SAINTS OF JUNE: SAN JUAN FISHER, OBISPO AT SANTO TOMAS MORE MGA MARTIR

  HUNYO 22   SAN JUAN FISHER, OBISPO AT SANTO TOMAS MORE MGA MARTIR   A. KUWENTO NG BUHAY   Sabay ang pagdiriwang ng kapistahan ng dalawang tanyag na santong ito mula sa England.  Bagamat magkaiba sila ng estado ng buhay, ang si San Juan Fisher ay isang obispo at Kardinal, at si Santo Tomas More ay isang lalaking may-asawa at ama ng tahanan, kapwa sila magkaugnay sa banal na pamumuhay at pagsusumikap na sundin ang tamang aral ng Mabuting Balita.   Parehong namatay sa utos ni Haring Henry VIII ang ating dalawang santo. May asawa si Henry VIII subalit wala silang naging anak sa kabila ng ilang taong pagsisikap at paghahangad nila. Nais ni Henry VIII na hiwalayan ang kanyang asawa at mag-asawa ng panibago.  Hindi siya pinayagan ng Santo Papa sa Roma dahil hindi tama ang dahilan ng hari para sa pagkakaroon ng diborsyo sa kanyang asawa.   Sa galit ng hari sa pagtanggi ng Santo Papa, patuloy pa rin niyang hiniwalayan ang kanyang asawa at muling nagpakasal sa kasintahang si Anne Boleyn. Bukod pa dito, ipinahayag ng hari na siya na ang pinuno ng simbahan sa buong bansang England at inihiwalay niya ang simbahan doon sa simbahan pang-buong daigdig na pinamumunuan ng Santo Papa.  Ito ang naging simula ng Anglican Church.   Nais ng hari na ang lahat ng tao, lalo na ang mga may katungkulan sa gobyerno at simbahan, ay kilalanin ang kanyang bagong kasal at ang kanyang panunungkulan sa simbahan ng England.  Ang hindi sumunod ay ikinulong sa tore ng London at ipinapatay ng hari.   Si San Juan Fisher ay ipinanganak noong 1469 sa Yorkshire. Magaling na estudyante at propesor siya sa CambridgeUniversity bago siya naging isang pari. Naging magaling siyang katunggali laban sa mga maling turo ng mga Protestante at ni Martin Luther.   Hinangaan ang kanyang talino sa Teolohiya at sa kaalaman sa Humanism. Nang maging obispo siya ng Rochester, England, nakilala siya sa pagiging simple, madasalin at banal.   Nang ipinagtanggol niya ang bisa ng unang kasal ni Haring Henry VIII kay Caterina ng Aragon, ikinulong si San Juan.  Nang tumanggi siyang tanggapin ang bagong kasal ng hari at tumanggi siyang manumpa sa kapangyarihan ng hari sa simbahan sa England, pinugutan siya ng ulo noong 1535, isang buwan matapos na hirangin siya, habang nasa piitan, bilang isang Kardinal ng simbahang Katoliko.   San Santo Tomas More naman ay isinilang noong 1477.  Matalino si Santo Tomas at nag-aral siya sa Oxford.  Nang mamatay ang unang asawa, nag-asawa muli si Santo Tomas. Nagkaroon siya ng tatlong anak na babae at isang anak na lalaki.   Tulad ni Erasmus at Pico della Mirandola, si Santo Tomas ay isa ring bihasa sa Humanism. Isinulat niya ang Utopia, ang pinakasikat niyang aklat, na may kinalaman sa Political Philosophy.   Hinangaan ni Haring Henry VIII si Santo Tomas at ginawang Chancellor ng kanyang kaharian. Nagsulat si Santo Tomas ng mga akda tungkol sa mabuting pamamahala ng kaharian at ng mga akda tungkol sa pagtatanggol ng pananampalatayang Katoliko.   Hindi matanggap ni Santo Tomas ang diborsyo at muling pagpapakasal ng hari kaya nagbitiw siya sa tungkulin.  Hindi rin niya makuhang manumpa ng katapatan sa hari bilang pinuno ng simbahan sa England.   Ikinulong siya sa tore ng London at pagkatapos ay pinugutan ng ulo, ilang araw pagkatapos ni San Juan Fisher, sa edad na 57 lamang.  Isang napakagandang pelikula (A Man for All Seasons) ang nagsasalarawan ng kanyang buhay, ng kanyang pakikipaglaban para sa katotohanan, at ng kanyang kagitingan at katapatan sa Panginoon at sa simbahan.   B. HAMON SA BUHAY   Paano mo kaya ipaglalaban ang iyong pananampalataya kung alam mong may mga taong hindi magugustuhan ang iyong paninindigan? Mas pipiliin mo ba ang maging tapat kay Kristo o ang papuri ng mga tao?   K. KATAGA NG BUHAY   1 Pedro 4: 12-16   Sa halip, kung ang pagiging Kristiyano ang dahilan ng pagdurusa, huwag kayong mahiya at bayaang magbigay-puri sa Diyos ang pangalang ito.     (MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS) Share on FacebookTweet Total Views: 363