Home » Blog » PASKO NG PAGKABUHAY, TAON A

PASKO NG PAGKABUHAY, TAON A

ISABUHAY ANG PAGKABUHAY

MT 28: 1-10 (Misa sa Gabi ng Pagkabuhay)

Nakaharap tayo sa pinakadakilang hiwaga, ang hiwagang puso ng ating pananampalataya. Matapos ang pagsasariwa sa paghihirap at kamatayan, pinakikinggan natin ang pahayag ng anghel: “Wala na siya dito… nabuhay na siyang muli!” Hindi isang beses, kundi dalawa, sinabi ng anghel: “Nabuhay na si Hesus!” Ito ang totoo at katotohanang mapagkakatiwalaan!

Kung tunay tayong nananalig sa Pagkabuhay, paano nga ba isasabuhay ito? Una, sa pamamagitan ng paglupig sa ating mga takot sa tulong ng paninindigang buhay muli ang Panginoon. Nadinig natin: “Huwag kayong matakot,” hindi isa kundi dalawang beses pa, mula sa anghel at sa Panginoong Hesus mismo. Pero bilang mga tagasunod ng Liwanag, bakit natatagpuan pa din natin ang sarili na tumatahak sa dilim ng takot at walang katiyakan?

Sinasalakay tayo ng takot sa iba’t-ibang paraan: Pag-aalala sa kalusugan. Pagkabahala sa bukas. Pagkabagabag sa pamilya. Sindak sa masasamang espiritu. Pakiramdam na iniwanan at nag-iisa. Bilang isang bayan ng Pagkabuhay, ngayon pinaaalalahanan tayo ng Panginoon na tinalo na niya ang ating mga kinatatakutan. Tinapakan na niya lalo na ang kasalanan at kamatayan. Matatalo natin ang mga pangaraw-araw nating pagsubok at problema sa makapangyarihang pangalan ni Hesus, sa kanyang awa at pagmamahal. Kaya, maisasabuhay natin ang Pagkabuhay kung lalabanan natin ang takot  sa tulong ng walang-takot na Anak ng Diyos!

Ikalawa, sa pamamagitan ng paghihintay sa Panginoong Hesus sa Galilea. Sa mabuting balita, hindi isa kundi dalawang beses din binanggit na babalik at tatagpuin ni Hesus ang mga alagad sa Galilea. Dito nagsimula ang kanyang paglilingkod, dito nakilala niya ang mga kaibigan, tagasunod at maging mga kaaway. Dito naroon ang mga ordinaryong tao ng lipunan. At ngayon, pababanalin ni Hesus ang Galilea matapos ang kanyang muling Pagkabuhay. Ipakikita niyang siya’y buhay sa kung saan naroon ang mga tao araw-araw, nagtatrabaho, nag-aaral at nakikipamuhay.

Ang Galilea natin ay kung saan tayo matatagpuan. Doon tayo tatagpuin ng Panginoon, sasabayan, at pagpapalain. Matapos ang madamdaming Mahal na Araw, ngayong Pagkabuhay nais ng Panginoon na madama natin ang kanyang presensya, ipahayag ang kanyang pagmamahal, at ibahagi ang kanyang katotohanan sa karaniwan at minsang nakababagot na panahon at lugar ng ating buhay. Ang presensya ng Panginoong Muling Nabuhay ang nagpapabago sa mga karaniwang bagay tungo sa kahanga-hangang mga bagay para sa isang sumusunod sa Panginoon.

Ngayon, ipinahahayag natin ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon! At simula ngayon, unti-unti nating alisin ang mga takot sa puso at isip at salubunging may galak at tiwala ang pagdalaw ni Hesus sa ating kinaroroonan, sa karaniwang daloy ng ating mga buhay. Araw-araw ay pagkakataon upang sabihin: Aleluya!

ourparishpriest 2023