ANO ANG BANAL NA MISA? PART 8: ANG ALELUYA AT ANG PRUSISYON
Bantad na tayo sa awiting Aleluya na mula sa salitang Ebreo na Halelu-Yah na ang kahulugan ay Purihin ang Diyos! kaya ito ay paanyaya sa pagpupuri sa Diyos. makikita ang Aleluya sa simula at dulo ng mga Salmo 146 hanggang 150. Makikita din ito sa Pahayag 19: 1, 3, 4, 6 bilang awit ng mga anghel. Ito ang ikalawang pagkakataon na ang pagsamba sa lupa ay nanghihiram ng awit ng sa mga anghel; ang una ay ang Luwalhati sa Diyos na tinalakay na natin. Manghihiram tayo muli sa mga anghel sa awit na Santo, Santo, Santo. Kaya ang pagsamba sa lupa, laging bukas sa langit, at pinananahanan ng mga anghel. Kahit gaano kaliit ang pamayanang nagmimisa, napapalibutan tayo ng mga lupon ng mga anghel.
Ang tungkulin sa pagsamba ng Aleluya (o ng antipona o aklamasyong kapalit nito tuwing Kuwaresma) ay upang sabayan ang prusisyon ng Aklat ng Mabuting Baita o Ebanghelyo. Sa prusisyong ito, kukunin ng pari ang Aklat, ang Salita ni Kristo, mula sa altar, na sagisag din ni Kristo, at dadalhin sa pulpit o sa lugar kung saan ito ipapahayag at babasahin sa mga tao.
Ang Aklat ng Mabuting Balita ay pinararangalan na ng mga Kristiyano noon pang ika-5 at ika-6 na siglo. Ang iba pa nga ay naisulat sa ginto sa parchment o iyong katad na pinagsusulatan noong unang panahon na wala pang papel. Ang takip o balot ng Aklat na ito ay maraming palamuti na minsan pa nga ay mga mamahaling hiyas.
Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ay ang taluktok ng pagdiriwang ng Liturhiya ng Salita. Iba ang Aklat ng Mabuting Balita, na dapat ay may higit na pagpapahalaga at pagpupugay sa iba pang mga aklat ng pagbasa na ginagamit sa Misa.
Sa simula ng Misa ang Aklat ng Mabuting Balita ay inilalagay sa ibabaw ng altar na para bang iniluluklok dito, isang pagpapatuloy ng mahabang tradisyon ng simbahan. Tanging ang Aklat ng Mabuting Balita at ang tinapay at alak ng Eukaristiya ang ipinapatong sa altar. Kaya magandang payo na alisin sa altar ang ibang mga bagay na hindi nababagay doon tulad ng lalagyan ng alak at tubig o cruets, ang hugasan ng kamay at ang tuwalya, at iba pa tulad minsan ng sombrero ng obispo na puwede namang hindi doon ipatong.
Ang prusiyon ng Mabuting Balita ang dapat pinakamagalak at pinakamasayang prusisyon sa Misa. Bagamat simple lang ang kilos nito, dala ng pari o diyakono ang Aklat, na sasabayan ng mga kandila at ng insensong dala ng mga sakristan. Sa ibang mga pamayanan, may dagdag na kagandahang dulot ng mga bulaklak at sayaw. Sabi sa Salmo 150:4 – Praise the Lord with dancing!
Ang pagdadalhan naman ng Aklat ng Mabuting Balita ay tinatawag na lectern o ambo na dapat din ay isang lugar na puno ng dangal. Kailangang ito ay permanente at hindi nagagalaw. Dito ginagaganap ang mga pagbasa, ang Salmong Tugunan, ang Pagpapahayag ng Pagkabuhay o Exsultet at ang Mabuting Balita at maaari ding lugar para sa homiliya ng pari. Hindi dapat dito babasahin ang panalangin ng bayan, announcements, o kaya ay pagkumpasan ng choirmaster. Ang ambo o lectern ay lugar para sa Salita ng Diyos at hindi sa salita ng tao.
Maganda lalo kung magkatugma ang ayos at itsura ng altar ng Eukaristiya at ang altar ng Mabuting Balita (iyong ambo o lectern) upang maipakita ang kanilang malapit na pagkaka-ugnay.