SAINTS OF APRIL: San Fidel ng Sigmaringen
ABRIL 24: Pari at Martir
A. KUWENTO NG BUHAY
Isinilang sa Sigmaringen sa bansang Germany si San Fidel noong 1578. Ang tunay niyang pangalan ay Mark Roy. May malaking interes sa pagkakamit ng karunungan si Mark Roy, kung kaya’t natapos niya nang mahusay ang kanyang pag- aaral sa pilosopiya at batas. Kapwa nasa antas ng doctorate ang kanyang narating sa mga larangang ito.
Nagsimula siyang magtrabaho bilang isang abogado subalit nahikayat siyang tumigil upang pumasok bilang isang Pransiskano sa grupo ng mga Capuchins. Dito niya tinanggap ang isang bagong pangalan, at nakilala na siya bilang si Fidel.
Bilang isang pari, ang buhay ni San Fidel ay puno ng mga sakripisyo at penitensya. Madalas siyang nagbabantay sa panalangin. Ang kanyang mga dasal ay naging mahalagang bahagi ng kanyang misyon sa buhay. Nakilala din siya bilang isang kakampi ng mga dukha, dahil damang-dama ng mga mahihirap ang pag-ibig niya sa kanila.
Mahusay ding mangaral ng Salita ng Diyos si San Fidel at ito ay naging isang palagiang tungkulin na kanyang sinikap na gampanan. Tumulong din siya upang magsagawa ng misyon para sa espiritwal na kapakanan ng mga sundalo ng Austria.
Inatasan si San Fidel ng isang kongregasyon sa Vatican na tinatawag na “Propagation of the Faith” na tumulak patungong Switzerland upang himukin ang mga Protestante doon na magbalik sa pananampalatayang Katoliko. Ang Kongregasyon na “Propagation of the Faith” ay isang sangay ng Simbahan na nagtataguyod ng mga gawaing pangmisyon sa mga lugar na kinakailangang itanim at payabungin ang pananampalatayang Katoliko. Tinatawag din itong Propaganda Fide.
May espesyal na misyon si San Fidel sa mga Calvinista na noon ay lumalaganap sa Switzerland. Ang mga Calvinista ay suhay mula sa hanay ng mga Protestante at ang mga ito ay lalong naging aktibo sa Switzerland kung saan marami silang nahikayat na sumapi. Ang pangalang Calvinista ay galing sa apelyido ng lider ng grupo na si Juan Calvin. Si Calvin ay nangaral ng mga doktrina na higit pang mas radikal sa mga turo ni Martin Luther na itinuturing bilang ama ng Protestantismo.
Nang magkaroon ng isang batas laban sa mga Calvinista sa Switzerland, nagalit ang mga tao at tinambangan nila si San Fidel. Una ay niyaya nila siya na maging kasapi ng mga Protestante. Madiin ang pagtutol ng santo dahil ayaw niyang mapabilang sa mga taong malayo na sa katotohanan.
Pinatay siya ng Calvinista sa lugar na tinatawag na Seewis noong taong 1622. Kinikilala bilang unang santo ng Propaganda Fide si San Fidel. Pagkatapos niya ay marami pang mga misyonerong nagbuwis ng buhay dahil sa pagsasagawa ng kanilang atas na maglingkod at magpahayag ng Mabuting Balita.
B. HAMON SA BUHAY
Alam ba natin ang espesyal na misyon ng ating buhay? May misyon tayo sa ating pamilya, sa ating pamayanan, paaralan, at trabaho. Ipagdasal nating matuklasan natin ang ating misyon at matagumpay na gampanan ito.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 17:25
Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.
(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)