

Ano na nga ba ang nangyari kay Hudas Iscariote (kakaiba kay San Judas Tadeo na kapwa apostol niya at ngayon ay patron ng mga “halos imposibleng kahilingan” o impossible cases)?

Sa tradisyunal na turo ng simbahan, si Hudas ay tiyak na ibinulid sa impiyerno dahil sa kanyang napakalaking kasalanan – ang pagkakanulo sa Panginoong Hesus sa halagang 30 pirasong pilak (Mt 26: 14-15).

Sa Jn 17:12, sinabi ng Panginoong Hesus: “Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak, upang matupad ang kasulatan.”  Ang taong “tiyak na mapapahamak” sa Griyego ay “anak ng kapahamakan.” Tinutukoy dito ang kaisa-isang alagad na magkakanulo ng Panginoong Hesus sa kamay ng mga kaaway niya. Pero tandaan din na si San Pedro ay nagkanulo din sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagtatwa na siya ay tagasunod ng Panginoon.

Sa Gawa 1:18: “Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka.” Dito naman tinutukoy na ang paraan ng pagkamatay ni Hudas ay ang pagkitil ng sariling buhay (suicide) dahil sa laki ng kanyang pagdadalang-sala o guilt.

Kaya sa tradisyunal na aral ng simbahan, si Hudas ay tunay na napahamak sa laki ng kanyang kasalanan, sa kakulangan niyang magsisisi, at sa nagawang suicide na isa na namang napakalaking pagkakasala.

Subalit nagulat ang marami at tumutol din ang ilan nang magbigay si Pope Francis ng kakaibang pagninilay (hindi turo o doktrina) tungkol kay Hudas.

Tatlong tao ang napuno ng pagdadalang-sala (guilt) sa kamatayan ng Panginoon – si Pedro na tunay na nagsisi pagkatapos, ang magnanakaw sa tabi ni Hesus na nahiyang maipako sa tabi ng isang walang sala, at si Hudas na naging kasangkapan sa kamatayan ng Panginoon.

Ayon kay Pope Francis, maaari bang makalimutan ng Panginoong Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, na tinawag din niyang “kaibigan” (Mt 26.50) minsan sa buhay nito? Tiyak na hindi nagbago ang loob at lalo na ang pagmamahal ng Panginoon para kay Hudas… at sa sinumang makasalanan sa kasaysayan… at maging ngayon.

Paboritong paglalarawan para kay Pope Francis ang dalawang magkatabing imahen sa nasa haligi ng isang simbahan sa France, sa St. Mary Magdalene basilica sa Vezeley, France.  Sa una, naroon si Hudas na nagbigti sa isang puno at nakalawit pa ang dila. Katabi nito naman ang imahen ng isang lalaki na pasan-pasan ang bangkay ni Hudas sa kanyang balikat at tila may lihim na ngiti sa kanyang mga labi, na tila may taglay na isang mahalagang lihim.

Para sa kanya, ang lalaking nagpapasan kay Hudas ay ang Mabuting Pastol, ang Panginoong Hesus na tila nagsasabing hindi pa wakas para kay Hudas; may plano pa ang Diyos para sa kanyang kaluluwa. Ang nais bigyang-diin ni Pope Francis ay ang napakahiwaga at napakalalim na awa at pagmamahal ng Diyos para sa kanyang mga nilikha, lalo na para sa kanyang mga anak na tinubos ng Panginoong Hesus sa krus niya at Pagkabuhay.

May ilang umalma sa pagninilay na ito dahil sabi nila tila pinalilinis ang imahen ni Hudas na siyang kasangkapan sa kamatayan ng Panginoon; ito din daw ay taliwas sa matandang katuruan ng simbahan tungkol sa pagkabulid ni Hudas sa impiyerno dahil sa kanyang pagkakasala ayon sa mga pantas at mga santo na din; at isa pa, ang suicide ay isang kasalanang napakalagim at hindi dapat gawing magaan lamang.

Bagamat hindi sinabi ni Pope Francis na si Hudas ay nasa langit, ang nais lamang niyang ipakahulugan ay hindi natin lubos na matatalos ang puso ng Diyos na laging laang magpatawad hanggang sa huli. Kung tutuusin, kahit kailanman ay walang proklamasyon ang simbahan kung sino ang nasa apoy ng impiyerno; sa halip ang tanging idinedeklara ay kung sino ang nasa kaluwalhatian ng langit bilang mga banal o mga santo/santa. Kung ikaw ang tatanungin, ano kaya ang iyong masasabi sa pagninilay na ito at sa reakson ng mga tao ukol dito?

ourparishpriest 2023; photo from https://www.traditioninaction.org/HotTopics/P046_Judas.htm