SAINTS OF APRIL: Santa Gianna Beretta Molla
ABRIL 28: Maybahay at Ina A. KUWENTO NG BUHAY Isa sa mga isinusulong na kilusan sa Simbahan ngayon ay ang Pro-Life Movement na nagtataguyod ng kahalagahan at karangalan ng buhay. Nilalabanan ng kilusang ito ang anumang hadlang sa kaloob na buhay ng Diyos lalo na ang aborsyon na kumikitil sa buhay ng maraming sanggol sa buong mundo. Ang ating santa ngayon ay tunay na may diwang Pro-Life dahil sa kanyang pagmamahal sa pamilya at sa buhay. Si Gianna Francesca Beretta ay isinilang sa Italy noong 1922. Malaki ang pamilya niya at siya ang ikasampu sa labintatlong anak ng kanyang mga magulang. Lumaki siya sa rehiyon ng Lombardy, Italy. Nangarap maging isang doktora si Gianna at nag-aral siya ng medisina sa lungsod ng Milan. Kasabay nito ay aktibo siya sa Catholic Action, isang kilusan ng mga kabataang Katoliko, lalo na ng mga estudyante. Nang matapos niya ng medisina nagbukas siya ng sariling klinika at nagsimula ang kanyang buhay bilang manggagamot. Nagpakadalubhasa siya sa larangan ng pediatrics o panggagamot sa mga bata. Naging interesado rin siya na maging isang misyonera dahil may kapatid siyang pari na noon ay nasa Brazil. Gusto sana niyang mag-alay ng libreng panggagamot sa mga mahihirap doon lalo na sa mga kababaihan. Subalit dahil mahina ang kanyang sariling pangangatawan, hindi natupad ang kanyang pangarap na ito. Masaya niyang ipinagpatuloy ang panggagamot sa Italy. Nanligaw kay Gianna ang isang inhinyero na nagngangalang Pietro Molla. Kahit mas matanda ito sa kanya ng sampung taon, nabighani si Gianna kay Pietro at ikinasal sila noong 1955. May mga video ng kasal ng dalawang ito na makikita pa hanggang ngayon mula sa koleksyon ng kanilang pamilya. Nagkaroon sila ng tatlong anak at pagkatapos ay nakunan naman ang dalawang sumunod na ipinagbuntis niya. Noong 1961 muling nagbuntis si Gianna subalit nasundan ito ng isang karamdaman sa kanyang uterus o matres. Ang tawag sa sakit niya ay fibroma o pagkakaroon ng tumor. Ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya, tatlong bagay ang maaaring gawin. Una, maaari niyang ipalaglag o ipa- abort ang bata upang maligtas ang kanyang buhay. Ikalawa ay hysterectomy o pag-alis ng buong uterus upang hindi na muling magkaanak, na magbubunga din ng kamatayan sa sanggol. Ikatlo, ay ang pag-alis ng tumor na maaaring magdulot ng maraming komplikasyon sa kanyang buhay. Nang makita niyang maliligtas ang sanggol, pinili niya ang ikatlo, ang pag-alis ng tumor. At tunay nga, dumami ang mga komplikasyon kaya naging mahirap ang pagbubuntis at maging ang panganganak niya. Isa lamang ang kanyang kahilingan. Kung kailangang mamili ang mga doktor kung sino ang ililigtas, nais ni Gianna na iligtas ang buhay ng kanyang anak, hindi ang sarili niyang buhay. Naipanganak ni Gianna nang maayos ang kanyang sanggol na si Gianna Emanuela subalit namatay siya pagkatapos ng ilang araw. Ibinigay niya ang kanyang buhay para sa buhay ng kanyang sanggol. Ito ay noong taong 1962. Nang hirangin bilang santa si Gianna Beretta Molla noong 2004, nakadalo pa sa seremonya sa Rome ang kanyang asawa at ang kanyang anak na si Gianna Emanuela. Isang tunay na inang mapagkalinga at mapagpahalaga sa buhay ng kanyang anak itong modernong santa ng ating simbahan. B. HAMON SA BUHAY Ipagdasal natin ang mga kababaihan lalo na ang mga ina ng mga pamilya na patuloy hangarin ang kabutihan ng kanilang mga anak kahit sa gitna ng malaking sakripisyo sa kanilang buhay. Nawa’y maging inspirasyon si Santa Gianna ng mga ina sa ating panahon. K. KATAGA NG BUHAY 1 Ped 3:3-5 Huwag padala sa panlabas na hitsura: ayos ng buhok, gintong kuwintas at pananamit. Sa halip, ingatan ninyo ang lihim at di-nawawalang kalooban nang may maamo at mapayapang diwa. Ito talaga ang mahalaga sa paningin ng Diyos. Ganito nag-ayos noon ang mga banal na babae na nanalig sa Diyos at napasakop sa kanilang asawa. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 205
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed