Home » Blog » ANO ISYU MO? PART 15: DIYOS KO, NALULUNGKOT PO AKO!

ANO ISYU MO? PART 15: DIYOS KO, NALULUNGKOT PO AKO!

“Naaalala ninyo po ba ang ginawa ninyong tulong sa akin noon?” tanong ni Jore, isang batang propesyunal, kay Fr. Manols na isang nakatatandang pari. Ang tinutukoy ni Jore ay isang insidenteng naganap noong siya ay estudyante pa lamang at nag-aaral sa ilalim ng pamamahala ni Fr. Manols, na kanyang teacher sa isang Catholic boarding school.

Matagal na noong maysakit ang ama ni Jore. Isang gabi, nakatanggap ng tawag sa telepono si Fr. Manols na nagsasabing namatay na ang ama ni Jore at kung maaari ay siya na ang magpa-alam dito ng malungkot na balita. Noon ay nag-uurong ng mga pinggan si Jore. Lumapit si Fr. Manols at pinagbilinan siyang sumunod sa kanyang opisina matapos ang paghuhugas ng pinggan.

Nang dumating si Jore sa opisina, tinanong muna ni Fr. Manols kung ano ang alam nito sa lagay ng ama. Sinabi ni Jore na nagpapagamot nga ang kanyang ama sa matagal na nitong karamdaman. Tila kinabahan din ito at itinanong kay Fr. Manols kung bakit naungkat ang paksa ng ganoong usapin. Doon na maingat na sinabi ng pari sa estudyante na yumao ang kanyang ama nang gabing iyon.

Napuno ng kalungkutan si Jore at bumuhos ang luha nito tanda ng lungkot at hinagpis sa pagpanaw ng ama. Walang ibang magawa si Fr. Manols kundi ang yakapin ang estudyante bilang tanda ng suporta at hayaan itong umiyak sa harapan niya hanggang ito ay mapayapa.

Hindi kaila sa atin na dumadaan tayo minsan sa mga malulungkot na yugto ng ating buhay. Mula sa maliit na pangyayari tulad ng pagkamatay ng ating paboritong aso o pusa hanggang sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay, lahat tayo ay dumaranas ng kalungkutan. Napakagandang karanasan na maramdaman nating may tunay na nakikiramay at nakikiisa sa atin sa panahong iyon.

Sa panahon ng kalungkutan, tila ang sarap sabihin sa Diyos na pawiin na niya agad ang ating nararamdamang kapanglawan ng puso. O kaya ay magreklamo sa kanya kung bakit ba nagaganap ang ganitong pangyayari. Minsan kapag dinala natin sa Diyos ang ating kalungkutan, tila himalang nawawala nga ito agad. Madalas naman, bagamat nananatili ang kalungkutan, dama natin na kasama natin ang Diyos at tahimik tayong binabalot niya ng kanyang yakap sa gitna ng ating nararamdaman. Matapos magdasal, tiyak tayong nabawasan ang bigat ng ating dinadala.

Kung minsang nasa gitna tayo ng mga negatibong emosyon, lalong lumalala ang situwasyon kapag pilit nating itinataboy ang emosyong ito. Minsan, mas mabuti pang hayaan mong madama ang iyong kalungkutan; hindi naman iyong magpakalunod ka sa kalungkutan pero iyong madama mong walang masama kung minsan hindi ka masaya dahil sa mga pangyayari sa buhay.

Dalhin mo sa panalangin ang iyong kalungkutan habang iniisip mong ang Diyos ay tila isang lolo na yumayakap sa iyo na kanyang apo at pinangangalagaan ka sa sandaling ito. Umiyak kung kinakailangan sa kanyang harapan.

Pagnilayan mo kung paanong maging ang paghihirap ng Panginoong Hesus ay bahagi ng plano ng pagliligtas ng Diyos sa mundo; walang Muling Pagkabuhay kung walang kamatayan. Maniwala ka na gagamitin din ng Diyos ang iyong pagdurusa upang gawin kang isang mas mabuti at matatag na tao; muli ka ding mabubuhay. Kahit hindi mo ito dama ngayon, paniwalaan mong ito ay totoo.

Ipagdasal mong nawa dumating ang panahon, na ikaw din ay makatutulong sa iba upang maibsan ang kanilang kalungkutan. Ngayon sugatan at lupaypay ka, pagkatapos tagahilom at taga-alalay naman sa kapwa. May isang magandang naisulat tungkol sa kalungkutan: “Kapag tayo ay tila nasa kadiliman ng buhay, ikaw ay nasa sinapupunan ng Diyos.” Kaya manalig kang marami pang mabuting bagay na isisilang sa iyo pagdating ng panahon.

 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.  Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako’y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”  (Mateo: 11: 28-30)

ourparishpriest 2023