Home » Blog » SAINTS OF JUNE: SAN MARCELINO AT SAN PEDRO, MGA MARTIR

SAINTS OF JUNE: SAN MARCELINO AT SAN PEDRO, MGA MARTIR

 

HUNYO 2 

SAN MARCELINO AT SAN PEDRO,

MGA MARTIR

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Sa tinatawag na Eucharistic Prayer I ay matutunghayan ang pangalang ng dawalang santong martir sa araw na ito: sina San Marcelino at San Pedro.  Ibig sabihin, sinauna pa ang mga kaalaman tungkol sa kanilang pagbibigay ng buhay para sa pananampalataya.

 

Naging bantog ang dalawang martir sa kapanahunan ng Papa Damaso (384).  Sa katunayan, ito mismong si Papa Damaso ang siyang nagbigay sa atin ng salaysay sa buhay at kamatayan ng mga banal na taong ito.

 

Sinabi ni Papa Damaso na noong bata pa siya ay narinig niya ang kuwento ng pagkamatay ng dalawang santo mula sa mismong bibig ng taong pumatay sa kanila.  Ang taong ito na naging berdugo (isang taong naatasang pumatay ng kanyang kapwa-tao) ay naging isang Kristiyano paglipas ng panahon. Naging kasangkapan siya upang makilala ng simbahan ang kagitingan ng mga taong kanyang pinatay.

 

Si San Pedro ay isang “exorcist.”  Noong unang panahon pa lamang ng Kristiyanismo ay may mga taong kilala at itinalaga bilang exorcist.  Sila ang may atas na mula sa simbahan upang alalayan ang mga taong pinahihirapan ng mga demonyo o masasamang espiritu.  Ginagawa nila ito sa tulong ng panalangin at pag-alalay sa mga taong ito na lumapit at isuko ang puso sa Diyos.

 

Bagamat sikat na sikat ngayon sa mga horror movies ang mga exorcist, at gayundin sa mga babasahin, hindi lahat ng gawain nila ay kasing ma-drama at madamdamin tulad ng nakikita sa media.  Isang normal na bahagi ng buhay simbahan ang mga taong ito na may espesyal na misyon sa magdasal at mag-sakripisyo upang labanan ang mga masasamang espiritu.

 

Naging matagumpay si San Pedro na magpahayag ng pananampalataya kahit siya ay nasa kulungan. Pati ang kawal na nagbilanggo sa kanya ay naniwala sa Panginoong Hesus kasama ang buong pamilya nito.

 

Si San Marcelino naman na kasama noon ni San Pedro sa kulungan ang siyang nagbinyag sa kawal at sa buong sambahayan nito na naging mga tagasunod ni Kristo.

 

Tila isang tagpo sa pelikula ang kamatayan ng dalawang santong ito. Sila mismo ang inatasan upang humukay ng kanilang libingan.  Pagkatapos ay pareho silang pinutulan ng ulo.  Naganap ito sa isang magubat na lugar subalit parang himala na natagpuan ang kanilang mga bangkay kaya nailibing nang maayos at naipagtayo pa ng isang simbahan sa Roma sa ibabaw ng kanilang bangkay.  Namatay sila ng taong 303/ 304.

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Hindi maitatago ang kabutihang ipinunla ng isang tunay na Kristiyano.  Kahit na halos walang nakakaalam, nalahad pa rin ang kasaysayan ng dalawang martir na ito at ngayon ay pinararangalan pa rin sila ng Diyos at ng simbahan. Huwag tayong matakot na mawalang saysay ang kabutihang ginagawa natin. May paraan ang Diyos upang kilalanin ito at bigyan ng gantimpala.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

2 Cor 6: 9b-10

 

Pinahihirapan kami at hindi namamatay, namimighati ngunit laging nagagalak, mga dukha kami na pinayayaman ang marami, walang-wala kami ngunit taglay ang lahat.

 

(mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)