KATAWAN NG MONGHANG NAMATAY, NATAGPUANG BUO PA!
Pinag-uusapan ngayon ang isang posibleng himala na naman sa USA! Ipinahukay ng mga mongha ng Benedictine Sisters of Mary sa Gower, Missouri ang libingan ng kanilang foundress na si Sister Wilhelmina Lancaster na pumanaw noong taong 2019 at nagulat ang lahat nang matagpuang buong-buo pa ang katawan nito pati ang kanyang mga kasuotan. Ito ay sa kabila ng kaugalian ng mga mongha na huwag magpa-embasalmo ng kanilang mga yumaong kasapi kapag namatay ang mga ito at ang kabaong ay gawa lamang sa simpleng kahoy.
Ipinanganak at pinangalanang Mary Elizabeth Lancaster (Wilhelmina ang kanyang piniling pangalan nang pumasok sa monastery), isinilang siya noong April 13, 1924 sa isang Katolikong pamilya na may limang anak. Sila ay mag-anak na African Americans.
Sa kanyang First Communion, nagkaroon si Mary Elizabeth ng isang hindi maipaliwanag na pangitain kung saan nakita niya ang isang napaka-guwapong lalaki na nag-aanyaya sa kanya na ialay ang sarili sa kanya. Hindi daw siya makatanggi dito dahil ito ay kahali-halina. Nang tumuntong sa ika-13 taong gulang, sumulat siya sa isang kumbento upang magtanong kung maaari na ba siyang pumasok sa buhay pagma-madre. Subalit kailangan muna niyang mag-aral at nagtapos siyang valedictorian sa paaralang para sa mga African Americans na isang Catholic school, ang Saint Joseph Catholic High School.
Pumasok siya sa isang congregation ng mga madre (at doon na siya tinawag sa bagong pangalan na Wilhelmina), ang Oblate Sisters of Providence at naging isang guro. Kalaunan, ninais niyang patuloy na maguot ng abito kahit na ang kanyang mga kasamahan ay nagbago na ng kasuotan. Nang matagpuan niya ang pagmamahal sa Latin Mass, at nabalitaan ang isang Priestly Fraternity of St. Peter na nagbubuo ng isang bagong congregation ng mga madre, sumama siya dito kahit na siya noon ay 70 taong gulang na. Dito nabuo ang Benedictine Sisters of Mary na sumusunod sa tradisyunal na disiplina sa panalangin, Misa at sa buhay relihyosa.
May malalim na debosyon at pagmamahal si Sister Wilhelmina sa Mahal na Birheng Maria at ang huling mga salita niya bago mamatay ay “O Maria.” Lagi niyang bilin na “magdasal ng Rosaryo, “ at “mahalin ang Mahal na Birheng Maria dahil mahal niya kayo.”
Pumanaw siya matapos ang maselan na kalusugan at katandaan.
Sa tradisyon ng simbahan, ang pagiging “incorrupt” o pananatiling hindi naaagnas ng isang bangkay ay itinuturing na himala at tanda ng kabanalan ng isang tao matapos ang masusing pag-aaral at pagsisiyasat sa kanyang buhay. Subalit hindi naman ito “automatic” na hudyat na ang taong ito ay dapat agad na iproklama bilang isang santo o santa.
Dahil sa balitang ito, daan-daang mga tao agad ang dumalaw sa monastery sa Missouri upang masaksihan ang mga labi ng buong-buong katawan ng yuamaong mongha na si Sister Wilhelmina.
Photo credits: https://www.pillarcatholic.com/p/when-it-comes-to-bodies-just-how at https://metrovoicenews.com/catholics-travel-to-small-missouri-town-to-view-incorrupt-body-of-dead-nun/
Ourparishpriest 2023