Home » Blog » IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

ARAL MULA SA MGA MAYA

MT. 10: 26-33

Habang nagdarasal ako sa madaling-araw, tila nakikisabay ako sa mga huni ng ibon na nauna na sa aking magpuri sa Diyos sa kadiliman sa ibabaw ng mga puno. Kasama dito ang huni ng pinaka-karaniwang ibon sa paligid, ang mga maya. Halos hindi pinapansin, subalit ang mga maya ang pinaka-kalat na ibong matatagpuan sa buong mundo, maliban daw sa Antarctica.

Nalaman ko din ang mga maya ay may iba’t-ibang kahulugan sa maraming kultura. Depende sa lugar, ang mga maya ay swerte, maabilidad, mayabong, mabunga, peste o nakakainis. Maging ang Panginoong Hesus ay napansin at ginamit sila na halimbawa. Mura daw ipagbili ang mga ito, subalit mahal sila ng Ama sa langit at hindi sila namamatay na walang pahintulot at kaalaman ng Ama.

Hamak na mahalaga tayo sa ibong maya – mas matalino, malikhain, makapangyarihan, maganda at malakas. Subalit may katangian ang maya na tila kulang tayo. Ang mga maya ay walang takot na sumusuong sa buhay sa puno, sa bundok, sa bukid, sa lungsod man. Tayo naman sa likod ng ating ngiti at lakas ng loob, nagtatago ang mga takot natin sa sakit, kamatayan, pagkabigo, pagkatalo, kahinaan, kapalpakan, at kasalanan.

Gamit ang mga maya bilang halimbawa, hinihikayat tayo ng Panginoong Hesus na palitan ng pananampalataya ang pagkatakot, ng pagtitiwala ang pangamba, at ng pagkapit sa Diyos ang panginginig na mag-isa. Ang buhay ni propeta Jeremias ay totoo din sa atin; kayraming ikinakatakot, mga tao, bagay o pangyayari man. Subalit tulad ng propeta at ng maya, sana masabi din natin: “Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko, tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma; mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin, mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.” Bilang Ama, narito ang Diyos upang magbigay lakas at tapang at ang tanging bilin niya: Huwag mawalang ng pag-asa!

Ano ba talaga ang ikinatatakot mo? Na hindi ka importante sa iba? Na baka talunan ka? Na baka walang tumanggap at magmahal sa iyo? Na baka husgahan at pagtawanan ka? Na baka pabayaan ka na ng Diyos? Kahit mahirap talagang magtapang-tapangan, hindi naman tayo nag-iisa. Narito si Hesus, na hindi sumuko at umurong maging sa harap ng krus, taglay ang tiwala sa pagmamahal ng Ama.

Kapag natatakot, tanawin lang ang mga maya sa labas ng bintana; araw-araw silang buhay; araw-araw wagi! At ipa-alala sa sarili na mas mahal tayo ng Panginoong Diyos kaysa kanila. Sinasabi sa ating ng Panginoong Hesus na huwag matakot sa anuman o sinuman. Huwag sa takot; huwag sa kasiphayuan; huwag sa pagkatalo! Opo sa pananampalataya; opo sa tiwala; opo sa Amang mapagmahal na nag-aaruga at nagpapalakas sa atin!

ourparishpriest 2023