SAINTS OF JUNE: SAN BERNABE, APOSTOL
HUNYO 11 A. KUWENTO NG BUHAY Bagamat wala sa listahan ng orihinal na labingdalawang apostol, si San Bernabe ay tinatawag ding apostol at kinilala ng mga unang Kristiyano bilang isang tunay at dakilang apostol. Ipinanganak si San Bernabe sa Cyprus (ngayon ay isang bansang isla sa bandang Mediterranean. Isa siya sa mga unang naging Kristiyano mula sa Jerusalem. Ang tunay niyang pangalan ay Jose subalit pinalitan ito ng mga apostol at ginawang Bernabe, na ang ibig sabihin ay Taga-aliw (tingnan po sa Gawa 4: 36-37). Sinasabi sa Gawa ng mg Apostol na ipinagbili niya ang ari-ariang bukid upang ialay sa paanan ng mga apostol ang salaping kinita niya sa pagbebenta nito. Sumunod, nagtungo si San Bernabe sa Antioquiaupang ipangaral doon ang Mabuting Balita. Isa sa mga malalaking lungsod noon ang Antioquia. Sa lugar na ito din, unang nakilala bilang “Kristiyano” ang sinumang sumusunod sa landas ni Kristo Hesus. Mahalaga ang ugnayan ni San Bernabe at ni San Pablo Apostol. Nang unang mahikayat si San Pablo sa pananampalataya sa Panginoong Hesukristo, hindi agad naniwala ang mga Kristiyano sa kanyang pagbabagong puso. Si San Bernabe ang nagdala kay San Pablo sa mga apostol at iba pang kasapi ng simbahan. Tumulong siya sa pamamagitan ng paliwanag upang makumbinsi sila sa mabuting layunin ni San Pablo (Gawa 9:27). Sa unang paglalakbay ni San Pablo para mag-misyon, kasama niya si San Bernabe. Nakarating sila sa Cyprus at sa Asia Minor. Naging katuwang siya si San Pablo sa pangangaral sa mga mamamayan ng kaniyang tinubuang bayan. Sa ikalawang paglalakbay pang-misyon, humiwalay na si San Bernabe kay San Pablo. Sa halip, kasama niya si Juan Marcos na kanyang pinsan, na nagbalik sa Cyprus. Sa Gawa 15, mababasa ding naging bahagi ng Konseho ng Jerusalem (Council of Jerusalem) itong si San Bernabe. Sa pagtitipon na ito, nagulo ang isip ng ilang mga Kristiyano dahil may nagsasabing hindi maliligtas ang mga tao kung hindi susunod sa mga batas ng mga Hudyo. Kasama ni San Pablo, si San Bernabe ang nagtanggol sa karapatan ng mga di-Hudyo (o mga Hentil) na tumanggap sa pananampalataya. Isinalaysay nila kung paano kumilos ang Espiritu Santo sa buhay ng mga bagong kasaping ito kahit na hindi sila bahagi ng pamayanan ng mga Hudyo. Dahil sa pahayag ng dalawang apostol, nagpasya ang konseho na huwag magpataw ng anumang alituntunin sa mga bagong kasapi maliban sa mga bagay na lubhang mahalaga; na hindi na dapat sumunod sa batas Hudyo ang mga di-Hudyong nagiging kasapi ng simbahan. Sinasabing nakarating sa Roma si San Bernabe bago siya bumalik sa kanyang bansa at namatay doon bandang taong 60-61. Namatay siyang isang martir sa ilalim ng panunungkulan ni emperador Nero. Siya ay binato hanggang sa mamatay sa Salamis, Cyprus. Maraming naniniwala na siya ang may akda ng Sulat sa mga Hebreo. May isang ebanghelyo na nakapangalan din sa kanya subalit hindi na nakarating sa ating panahon. Ayon sa tradisyon, namatay si San Bernabe na hawak-hawak malapit sa kanyang puso ang Mabuting Balita. B. HAMON SA BUHAY Paano kaya tayo magiging tulad ni San Bernabe? Maaari nating dasalin sa Espiritu Santo na mabigyan tayo ng liwanag ng pananampalataya at maibahagi natin ito sa mga taong malayo ang puso sa Panginoon. K. KATAGA NG BUHAY Gawa 11: 24 Mabuting tao siya at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya; at marami ang kumilala sa Panginoon. (MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS) Share on FacebookTweet Total Views: 656
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed