Home » Blog » PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON A

PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON A

PAGBABALIK NG MATAPAT NA ANAK

MT 28: 16-20

Nananabik ka din bang umuwi sa tahanan mo lalo na kung bakasyon o long-weekend? Ano ang pakiramdam pag ganoon? Maraming tao ang nananabik at nagsasaya tuwing makikita ang pamilya, mga kaibigan at mga dating kakilala nila. Madalas natin ito nasasaksihan sa mga matagal na nagtrabaho at nawalay sa kanilang mga minamahal.

Ano kaya ang pakiramdam ni Hesus sa pagbabalik-tahanan niya, sa pagbabalik sa yakap ng Ama, sa pag-upo sa kahariang inilaan sa kanya? Nilinaw ng Panginoong Hesus na nagmula siya at magbabalik siya sa Ama (Jn 16:5). Ang kanyang Kaharian, ay hindi sa mundong ito kundi ibayo pa (Jn 18:36). Habang nangangaral siya, ipinahayag niya hindi lamang ang paghahari ng Ama, kundi ang puso nito, sa laking gulat ng mga nakarinig sa kanya.

Nagbigay si Hesus ng munting silip sa Ama, mga larawan at kaisipang hindi pa alam sa Israel. Ibinahagi niya ang kanyang matimyas na ugnayan ng pag-ibig, katapatan at pagtatalaga sa Ama. sa pamamagitan nito, ibinunyag niya ang tunay na mukha ng Diyos na puno ng pagmamahal, awa, at malasakit; kaylayo sa iniisip ng mga tao na mahigpit na pinuno o malupit na hukom.

Sa pagninilay sa Pag-akyat sa langit ng Panginoon, hindi ko mapigilang isipin kung ano ang naramdaman niya sa sandaling iyon. Mahirap talagang mawalay sa mga alagad niya; kaya nga tiniyak niya sa kanilang lagi nila siyang kasama pa rin. Subalit ang pagbabalik sa Ama ay tiyak na isang kagalakang walang kapantay – mamasdang muli ang kanyang Ama, madama ang yakap nito, at mamalagi sa presensya ng nagsabi sa kanya: Ito ang minamahal kong Anak; ang minamahal ko!

Ano ang kahulugan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit para sa atin? Tama, tapos na ang kanyang misyon at tayo naman ang magpapatuloy nito. Oo, hindi na siya makikita tulad nang dati kahit na narito pa rin siya sa pamamagitang ng Espiritu Santo. Subalit mayroon pang isang aspekto ng Pag-akyat sa langit na nais ni Hesus na isapuso natin.

Isang araw, uuwi din tayo sa Ama upang malasap ang mapagmahal at matimyas na ugnayang nararanasan niya ngayon. Naghihintay ang Ama sa atin, kahit na hindi tayo kasing buti at kasing tapat ni Hesus; kahit na uuwi tayong tulad ng alibughang anak na kumakatok at humihingi ng patawad at bagong pagkakataon. Hilingin natin sa Panginoong Hesus, ang tapat na anak, na tulungan tayo, ang mga alibughang anak, na mamuhay  sa tuwina upang isang araw maranasan natin ang galak ng pagbabalik-tahanan sa Amang mapagmahal at mahabagin.