ABRIL 13 (Papa at Martir) A. KUWENTO NG BUHAY Kaunti lamang ang detalye ng buhay na alam natin tungkol kay San Martin I. May talambuhay na nasulat sa Griyego na nagsasaad ng ilang katotohanan tungkol sa kanya. Ipinanganak sa Todi, sa rehiyon ng Umbria, Italy si San Martin. Naglingkod siya bilang isang pari ng Rome. Naging kahalili siya sa luklukan ni San Pedro bilang Santo Papa sa Rome noong taong 649. Isa sa mga nagawa niya bilang Papa ay ang tumawag ng isang konseho o pulong ng mga obispo sa simbahan ng Laterano sa Rome. Sa konsehong ito ay mariing kinondena ng mga kinatawan ang maling doktrina na nagsasabing si Jesus ay walang kagustuhan o pagpapasyang pantao (human will). Dahil si Jesus ay tunay na Diyos at tunay na tao, mayroon siyang pagpapasyang pang-Diyos at pantao din. Hindi maaaring isa lamang dahil mangangahulugan ito na isa lamang ang kanyang kalikasan (ayon sa ating pananampalataya, dalawa ang kalikasan ni Jesus—Diyos at tao). Nilabanan din ng konsehong ito ang isang dokumentong ipinalabas ng emperador Constans II. Sa galit ng emperador, pinahanap niya sa kanyang mga tauhan ang Santo Papa Martin, ipinadukot at dinalang sapilitan sa Constantinople (ngayon ay Istanbul sa Turkey). Naganap ito nang taong 653. Ikinulong si San Martin doon sa Constantinople kahit na dumating siyang may malubhang karamdaman at nanghihina ang katawan. Pagkatapos ay ipinatapon siya sa lugar na tinatawag na Crimea. Ang mga tao sa lugar na ito ay hindi mga Kristiyano kundi mga pagano o hindi pa nakakarinig ng Mabuting Balita. Nais ng emperador na ipapatay si San Martin subalit hindi ito natuloy. Namagitan ang Patriarka ng Constantinople (ang Patriarka ay ang punong obispo ng mga simbahang Orthodox, mga Kristiyano sa tradisyon ng Silangan). Kahit na hindi tuwirang namatay dahil sa utos ng hari, namuhay naman si San Martin sa gitna ng hirap at pagdarahop na dulot ng pagpapatapon sa kanya. Dahil dito itinuturing pa din siya bilang isang martir, hindi man dumanak ang kanyang dugo dahil sa poot ng kanyang mga kaaway. Unti-unti naman siyang namatay nang dahil sa hirap na kanyang naranasan. Siya ang huling Santo Papa na pinararangalan natin bilang isang martir. Namatay siya noong taong 655. B. HAMON SA BUHAY Madaling mamatay kung ang kamatayan ay dala ng madaliang sanhi tulad ng aksidente o biglaang dahilan. Pero kung unti- unti ang paghihirap ng isang tao, tila mas mabigat itong dalhin bilang isang sakripisyo. Ano ba ang pang araw-araw mong pasanin sa buhay? Sa tulong ni San Martin, ialay mo ito sa Diyos at hingin na maging matagumpay ka sa pakikibaka mo sa bawat araw, sa tulong na rin ng Diyos. K. KATAGA NG BUHAY ++ Jn 15:18-19 Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo. From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from Pastoral Santiago Share on FacebookTweet Total Views: 237
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed