SAINTS OF APRIL: San Pedro Chanel
ABRIL 28: Pari at Martir A. KUWENTO NG BUHAY Isang santo mula sa France si San Pedro Chanel. Isinilang siya sa bayan ng Cuet sa diyosesis ng Belley noon taong 1803. Naging ganap na pari si San Pedro noong 1827 at pagkatapos ng ordinasyon niya ay masigla niyang pinaglingkuran ang mga tao bilang isang kura paroko. Ilang taon din siya gumanap ng tungkuling ito bago siya naging misyonero. Bagong tatag pa lamang noon ang Society of Mary o Marists, isang relihiyosong kongregasyon, at nahikayat si San Pedro na sumapi bilang isang miyembro nito. Bilang isang paring Marist, ipinadala sa misyon si San Pedro, at buong puso niyang niyakap ang hamon na ito. Ang destinasyon niya ay Oceania. Ang Oceania ay tumutukoy sa mga magkakatabing isla na matatagpuan sa Pacific Ocean. Si San Pedro ay ipinadala sa Polynesia, kung saan naroroon ang ilan sa mga pinakamalalaking isla ng Oceania, tulad ng Hawaii, Samoa, at Cook Islands. Hindi naging madali ang buhay ng misyonerong ito dahil kailangan muna niyang matutuhan ang wika ng mga katutubong nadatnan niya doon. Kaya nasabi niya sa sarili na kung hindi niya agad mahihikayat ang mga tao sa pamamagitan ng salita ng pangangaral, kailangang mahikayat niya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang buhay. Para kay San Pedro maging ang tahimik na pagsaksi sa pananampalataya ay isang mayamang bukal na pagmumulan ng biyaya para sa mga taong kanyang pinaglilingkuran at minamahal. Dito pa lamang ay damang-dama na natin ang diwa ng kabanalan na nasa puso ng santong ito. Noong 1837, tumulak patungong isla ng Futuna si San Pedro upang makatagpo ang mga tao doon at madala ang Mabuting Balita sa kanila. Sa kabila ng maraming paghihirap, binasbasan ng Diyos ng tagumpay ang kanyang gawain. May ilang mga katutubo na humingi ng binyag at naniwala sa Panginoon. Subalit nang lumapit ang anak ng hari upang magpabinyag, hindi nagustuhan ng hari ng tribu ang bagay na ito. Ibinaling niya ang kanyang galit kay San Pedro. Nagpadala siya ng isang grupo ng mga mandirigma upang patayin ang pari. Nagbuwis ng buhay si San Pedro Chanel noong April 28, 1841 sa isla ng Futuna. Siya ang unang martir ng Oceania. Siya rin ang unang martir ng Society of Mary. Tila isang himala na ilang taon pa lamang ang nakalilipas mula nang mamatay si San Pedro Chanel, ang buong isla ng Futuna ay tumanggap ng pananampalatayang Katoliko at hanggang ngayon ay buháy ang simbahang itinatag doon sa tulong ng dugo ng banal na pari. Diniligan ng dugo ang lupa at yumabong ang katawan ni Kristo sa piling ng mga taong nabiyayaan ng tunay na pananampalataya. B. HAMON SA BUHAY Naging saksi sa pamamagitan ng tahimik na pagsasabuhay, sa pangangaral, at pagtitigis ng sariling dugo ang santong si San Pedro Chanel. Maraming paraan para maging martir o saksi sa pananam- palataya. Anong paraan ang iyong isinasabuhay ngayon? K. KATAGA NG BUHAY 1 Cor 1:18-19 Katangahan talaga ang salita ng krus para sa mga napapahamak, subalit kapangyarihan ito ng Diyos para sa ating mga naliligtas. Nakasulat nga: “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.” (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 198
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed