Home » Blog » SAINTS OF JUNE: SAN CIRILO NG ALEJANDRIA OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

SAINTS OF JUNE: SAN CIRILO NG ALEJANDRIA OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

 

HUNYO 27

 


 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Malaki ang impluwensya ni San Cirilo sa naging takbo ng pang-unawa ng mga Kristiyano sa kanilang pananampalataya. Nabuhay siya sa panahong maraming mga pagsubok ng hinaharap ang simbahan laban sa lumalagong maling turo ng mga taong lumalayo sa katotohanan. Nakatulong siya upang mahila sa tamang direksyon ang pagtanggap sa mga doktrinang magiging basehan ng pananampalataya.

 

Matatagpuan ngayon sa Egypt ang lugar kung saan isinilang si San Cirilo, ang siyudad ng Alexandria. Ipinanganak siya noong taong 370 sa isang pamilyang kinikilala sa lungsod na iyon. 

 

Sa katunayan, amain o tiyuhin niya ang naging Patriarka ng Alexandria na si Patriarka Teofilo. Ang patriarka ay isang mataas na posisyon sa hanay ng mga obispo at ang rankong ito ay ginagamit pa rin ngayon ng mga simbahang Orthodox at maging ng mga Eastern Catholics.

 

Naging isang pari si Cirilo at nang dumating ang tamang panahon ay humalili siya sa kanyang tiyuhin bilang bagong Patriarka ng Alexandrio noong taong 412. Nakipagbuno sa maling aral na dulot ni Nestorius si San Cirilo.

 

Si Nestorius ay isang Patriarka din. Siya ang patriarka ng Constantinople(ngayon ay Istanbul, sa bansang Turkey). Ang patriarka ng Constantinople ang pinakamataas na obispo sa simbahan ng mga Kristiyanong Orthodox.

 

Sa paliwanag ni Nestorius, tila lumalabas na nagdududa siya sa pananampalataya na si Hesus ay tunay na Diyos. Tinanggihan ni Nestorius ang doktrina na ang Mahal na Birheng Maria ay Ina ng Diyos.  Dahil dito, kumilos agad si San Cirilo upang ituwid ang pananaw ni Nestorius.

 

Nang tipunin ng emperador Theodosius ang Council of Ephesus, si San Cirilo ang pinamahala sa pagpupulong ng mga obispo, sa ngalan ng Santo Papa nang panahon na iyon. Sa pangkalahatang pulong na ito ng mga obispo mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa panahong iyon, pinagtibay ang pananampalataya sa tunay na pagka-Diyos ng Panginoong Hesus. Dito din lalong pinalakas ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos.

 

Nagwagi si San Cirilo at ang mga kapanalig niyang obispo laban sa doktrina ni Nestorius. Nagsulat ng maraming akda na nagpapaliwanag at nagtatanggol ng paniniwala ng mga Katoliko si San Cirilo, bukod sa pamamahala niya ng kanyang diyosesis.

 

Namatay siya noong taong 444, bilang isang obispo at isang pantas na luwalhati ng buong simbahan sa Egypt.

 

Sa pagsusuri ng mga aral ni Nestorius sa ating panahon ngayon, natuklasan na ang hindi pagkakaunawaan sa doktrina ay bunga ng pagkakaiba ng wika, kultura at pamamaraan ng pagtingin sa mga bagay. Kung tutuusin, hindi naman talagang ninais ng mga taong tulad ni Nestorius na sirain ang kabuuan ng pananampalataya.  Kulang lamang ang mga paraan upang magkaunawaan noong panahong nabubuhay pa sila.

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Pilitin nating lalong maunawaan ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng sariling pagsasaliksik at sa pagtatanong sa mga gabay na maaasahan natin sa simbahan natin ngayon.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

2 Tim 4: 3

 

Darating nga ang panahon na hindi na matatagalan ng mga tao ang mabuting aral; sa halip, maghahanap sila ng mga gurong magsasabi ng gustong marinig ng kanilang makakating tainga.

 

 

(MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO,” BY FR. RMARCOS)

2 Comments