Home » Blog » IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MAGING MABISA NAWA ANG SALITA

MT. 13: 1-9

Bagamat may asawa, nagkaroon si Rudy ng isang affair na nagdulot ng pag-iwan niya sa kanyang pamilya. Nilustay niya ang pera niya sa kabit niya at pinabayaan pati trabaho niya. Nang iniwan siya ng kabit, hiyang-hiya at walang kapera-perang bumalik siya sa pamilya. Minsang naghahanap siya ng trabaho, nakarinig siya ng isang preacher sa kalsada. Tinamaan siya ng mga salita nito at hindi niya mapigil ang kanyang pag-iyak. Unti-unti, nagsimula na ang kanyang pagbabago.

Tinutukoy ng Mabuting Balita ngayon ang mabisang pagtanggap sa Salita ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Hesus na ang Salita niya ay para sa lahat, walang itinatangi. Libre, handog, at laan para sa lahat. Subalit hindi lahat ay pareho ang pagtanggap sa kanyang Salita. May tumatanggi, nakakalimot, nagpapabaya, at tumatalikod… at may ilang tumatanggap at nagsasabuhay nito.

Bakit hindi nagiging mabisa ang Salita ng Diyos sa mga tao? Habang may mga hadlang sa ating kaugnayan sa Diyos, hindi tutubo ang Salita niya sa ating puso. Kung nalilibang tayo sa mga pasarap ng buhay, kung malakas ang loob natin sa pakiramdam na secure ang lahat sa buhay, kung tila kaya naman nating mag-isa kahit walang tulong mula sa itaas, hindi talaga magkakabisa. Isasaboy ang binhi pero hindi kakapit, hindi tutubo, hindi lalago.

Subalit sa sandaling nasa dulo na tayo at tila babagsak lahat, na walang tiyak at walang kapangyarihan pinanghahawakan, doon maraming tao ang nagsisimulang magtiwala sa Salita ng Diyos.

Sa buhay mo ngayon, masasabi mo bang mabisa nga ang Salita ng Diyos sa buhay mo? Na ang Salita niya ang nangunguna, gumagabay, nanghihikayat, at pumapalibot sa iyo? O baka may mga bagay na humaharang pa upang kumapit ito sa iyong puso? Anong kapanatagan, pasarap, security, o tagumpay ang iyong tinitingala sa halip na tanggapin at pagtiwalaan ang Salita ng Panginoon?

Sa pagsisimba natin ngayong linggong ito, pakumbaba nating hilingin na alisin ng Panginoon ang mga balakid sa pagtanggap at pagiging mabisa ng kanyang Salita sa ating buhay.

Ourparishpriest 2023