SAINTS OF JUNE: SAN IRENEO OBISPO AT MARTIR
HUNYO 28 SAN IRENEO OBISPO AT MARTIR A. KUWENTO NG BUHAY Isang magiting na kasangkapan ng katotohan at kabutihan si San Ireneo. Kinilala siya bilang isang magiting na obispo at isang pantas ng kanyang simbahan sa Lyons, France. Noong taong 130, ipinanganak sa Smyrna (ngayon ay nasa bansang Turkey) si San Ireneo. Kabilang siya sa pamayanan ng mga Kristiyano na may lahing Griyego sa Asia Minor. Unang naging disipulo ni San Policarpio si Ireneo. Si San Policarpio ang obispo noon ng Smyrna. Noong bata pa si San Policarpio, naging tagasunod siya ni San Juan na isa sa Labingdawalang Apostol ng Panginoon at sinasabing Manunulat ng Mabuting Balita. Kaya matibay ang pananampalatayang ipinahayag ni San Policarpio sa kanyang mga nasasakupan. Lumipat ng tirahan si San Ireneo sa France at pagkatapos ay nakapaglakbay pa sa Roma. Sa kanyang mga paglalakbay ay maraming mga maling katuruan ang kanyang narinig na ipinangangaral. Isa na dito ang Gnosticism. Sinasabi ng turo ng Gnosticism na may espesyal na karunungan na ibinibigay ang Espiritu Santo sa mga piling mga tao lamang tungkol sa katotohanan ng Diyos. Nang dumating sa Lyons, France si San Ireneo, ang lugar na ito ay isang teritoryong pang-misyon pa lamang at nagdurusa ang mga Kristiyano dahil sa pag-uusig sa kanila. Doon ay naging isang pari si Ireneo sa taong 177. Nang lumaon ay naging obispo siya ng lungsod. Naging kahalili siya ni San Photinus ng Lyons sa pagka-obispo. Bilang obispo naging masigasig siya sa pagsusugo ng mga misyonero sa iba’t-ibang bahagi ng France. Sumulat ng maraming akda si San Ireneo upang labanan ang mga pagkakamali ng mga tagasunod ng Gnosticism. Sa kanyang dunong at galing, nawasak niya ang impluwensiya ng mga Gnostics sa France. Dahil dito, itinanghal siya a Lyons bilang isang pantas ng pananampalataya. At tunay namang napakagaling niya sa Teolohiya dahil ang kanyang pamamaraan ay halaw sa Salita ng Diyos at sa Tradisyon ng simbahan. Ang ilang mga sulat ni San Ireneo ay nakarating sa atin at ang iba dito ay nakasulat sa wikang Latin. Isinulat ni San Ireneo sa kanyang akda na Adversus Haereses na ang nagtatag ng simbahan sa Roma ay sina San Pedro at San Pablo. Ayon sa kanya, ang tradisyon o tunay na aral ng mga apostol ay dumarating sa atin sa tulong ng mga kahalili ng mga apostol. Ang simbahan sa Roma, ayon kay San Ireneo, ang may pananagutan at awtoridad sa lahat ng iba pang simbahan sa daigdig dahil sa pinagmulan nito. Ang lahat ng simbahan ay dapat maging kaugnay sa Roma, ang ina ng lahat ng mga simbahan. Pinaniniwalaan na naging isang martir si San Ireneo at namatay sa pag-uusig sa ilalim ni Septimus Severus noong taong 202. Subalit walang matibay na patunay tungkol sa pagiging isang martir ni San Ireneo. Nang taong 2022, idineklara ni Pope Francis na si San Ireneo ay isang “pantas” ng simbahan (Doctor of the Church); ang kaisa-isang pantas na isa ring martir. Siya rin ang pinaka-una (o pinakamatanda) sa lahat ng mga pantas ng simbahan ngayon dahil nabuhay at namatay siya noong ikatlong siglo. B. HAMON SA BUHAY Maging matatag din sana ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng palagiang pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pagtalima sa Tradisyon ng pananampalatay na mula sa mga apostol ng Panginoon. K. KATAGA NG BUHAY 2 Tim 2: 25 Pangaralan niya nang mahinahon ang mga nakikipagtalo sa kanya – may pag-asa pang ibigay sa kanila ng Diyos ang pagbabalik-loob upang makilala anng katotohanan. (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 707
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed